Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KUWENTO 99

Sa Isang Silid sa Itaas

Sa Isang Silid sa Itaas

HUWEBES na ng gabi. Si Jesus at ang 12 apostol niya ay nasa isang malaking silid sa itaas at kumakain ng hapunan ng Paskuwa. Papaalis na si Judas Iscariote. Sasabihin niya sa mga saserdote kung papaano nila mahuhuli si Jesus.

Kahapon, inalok ng mga saserdote si Judas ng tatlumpung pirasong pilak para tulungan sila na hulihin si Jesus. Papunta na siya para samahan sila kay Jesus. Hindi ba masama ito?

Tapos na ang hapunan ng Paskuwa. Pero pinasimulan ni Jesus ang isa pang espesyal na hapunan. Inalok niya ng tinapay ang kaniyang mga apostol at sinabi: ‘Kanin ninyo, sapagka’t ito ang aking katawan na ibibigay alang-alang sa inyo.’ Pagkatapos ay iniabot niya sa kanila ang isang kopa ng alak at sinabi: ‘Inumin ninyo ito, sapagka’t ito ang aking dugo, na ibubuhos alang-alang sa inyo.’ Ang tawag dito ng Bibliya ay ‘ang panggabing pagkain ng Panginoon.’

Gusto ni Jesus na maala-ala nila kung papaano niya inihandog ang kaniyang buhay alang-alang sa kanila. Kaya sinabi niya na ipagdiwang nila ang espesyal na hapunang ito sa bawa’t taon.

Matapos kainin ang Panggabing Pagkain ng Panginoon, sinabi ni Jesus na tibayan nila ang kanilang pananampalataya. Bilang pagtatapos ay umawit sila ng mga awitin sa Diyos at umalis. Gabing-gabi na. Tingnan natin kung saan sila pupunta.