KUWENTO 84
Dinalaw ng Anghel si Maria
ANG magandang babaeng ito ay si Maria. Siya’y Israelita, at nakatira sa Nazaret. Alam ng Diyos na siya ay napakabuting tao. Kaya isinugo niya si Gabriel na may dalang mensahe para sa kaniya.
‘Magandang araw, ikaw na lubhang pinagpala,’ sabi ni Gabriel. ‘Si Jehova ay sumasa iyo.’ Nabagabag si Maria. Hindi niya alam ang kahulugan nito.
‘Huwag kang matakot, Maria,’ sabi ni Gabriel. ‘Si Jehova ay nalulugod sa iyo. Gagawan ka niya ng isang kamangha-manghang bagay. Magkakaanak ka. At tatawagin mo siyang Jesus.’
Nagpatuloy si Gabriel: ‘Ang bata ay tatawaging Anak ng Kataastaasan. Gagawin siya ni Jehova na hari, gaya ni David. Pero ang kaharian ni Jesus ay hindi kailanman magwawakas!’
‘Papaano ako magkakaanak?’ tanong ni Maria. ‘Wala pa akong asawa.’
‘Lulukuban ka ng kapangyarihan ng Diyos,’ sagot ni Gabriel. ‘Kaya ang bata ay tatawaging anak ng Diyos.’ Sinabi pa nito: ‘Tandaan mo ang pinsan mong si Elisabet. Sabi ng mga tao siya ay napakatanda na para magkaanak. Pero malapit na siyang magsilang. Kaya nakita mo, walang imposible sa Diyos.’
Sinabi agad ni Maria: ‘Ako’y alipin ni Jehova! Mangyari nawa sa akin ang gaya ng sinabi mo.’ Kaya umalis na ang anghel.
Dali-daling dinalaw ni Maria si Elisabet. Nang marinig ni Elisabet ang boses ni Maria, ang sanggol sa tiyan ni Elisabet ay napalukso sa tuwa. Si Elisabet ay nalipos ng espiritu ng Diyos at nagsabi: ‘Higit kang pinagpala sa lahat ng babae.’ Nakisama si Maria kay Elisabet ng mga tatlong buwan, at pagkatapos ay bumalik na uli sa Nazaret.
Malapit nang ikasal si Maria kay Jose. Sinabi ng anghel ng Diyos kay Jose: ‘Huwag kang mag-alinlangan kay Maria. Diyos mismo ang nagbibigay sa kaniya ng anak.’ Kaya ikinasal sina Maria at Jose at hinintay nila ang kapanganakan ni Jesus.