INDONESIA
Espirituwal na Kayamanan ang Mahalaga sa Kaniya
Thio Seng Bie
-
ISINILANG 1906
-
NABAUTISMUHAN 1937
-
Isang tapat na elder na dumanas ng karahasan dahil sa pagtatangi ng lahi.—Ayon sa salaysay ng anak niyang babae na si Thio Sioe Nio.
NOONG Mayo 1963, nagkaroon ng mga riot laban sa mga Chinese sa buong West Java. Ang pinakanaapektuhan ay ang lunsod ng Sukabumi, kung saan may trucking business ang aming pamilya. Pinasok ng daan-daang tao ang bahay namin—kasama na ang ilan sa aming kapitbahay. Takot na takot kami habang sinisira nila at tinatangay ang aming mga pag-aari.
Pagkaalis nila, dinamayan kami ng iba naming kapitbahay. Habang nakaupo sa sahig ng sala si Tatay kasama nila, nakita niya sa nagkasira-sirang mga gamit namin ang kaniyang malaking Bibliyang Sundanese. Binuksan niya ito at sinabing nakahula ang gayong mga pangyayari. Pagkatapos, ipinaliwanag niya ang maligayang pag-asa tungkol sa Kaharian.
Hindi nagpokus si Tatay sa pag-iimbak ng kayamanan sa lupa. Lagi niyang sinasabi sa amin: “Espirituwal na mga bagay ang dapat unahin!” Dahil sa kasigasigan niya, ang nanay ko, limang kapatid, lolo na 90 anyos, at maraming kamag-anak at kapitbahay ay tumanggap ng katotohanan.