Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Sierra Leone: Tumanggap ng tulong si Crystal

PANGANGARAL AT PAGTUTURO SA BUONG LUPA

Aprika

Aprika
  • LUPAIN 58

  • POPULASYON 1,109,511,431

  • MAMAMAHAYAG 1,538,897

  • PAG-AARAL SA BIBLIYA 4,089,110

Nanalangin Siya na Makasumpong ng mga Bingi

Sa Sierra Leone, sinimulan ni Crystal, isang misyonerang naglilingkod sa teritoryo ng wikang pasenyas, ang araw niya sa pananalangin na makasumpong siya ng mga bingi sa teritoryo. Nang umagang iyon, hinahanap niya ang isang dadalawing-muli, pero sa ibang kalye siya dumaan. Nagtanong siya sa mga kapitbahay kung may kilala silang mga bingi roon, at itinuro siya sa isang bahay. Nakilala niya roon ang isang palakaibigang kabataang babae na tumugon sa mensahe at gustong dumalo sa pulong ng wikang pasenyas. Tinanong si Crystal ng mga tao roon kung gusto ba niyang makilala ang isa pang bingi. Kaya nakasumpong siya ng isa pang mapagpakumbabang tao na naghahanap ng katotohanan. Bagaman ilang beses siyang gumawa sa kalyeng iyon, noon lang niya nasumpungan at nakilala ang dalawang bingi. Kumbinsido si Crystal na hinding-hindi niya masusumpungan ang mga interesadong iyon kung wala ang tulong ni Jehova.

“Para sa Akin ang Pahayag na Iyon!”

Si Emmanuel, na nakatira sa Liberia, ay nagmamaneho papuntang Kingdom Hall para sa pulong sa dulong sanlinggo. Nakita niyang nakatayo sa tabi ng daan ang isang kabataang lalaki na maayos ang pananamit pero mukhang problemado. Dahil sa hitsura ng lalaki, inihinto ni Emmanuel ang kotse para alamin kung may maitutulong ba siya. Nalaman niyang Moses ang pangalan ng lalaki. Ninakaw ang lahat ng pera niya noong nakaraang gabi, at nagbabalak siyang magpakamatay. Nakinig si Emmanuel kay Moses at may-pagmamalasakit na sinabi, “Halika, sumama ka sa akin sa Kingdom Hall.” Nagpunta silang dalawa sa Kingdom Hall. Napaluha si Moses sa narinig niya roon. Pagkatapos marinig ang pahayag pangmadla, sinabi ni Moses: “Para sa akin ang pahayag na iyon! Iba talaga ang mga Saksi ni Jehova.” Pagkatapos ng pulong, tinanggap ni Moses ang isang pag-aaral sa Bibliya at regular na ngayong dumadalo sa mga pulong ng kongregasyon.

“Hindi Po Ako Pagano”

Si Aminata ay isang 15-anyos na estudyante sa Guinea-Bissau. Noong 13 anyos siya, pinagdrowing ng kaniyang art teacher ang klase ng mga maskara at iba pang bagay na may kaugnayan sa mga pagdiriwang ng karnabal. Sa halip, nagdrowing si Aminata ng isang tanawin na may mga hayop at halaman at saka isinulat ang “Paraiso” sa kaniyang drowing. Nang kunin ng teacher ang mga drowing, sinabi niya kay Aminata na walang kaugnayan sa selebrasyon ang kaniyang drowing at binigyan siya ng markang zero. Pagkatapos ng klase, nagpunta si Aminata sa teacher at nagtanong, “Para kanino po ba ang karnabal?”

“Sa mga pagano,” ang sagot ng teacher.

Guinea-Bissau: Si Aminata na nagdodrowing ng “Paraiso”

Sinabi naman ni Aminata: “Hindi po ako pagano, kaya hindi po ako sumasali sa gayong mga kapistahan. Naniniwala po ako na malapit nang gawing paraiso ng Diyos ang lupa, at iyan po ang drowing ko.” Sinabi ng teacher na magbibigay siya uli ng bago at nasusulat na test. Ang resulta? Nakakuha si Aminata ng 18 tamang sagot sa 20 tanong.

Napakaraming Dumating

Ang nabubukod na grupo sa isang maliit na nayon sa Malawi ay may pitong mamamahayag. Nagtitipon sila sa ilalim ng kubong may mga poste at banig na tambo. Dahil napasigla ng dalaw ng tagapangasiwa ng sirkito, buong-sigasig na inanyayahan ng mga kapatid ang mga tao na dumalo sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo. Binigkas ng tagapagsalita ang pahayag sa Memoryal sa liwanag ng nakabiting mga lamparang de-langis. Pero hindi siya halos makakilos dahil napakaraming interesado sa paligid niya. Isip-isipin ang kagalakan ng 7 mamamahayag nang malaman nilang 120 ang dumalo!

Malawi: May 120 na dumalo

Nakatulong ang Brosyur sa Kaniyang Pag-aasawa

Ang special public metropolitan witnessing ay madalas na nagbubunga ng mga pagpapalang hindi agad nakikita. Sa Lomé, ang kabisera ng Togo, isang babae ang nag-aatubiling lumapit sa isang literature stand at kumuha ng brosyur na Puwedeng Maging Masaya ang Iyong Pamilya. Nasundan ito ng maikling pag-uusap sa teksto sa Efeso 5:3. Nagbigayan ng numero ng telepono ang babae at ang mga Saksi. Makalipas ang dalawang linggo, tumawag ang babae at sinabi: “Sa totoo lang, ayaw ko sa mga Saksi ni Jehova. Pero binasa ko pa rin ang brosyur at napakaganda nito. Talagang nakatulong ito para malutas ang ilang problema ko sa pag-aasawa, at natulungan ko rin ang dalawa pang mag-asawa. Mali ang pagkakilala ko sa mga Saksi ni Jehova. Gusto ko sanang puntahan n’yo ako at turuan ng Bibliya.” Isang pag-aaral sa Bibliya ang napasimulan sa babaeng ito gayundin sa isa pang mag-asawa na natulungan niya.

Isinalin Niya ang Brosyur

Ang Ankasie ay isang maliit na bayan sa Ghana. Idinidispley ng ilang negosyante ang kanilang mga paninda sa tabi ng kalsada. Pero tuwing Lunes, isang cart para sa pampublikong pagpapatotoo ang inilalagay roon. Pagkatapos mapatotohanan ng isang brother na nagngangalang Samuel, tinanggap ni Enoch ang brosyur na Listen to God at tinanong nito si Samuel kung mayroon ba siyang literatura sa wikang Kusaal.

Ghana: Isinalin niya ang brosyur sa wikang Kusaal

Sinabi ni Samuel: “Sorry, wala. Pero may mga brosyur kami sa wikang Frafra,” isang nahahawig na wika. Nang maglaon, bago magbiyahe si Enoch pauwi sa kaniyang bahay sa malayong hilaga, humingi siya ng mga literatura para ibigay sa kaniyang mga kamag-anak.

Pagbalik niya sa Ankasie, iniabot niya kay Samuel ang isang dokumento. Isinalin ni Enoch ang brosyur na Listen to God sa wikang Kusaal! Patuloy siyang dumadalo sa mga pulong at regular na nag-aaral ng Bibliya.