Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KUWENTO 93

Nagpakain si Jesus ng Maraming Tao

Nagpakain si Jesus ng Maraming Tao

ISANG nakakatakot na bagay ang nangyari. Kamamatay pa lang ni Juan Bautista. Ipinapugot ng hari ang ulo niya.

Nang mabalitaan ito ni Jesus, lungkot-na-lungkot siya. Nagpunta siyang mag-isa sa isang kubling lugar. Pero sinundan siya ng mga tao. Kaya kinausap sila ni Jesus tungkol sa kaharian ng Diyos at pinagaling ang kanilang mga maysakit.

Nang gabing iyon, lumapit sa kaniya ang mga alagad at nagsabi: ‘Paalisin mo ang mga tao para sila makabili ng makakain.’

‘Hindi na sila kailangang umalis,’ sagot ni Jesus. ‘Bigyan n’yo sila ng makakain.’

‘Kailangan ang maraming pera para mapakain ang lahat,’ sabi ni Felipe. Nagsalita si Andres: ‘Ang batang ito ay nagdala para sa atin ng limang tinapay at dalawang isda. Pero hindi pa rin ito magkakasiya.’

‘Paupuin ninyo sila sa damo,’ sabi ni Jesus. Pinasalamatan niya ang Diyos para sa pagkain, at pinagpirapiraso niya ang mga ito. Pagkatapos, ipinamahagi ng mga alagad ang tinapay at isda sa lahat. May 5,000 lalaki, at libu-libo pang mga babae at bata. Kumain sila hanggang sa mabusog. Nang ipunin ng mga alagad ang natira, napuno ang 12 basket!

Sinabi ngayon ni Jesus sa kaniyang mga alagad na tumawid sa Dagat ng Galilea sakay ng isang daong. Kinagabihan, isang malakas na bagyo ang dumating, at natakot ang mga alagad. Nang maghahatinggabi na, nakakita sila ng isang tao na naglalakad sa ibabaw ng tubig at papalapit sa kanila. Napasigaw sila sa takot, kasi hindi nila alam kung ano ang kanilang nakikita.

‘Huwag kayong matakot,’ sabi ni Jesus. ‘Ako ang nakikita ninyo!’ Hindi pa rin sila makapaniwala. Dahil sa gusto ni Pedro na lumakad sa ibabaw ng tubig, kaya sinabi ni Jesus: ‘Halika!’ Lumakad si Pedro sa ibabaw ng tubig! Pero natakot siya at nagpasimulang lumubog. Sinagip siya ni Jesus.

Pagkaraan nito nagpakain uli si Jesus ng libu-libong tao sa kaunting pagkain lamang. Hindi ba mahusay mag-asikaso si Jesus sa mga tao? Kapag naghari na siya, wala na tayong dapat ipangamba!