KUWENTO 101
Pinatay si Jesus
TINGNAN mo ang masamang nangyayari. Si Jesus ay pinapatay. Inilagay siya sa isang haligi. Pinapakuan ang mga paa at kamay niya. Paano magagawa ito ng sinoman?
Kasi may mga napopoot kay Jesus. Isa sa kanila ay ang masamang anghel na si Satanas na Diyablo. Siya ang may kagagawan kung kaya’t ginawa ng mga kaaway ni Jesus ang napakasamang bagay na ito.
Bago pa ipako si Jesus sa haliging ito, masama na ang ginawa sa kaniya ng kaniyang mga kaaway. Natatandaan mo ba kung papaano siya pinuntahan at dinakip ng mga pinuno ng relihiyon sa hardin ng Getsemane? Tingnan natin kung ano pa ang sumunod na nangyari.
Nang hulihin si Jesus, nagtakbuhan ang kaniyang mga apostol kasi natatakot sila. Pero sina Pedro at Juan ay hindi lumayo. Sumunod sila para makita kung ano ang mangyayari kay Jesus.
Si Jesus ay dinala ng mga saserdote sa matandang si Anas, na siyang dating mataas na saserdote. Pagkatapos ay isinama nila si Jesus sa bahay ni Caipas, na siya ngayong mataas na saserdote. Maraming pinuno ng relihiyon ang nagkakatipon sa bahay niya.
Dito ay nagdaos sila ng isang paglilitis. Nagsalita sila ng mga kasinungalingan tungkol kay Jesus. Lahat ng mga pinuno ng relihiyon ay nagsabi: ‘Dapat patayin si Jesus.’ Pagkatapos ay dinuraan nila ang kaniyang mukha, at pinagbubugbog siya.
Samantalang nagaganap ito, si Pedro ay nasa labas ng bakuran. Isang aliping babae ang nakakita sa kaniya, at nagsabi: ‘Ang taong ito ay kasamahan din ni Jesus.’
‘Aba, hindi!’ ang sagot ni Pedro.
Tatlong beses na sinabi ng mga tao kay Pedro na siya ay kasamahan ni Jesus, at sa bawa’t pagkakataon ay sinasabi ni Pedro na hindi ito totoo. Sa ikatlo, nilingon siya ni Jesus at tiningnan siya. Lungkot-na-lungkot si Pedro dahil sa kaniyang pagsisinungaling, kaya umalis siya at umiyak.
Nang sumisikat na ang araw noong Biyernes nang umaga, dinala ng mga saserdote si Jesus sa kanilang malaking pulungan, ang bulwagan ng Sanhedrin. Dito ay pinag-usapan nila kung ano ang dapat gawin sa kaniya. Dinala nila siya kay Poncio Pilato, ang pinuno ng distrito ng Judea.
Sinabi nila kay Pilato na si Jesus ay dapat patayin. Pero sinabi sa kanila ni Pilato: ‘Wala akong nakikitang kasalanan niya.’ Pagkatapos ay pinapunta ni Pilato si Jesus kay Herodes Antipas. Wala ring makitang kasalanan si Herodes kay Jesus, kaya pinabalik niya ito kay Pilato.
Gustong palayain ni Pilato si Jesus. Pero ang mga kaaway ni Jesus gusto na isang magnanakaw na nagngangalang Barabas ang palayain nila sa halip na siya. Magtatanghali na noon. Inilabas ni Pilato si Jesus at sinabi: ‘Narito! Ang inyong hari!’ Pero ang mga pinunong saserdote ay humiyaw: ‘Iligpit siya! Patayin siya!’ Kaya dinala nila si Jesus para patayin.
Maaga pa nang Biyernes nang hapong yaon si Jesus ay ipinako sa isang haligi. Sa magkabilang tabi ni Jesus ay may kriminal na papatayin din sa haligi. Hindi mo sila makikita sa larawan. Nang mamamatay na si Jesus, isa sa mga kriminal ay nagsabi sa kaniya: ‘Alalahanin mo ako sa iyong kaharian.’ Sumagot si Jesus: ‘Oo, magkakasama tayo sa paraiso.’
Hindi ba napakagandang pangako niyaon? Kapag naghari na si Jesus sa langit, bubuhayin niya ang taong ito para mabuhay sa bagong paraiso sa lupa. Hindi ba tayo matutuwa dito?