Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KUWENTO 23

Ang mga Panaginip ni Paraon

Ang mga Panaginip ni Paraon

DALAWANG taon na ang lumipas, pero nakabilanggo pa rin si Jose. Nakalimutan siya ng tagasilbi ng alak. Isang gabi nagkaroon si Paraon ng dalawang pambihirang panaginip at nagtataka siya kung ano kaya ang kahulugan ng mga yaon. Nakikita mo ba siya habang natutulog? Kinabukasan, walang makapagpaliwanag sa kaniya tungkol sa kahulugan ng kaniyang mga panaginip.

Sa wakas si Jose ay naalaala din ng tagasilbi ng alak. Ikinuwento nito kay Paraon ang tungkol kay Jose kaya si Jose ay ipinasundo agad ni Paraon mula sa bilangguan.

Ikinuwento ni Paraon ang mga panaginip niya kay Jose. ‘Nakakita ako ng pitong mataba at magagandang baka. Pagkatapos nakakita ako ng pitong bakang napakapayat at patpatin. Ang matatabang baka ay kinain ng mga payat.

‘Sa pangalawa kong panaginip nakakita naman ako ng pitong uhay ng siksik at hinog na palay na tumutubo mula sa iisang tangkay. Pagkatapos nakakita ako ng pitong payat at tuyong uhay ng palay. Nilamon ng payat na mga uhay ang pitong mabubuting uhay.’

Sinabi ni Jose kay Paraon: ‘Ang mga panaginip ay may iisang kahulugan. Magkakaroon ng pitong taon ng saganang pagkain sa Ehipto. Saka susundan ito ng pitong taong taggutom.’

Kaya sinabi ni Jose kay Paraon: ‘Pumili ka ng isang matalinong lalaki at siya ang ilagay mo para mamahala sa pagtitipon ng pagkain sa loob ng pitong taong sagana. Ang mga tao ay hindi magugutom sa pitong taong taggutom.’

Nagustuhan ni Paraon ang mungkahi. Kaya si Jose na mismo ang pinili niya para magtipon ng pagkain at mag-imbak nito. Pangalawa kay Paraon si Jose na pinaka-importanteng tao sa buong Ehipto.

Pagkatapos ng walong taon, nang nagkakagutom na, nakita ni Jose ang kaniyang 10 kapatid. Pinapunta sila ng kanilang tatay na si Jacob sa Ehipto, kasi wala na silang makain sa Canaan. Si Jose ay hindi nakilala ng kaniyang mga kapatid, kasi malaki na siya at saka iba ang kaniyang suot na mga damit.

Naala-ala ni Jose na nuong maliit pa siya ay napanaginipan niya na ang kaniyang mga kapatid ay yumuyuko sa kaniya. Naalaala mo rin ba iyon? Kaya nakita ni Jose na ang Diyos pala ang nagpapunta sa kaniya sa Ehipto, at sa isang mabuting dahilan. Ano sa palagay mo ang gagawin ni Jose? Tingnan natin.