KUWENTO 12
Nagtayo ang mga Tao ng Malaking Tore
NAGDAAN ang maraming taon. Ang mga anak ni Noe ay nagkaroon ng maraming supling, kaya di nagtagal at kumapal ang tao sa lupa.
Isa sa kanila ay ang apo-sa-tuhod ni Noe na nagngangalang Nimrod. Siya ay isang masamang mangangaso na pumatay ng maraming hayop at mga tao. Ginawa rin niyang hari ang kaniyang sarili. Galit ang Diyos kay Nimrod.
Noon ay iisang salita lang ang ginagamit ng mga tao. Gusto ni Nimrod na magsamasama ang mga tao para mapagharian niya sila. Kaya sinabi niya sa mga tao na magtayo ng lunsod na may malaking tore. Tingnan mo sila habang sila ay gumagawa ng tisa.
Hindi ito nagustuhan ng Diyos na Jehova. Pero sinabi ng mga tao: ‘Magtayo tayo ng isang lunsod at isang toreng mataas upang ang taluktok nito ay umabot hanggang langit. Tiyak na magiging tanyag tayo!’ Gusto nila na sila ang hangaan, hindi ang Diyos.
Alam mo ba kung papaano pinatigil ng Diyos ang mga tao sa pagtatayo ng tore? Bigla niyang ginulo ang kanilang wika. Hindi tuloy sila magkaintindihan. Kaya ang kanilang lunsod ay tinawag na Babel, o Babilonya, na ang ibig sabihin ay “kalituhan.”
Dahil dito umalis ang mga tao sa Babel. Ang mga tao na parepareho ang salita ay nagsamasama para manirahan sa ibang parte ng lupa.