Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TAMPOK NA MGA PANGYAYARI NOONG NAKARAANG TAON

Mga Sangay na Inialay

Mga Sangay na Inialay

Noong Oktubre 20, 2012, tuwang-tuwa ang mga Saksi ni Jehova sa Korea nang ialay kay Jehova ang mga kinumpuni at bagong-tayo na pasilidad ng sangay. Naging lalong espesyal ang okasyong ito dahil ang mga Saksi sa kanilang bansa ay 100 taon na ring tapat na naglilingkod kay Jehova. Nang taon ding iyon, lumampas sa 100,000 ang bilang ng mamamahayag sa Korea sa unang pagkakataon. Mga 1,200 lokal na boluntaryo at 239 na internasyonal na lingkod at boluntaryo mula sa siyam na bansa ang nagtulung-tulong sa pagtatayo ng isang bagong residence building, printery building, mga audio/video studio, at isang talyer. Bukod diyan, inayos din ang karamihan sa mga dating gusali.

Si Anthony Morris, miyembro ng Lupong Tagapamahala, ang nagbigay ng nakapagpapatibay na pahayag sa pag-aalay, at 3,037 kapatid ang dumalo. Kinabukasan, isang espesyal na miting ang ginanap sa isang malaking bulwagan, at mahigit 1,300 kongregasyon sa Korea ang naka-hook-up sa pamamagitan ng Internet. Lahat-lahat, 115,782 Saksi ni Jehova at mga interesado ang nakinabang sa napakagandang espirituwal na programang iyon.

Hindi malilimutan ng mga mananamba ni Jehova sa Liberia ang Marso 9, 2013. Nagtipun-tipon ang mga bisita mula sa 11 bansa para sa pag-aalay ng bagong-kumpuni at pinalaking tanggapang pansangay. Lahat ay nasiyahan sa pakikinig sa pahayag sa pag-aalay na binigkas ni Guy Pierce, miyembro ng Lupong Tagapamahala. Matapos ang mahigit isang dekada ng digmaang sibil na nakahadlang sa pagpaplano at pagtatayo, napalawak din ang sangay at nabili ang katabing property na dating kuta ng mga rebelde. Tuwang-tuwa ang 51 miyembro ng pamilyang Bethel na gamitin ang residence building na may 35 silid, bagong-kumpuning office building, at bagong shipping warehouse, maintenance building, at kitchen at dining room.

Mababait at palaisip sa espirituwal ang mga mamamayan sa Republika ng Georgia. Nang bumagsak ang Unyong Sobyet, di-pangkaraniwan ang naging teokratikong paglago sa bansa, na sinundan naman ng matinding pag-uusig. Sa ngayon, humupa na ang pagsalansang, at isang malaking pangyayari sa kasaysayan ng mga Saksi ni Jehova sa Georgia ang naganap noong Sabado, Abril 6, 2013. Inialay ang bagong-kumpuni at pinalawak na pasilidad ng sangay, isang Assembly Hall, at isang bagong pasilidad para sa School for Kingdom Evangelizers at School for Traveling Overseers and Their Wives. Si David Splane ng Lupong Tagapamahala ang nagbigay ng pahayag sa pag-aalay na dinaluhan ng 338 kapatid mula sa 24 na bansa at mahigit 800 Saksi sa Georgia.

Georgia

Kinabukasan, napakinggan at napanood ng 15,200 ang espesyal na pahayag ni Brother Splane sa iba’t ibang dako na pinagpupulungan ng mga kongregasyon sa buong Georgia. Talagang nakapagpapatibay para sa marami ang internasyonal na okasyong ito. Sinabi ng isang kabataang brother, “Alam ko na ngayon kung ano ang pakiramdam sa bagong sanlibutan.”

Noong Hunyo 29, 2013, inialay ang isang bagong tatlong-palapag na office building sa Bethel sa Yangon, Myanmar. Si Guy Pierce ng Lupong Tagapamahala ang nagbigay ng pahayag sa pag-aalay na dinaluhan ng 1,013, kasama ang mga bisita mula sa 11 bansa. Isang grupo ng mga kapatid sa Myanmar ang naatasang sumalubong sa mga bisita sa Yangon International Airport. Nilapitan sila ng isang lalaki mula sa bansa kung saan bawal ang gawain ng mga Saksi ni Jehova. Itinuro niya ang mga karatulang hawak ng mga kapatid na may nakasulat na “Welcome Jehovah’s Witnesses,” at nagtanong, “Sino ang sasalubungin n’yo, mga testigo sa korte?” “Hindi, mga kaibigan namin,” ang sagot ng mga kapatid. “E, sino si Jehova?” tanong niya. Siyempre pa, sinamantala ng mga kapatid na makapagbigay ng mainam na patotoo. Pagkatapos ng programa sa pag-aalay, isang espesyal na miting ang ginanap kinabukasan sa Myanmar Convention Center, kung saan ipinahayag ni Brother Pierce ang paksang “Maglingkod kay Jehova Taglay ang May-unawang Puso.” Naka-telephone hook-up sa programa ang anim na lokasyon sa Myanmar, kaya lahat-lahat, 2,963 ang nakinabang sa napapanahong impormasyong ito. Isa sa mga drayber ng bus na naghatid sa isang grupo ng lokal na mga kapatid patungo sa espesyal na miting sa Yangon ang nagsabi: “Alam n’yo, ibang-iba kayo sa lahat ng relihiyon. Maganda ang asal ninyo, maayos kayong manamit, at napakababait. Maraming taon na rin akong nagmamaneho ng bus para sa iba’t ibang grupo, pero ngayon lang ako nakakita ng ganiyan kadisenteng mga tao!”

Myanmar: Mainit na tinatanggap ng mga kapatid ang mga bisitang dadalo sa pag-aalay sa sangay

Noong Hulyo 3, 2013, Miyerkules, may dahilan para magsaya ang tapat na mga lingkod ni Jehova sa Moldova nang ibigay ni Stephen Lett ng Lupong Tagapamahala ang pahayag sa pag-aalay para sa pinalawak na pasilidad ng kanilang tanggapang pansangay. Kasama rito ang tatlong-palapag na gusali na may literature depot at sampung silid para sa mga naglilingkod sa sangay, gayundin ang dalawang-palapag na Kingdom Hall na ginagamit ng pitong kongregasyon. Masayang sinalubong ng 33 miyembro ng pamilyang Bethel sa Moldova ang mga bisita mula sa Germany, Ireland, Netherlands, Romania, Russia, Ukraine, at Estados Unidos. Naroon din ang mga kapatid na tapat na naglingkod kay Jehova noong bawal pa ang gawain sa bansa. Ang ilan pa nga sa kanila ay tumulong sa pagkopya at pamamahagi ng mga literatura nang mga panahong iyon. Dumalo rin ang marami sa mga ipinatapong kasama ng kanilang mga magulang sa Siberia noong inuusig ang mga Saksi ni Jehova sa Unyong Sobyet. Noong Linggo, nagbigay si Brother Lett ng isang nakapagpapatibay na pahayag na ininterpret sa Romanian at Russian. May 14,705 dumalo—ang pinakamalaking pagtitipon ng mga Saksi ni Jehova sa Moldova.

Patuloy na Manalangin at Huwag Manghimagod

Idiniin ni Jesus na dapat tayong “manalangin at huwag manghimagod.” (Luc. 18:1) Tuwing nananalangin kayo, pinapatibay ninyo ang inyong pag-asa. Kaya “manalangin kayo nang walang lubay,” oo, “magmatiyaga kayo sa pananalangin.” (1 Tes. 5:17; Roma 12:12) Habang ginagawa ninyo ito, “nawa’y ang Diyos ng kapayapaan . . . ay magsangkap sa inyo ng bawat mabuting bagay upang gawin ang kaniyang kalooban, na isinasagawa sa [inyo] sa pamamagitan ni Jesu-Kristo yaong lubhang kalugud-lugod sa kaniyang paningin.”Heb. 13:20, 21.