KUWENTO 25
Lumipat ang Pamilya sa Ehipto
HINDI na makatiis si Jose. Pinalabas niya ang lahat ng kaniyang alila. Pagkatapos ay umiyak siya. Para mo nang nakita ang pagkabigla ng mga kapatid niya, kasi hindi nila alam kung bakit siya umiiyak. Sa wakas ay sinabi niya: ‘Ako si Jose. Buhay pa ba ang tatay?’
Nabigla ang mga kapatid niya at hindi sila makapagsalita. Natakot sila. Pero mabait ang pakikipag-usap ni Jose sa kanila.
Sinabi niya: ‘Huwag ninyong sisihin ang inyong sarili dahil ipinagbili ninyo ako. Diyos ang nagpadala sa akin dito para iligtas ang mga tao. Bumalik agad kayo sa tatay at sabihin ninyo ito.’
Pagkatapos ay niyakap niya ang mga kapatid niya at hinalikan silang lahat. Nang malaman ito ni Paraon, ay sinabi niya kay Jose: ‘Pauwiin mo sila para sunduin ang kanilang tatay at ang kanilang mga pamilya at dito mo na sila patirahing lahat.’
Ganoon ang ginawa nila. Makikita mo si Jose na sumasalubong sa kaniyang tatay nang isama nito ang buong pamilya sa Ehipto.
70 ang bumubuo sa pamilya ni Jacob nang lumipat sila sa Ehipto, pati na si Jacob at ang kaniyang mga anak at apo. Mayroon ding mga asawa, at siguro maraming alila. Lahat sila ay tumira sa Ehipto. Tinawag silang mga Israelita, kasi pinalitan ng Diyos ang pangalan ni Jacob ng Israel. Sila ay naging espesyal na bansa para sa Diyos gaya ng makikita natin sa bandang huli.