Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

SIERRA LEONE AT GUINEA

2002-2013 Hanggang Ngayon (Bahagi 2)

2002-2013 Hanggang Ngayon (Bahagi 2)

Pagtulong sa mga Bingi

Ayon sa isang pagtaya, mga 3,000 hanggang 5,000 ang bingi sa Sierra Leone at daan-daan naman sa Guinea. Yamang “kalooban [ni Jehova] na ang lahat ng uri ng mga tao ay maligtas,” paano “maririnig” ng mga bingi ang mabuting balita?1 Tim. 2:4.

Sinabi ni Michelle Washington, isang misyonerang nagtapos sa Gilead na dumating sa Sierra Leone noong 1998: “Kami ng asawa kong si Kevin ay naatasan sa isang kongregasyon na may dumadalong apat na bingi. Dahil marunong ako ng American Sign Language, gusto ko silang tulungan. Inanyayahan ako ng tanggapang pansangay na mag-interpret para sa mga bingi sa mga pulong at asamblea at ipinaalam ang probisyong ito sa kalapít na mga kongregasyon. Nagsaayos din ang sangay ng mga klase sa sign language para sa mga mamamahayag na gustong tumulong sa mga bingi. Nagsimula kaming maghanap ng mga bingi at magturo ng Bibliya sa kanila. Dahil nakikita ng komunidad ang pagsisikap namin, marami sa kanila ang pumupuri sa amin. Pero hindi lahat ay natutuwa. Isang pastor na nagtuturo sa mga bingi ang nagsabi na ‘mga bulaang propeta’ raw kami. Sinabihan niya ang mga bingi at ang kanilang pamilya na iwasan kami. Sinabihan pa ang ilan na kapag sumama sila sa amin, mapuputol ang sustento sa kanila. Agad na nahati ang komunidad ng mga bingi sa dalawang grupo: ang mga hindi pa nakakakilala sa amin at sumusuporta sa pastor at ang mga nakakakilala sa amin at hindi sumusuporta sa pastor. Ang ilan sa pangalawang grupo ay nanindigan sa katotohanan at nagpabautismo.”

Kuning halimbawa si Femi na isinilang na bingi at ilang senyas lang ang alam. Pinagsususpetsahan niya ang lahat, lalo na ang mga nakakarinig. Malungkot siya at pakiramdam niya’y walang nagmamahal sa kaniya. Nakipag-aral siya ng Bibliya sa mga brother mula sa sign-language group. Di-nagtagal, regular na siyang dumadalo sa mga pulong at natuto ng wikang pasenyas. Nabautismuhan si Femi at ngayo’y masayang nagtuturo ng katotohanan sa iba pang mga bingi.

Si Femi (kanan) habang isinesenyas ang awiting pang-Kaharian

Noong Hulyo 2010, ang grupo ng Freetown American Sign Language ay naging isang kongregasyon. Mayroon na ring mga grupo ng sign language sa Bo at Conakry.

Mahirap Pero “Mayaman sa Pananampalataya”

Ipinapakita sa Bibliya na karamihan sa mga Kristiyano noong unang siglo ay mahirap. Isinulat ng alagad na si Santiago: “Pinili ng Diyos ang mga dukha may kinalaman sa sanlibutan upang maging mayaman sa pananampalataya.” (Sant. 2:5) Ang pananampalataya kay Jehova ay nagdudulot din ng kaaliwan at pag-asa sa mga mamamahayag sa Sierra Leone at Guinea.

Dahil sa pananampalataya, maraming mahihirap na pamilyang Saksi sa liblib na mga lugar ang nag-iipon nang ilang buwan para makadalo sa pandistritong kombensiyon. Ang ilan ay nagtatanim para may panggastos sa biyahe. Mga grupo ng 20 hanggang 30 delegado ang nagsisiksikan sa maliliit na trak at tinitiis ang mainit, maalikabok, at malubak na biyahe na umaabot nang 20 oras o higit pa. Ang ibang delegado ay naglalakad nang malayo. “Nilakad namin ang unang 80 kilometro patungong kombensiyon. Nagdala kami ng maraming saging,” ang sabi ng isang brother. “Ibinenta namin sa daan ang mga saging, kaya gumaan ang dala namin at nagkapera kami para makasakay naman sa trak.”

Patungong pandistritong kombensiyon sakay ng trak

Dahil din sa pananampalataya, maraming mamamahayag ang hindi natutuksong mangibang-bansa. “Tiwala kami na ilalaan ni Jehova ang mga kailangan namin,” ang sabi ni Emmanuel Patton, nagtapos sa Bible School for Single Brothers. “Dahil nakatira kami sa isang lupain na malaki ang pangangailangan sa mga mangangaral ng Kaharian, naiisip namin na napakahalaga ng aming paglilingkod.” (Mat. 6:33) Si Emmanuel ay isa nang elder sa kongregasyon. Sila ng asawa niyang si Eunice ay abala sa paglilingkod kay Jehova. Ang ibang mga ulo ng pamilya ay hindi umaalis sa kanilang lugar para maproteksiyunan ang pagkakaisa at espirituwalidad ng kanilang pamilya. “Hindi ko tinatanggap ang trabahong maglalayo sa akin sa pamilya ko nang mahabang panahon,” ang sabi ni Timothy Nyuma, isang special pioneer at humahalili bilang tagapangasiwa ng sirkito. “Sa lugar na lang namin pinag-aral ng asawa kong si Florence ang aming mga anak kaysa pag-aralin sila sa malayo at ibang tao ang mag-alaga sa kanila.”

Ipinapakita naman ng ibang mga kapatid ang kanilang pananampalataya sa pamamagitan ng pagiging matiyaga sa mga gawaing Kristiyano sa kabila ng iba’t ibang problema. Sinabi ni Kevin Washington: “Maraming mamamahayag ang regular pa ring nangangaral at nag-aasikaso ng mga pananagutan sa kongregasyon sa kabila ng mga problemang kung tayo ang makakaranas ay baka magmukmok na lang tayo sa bahay o maging bugnutin. Ang ilan sa kanila ay may nagtatagal na sakit at walang mapagpagamutan agad di-tulad sa ibang lugar. Ang iba ay nagsisikap talaga nang husto para matutong bumasa’t sumulat. Kapag nagiging mapamuna ako sa paraan ng pag-aasikaso ng isang brother sa kaniyang atas, itinatanong ko sa aking sarili: ‘Kung ako kaya ang nagtatrabaho nang buong-panahon, may malubhang problema sa kalusugan, malabo ang mata pero walang salamin, at halos walang mapagkunan ng reperensiya at walang kuryente, magagampanan ko rin kaya nang mahusay ang mga atas ko?’ ”

Sa maraming iba’t ibang paraan, ang mga kapatid sa Sierra Leone at Guinea ay lumuluwalhati kay Jehova. Tulad ng mga Kristiyano noong unang siglo, inirerekomenda din nila ang kanilang sarili bilang mga ministro ng Diyos “sa maraming pagbabata, sa mga kapighatian, sa mga pangangailangan, . . . gaya ng mga dukha ngunit pinayayaman ang marami, gaya ng mga walang pag-aari at gayunma’y nagmamay-ari ng lahat ng bagay.”2 Cor. 6:4, 10.

Pagharap sa Kinabukasan Nang May Pagtitiwala

Mahigit 90 taon na ang nakakalipas, iniulat nina Alfred Joseph at Leonard Blackman na ang mga bukid sa Sierra Leone ay “mapuputi na para sa pag-aani.” (Juan 4:35) Pagkaraan naman ng mga 35 taon, sumulat si Manuel Diogo mula sa Guinea, “Maraming interesado rito.” Sa ngayon, ang mga lingkod ni Jehova sa dalawang bansa ay kumbinsido na marami pa ang tutugon sa mabuting balita.

Noong 2012, ang dumalo sa Memoryal sa Guinea ay 3,479—mahigit apat at kalahating beses na mas marami kaysa sa bilang ng mamamahayag sa bansa. Sa 2,030 mamamahayag naman sa Sierra Leone, 7,854 ang dumalo sa Memoryal—halos apat na beses na mas marami kaysa sa bilang ng mamamahayag. Ang isang dumalo sa Memoryal na iyon ay ang 93-taóng-gulang na special pioneer na si Winifred Remmie. Sila ng mister niyang si Lichfield ay dumating sa Sierra Leone noong 1963. Pagkaraan ng 60 taon ng buong-panahong paglilingkod, naglilingkod pa rin siya bilang special pioneer. Sinabi ni Winifred: “Sino ang mag-aakalang magkakaroon sa Sierra Leone ng maraming Saksing matitibay sa espirituwal? Kahit matanda na ako, gusto ko pa ring may maiambag sa nakakagalak na pagsulong na ito.” *

Tulad ni Winifred, ganiyan din ang nadarama ng mga Saksi ni Jehova sa Sierra Leone at Guinea. Gaya ng mga punong sagana sa tubig, determinado silang patuloy na mamunga bilang pagpuri kay Jehova. (Awit 1:3) Sa tulong ni Jehova, patuloy nilang ipahahayag ang tunay na pag-asa ng kalayaan ng sangkatauhan—ang “maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.”Roma 8:21.

Komite ng Sangay, mula kaliwa: Collin Attick, Alfred Gunn, Tamba Josiah, at Delroy Williamson

^ par. 16 Si Winifred Remmie ay namatay habang inihahanda ang materyal na ito.