SIERRA LEONE AT GUINEA
Nakatakas Kami Mula sa mga Rebelde
Andrew Baun
-
ISINILANG 1961
-
NABAUTISMUHAN 1988
-
Isang regular pioneer sa Pendembu, Eastern Province, Sierra Leone, nang pumutok ang digmaan noong 1991.
ISANG hapon, lumusob ang mga rebelde sa aming bayan at halos dalawang oras silang nagpaputok sa ere. Ang ilan sa kanila ay mga tin-edyer na hirap na hirap sa pagdadala ng kanilang mga sandata. Marurumi sila, magugulo ang buhok, at tila bangag sa droga.
Kinabukasan, sinimulan na nila ang walang-awang pananakit at pagpatay sa mga tao. Ginahasa nila ang mga babae. Napakagulo noon. Ang buong pamilya ni Brother Amara Babawo at apat pang interesado ay tumuloy sa aming bahay. Takot na takot kami.
Di-nagtagal, isang kumander ng mga rebelde ang dumating at inutusan kaming magreport kinaumagahan para sa pagsasanay sa militar. Determinado kaming manatiling neutral, bagaman alam naming puwede kaming patayin dahil dito. Halos buong gabi kaming nanalangin. Kinabukasan, maaga kaming bumangon, tinalakay namin ang teksto, at naghintay sa pagdating ng mga rebelde. Pero hindi sila dumating.
“Nagbabasa kayo ng teksto araw-araw. Mga Saksi ni Jehova kayo, ano?”
Nang maglaon, isang opisyal ng mga rebelde at apat sa kaniyang mga tauhan ang nagkampo sa aming bahay. Hindi naman nila kami pinaalis, kaya patuloy lang kami sa regular na pagdaraos ng mga pulong at pagtalakay ng teksto araw-araw sa aming bahay. Sinabi ng ilang rebelde: “Nagbabasa kayo ng teksto araw-araw. Mga Saksi ni Jehova kayo, ano?” Hindi sila interesado sa Bibliya, pero iginagalang nila tayong mga Saksi.
Isang araw, dumating ang senior commander para inspeksiyunin ang mga rebeldeng nasa bahay namin. Sumaludo siya kay Brother Babawo at kinamayan ito. Sinabi niya sa kaniyang mga kasamahan: “Ang taong ito ang boss ko at boss n’yo. Kapag may isang buhok na nalagas sa ulo niya o sa ulo ng mga kasama niya, patay kayo sa akin. Nagkakaintindihan ba tayo?” “Yes, sir!” ang sagot nila. Pagkatapos, binigyan niya kami ng isang liham na nag-uutos sa Revolutionary United Front na huwag kaming gagalawin dahil mapapayapa kaming mamamayan.
Pagkalipas ng ilang buwan, naglaban-laban ang iba’t ibang paksiyon ng mga rebelde kaya tumakas kami sa kalapít na Liberia. Pinagbantaan kami roon ng iba pang rebeldeng grupo. “Mga Saksi ni Jehova kami,” ang sabi namin. “Kung gayon, ano ang mababasa sa Juan 3:16?” ang tanong ng isa sa kanila. Nang masabi namin ang nilalaman ng teksto, hinayaan na nila kami.
Nang maglaon, may nakilala kaming isang kumander ng mga rebelde na nag-utos sa amin ni Brother Babawo na sumama sa kaniya. Akala namin, katapusan na namin. Sinabi ng kumander na nakipag-aral siya ng Bibliya sa mga Saksi bago ang digmaan. Binigyan niya kami ng pera at napakisuyuan namin siya na ihatid ang liham namin sa mga kapatid sa kalapít na kongregasyon. Di-nagtagal, dalawang brother ang dumating na may dalang mga suplay at dinala nila kami sa isang ligtas na lugar.