Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KUWENTO 61

Ginawang Hari si David

Ginawang Hari si David

SINIKAP uli ni Saul na hulihin si David. Kinuha niya ang 3,000 sa pinakamahusay niyang sundalo at hinanap si David. Nang mabalitaan ito ni David inalam niya kung nasaan ang kampo ni Saul at ng kaniyang mga tauhan. Pagkatapos ay pumaroon si David at si Abisai, ang anak ni Zeruia na kapatid ni David.

Ginapang nina David at Abisai ang kampo ni Saul habang lahat ay natutulog. Kinuha nila ang sibat at banga ni Saul na nakalagay sa tabi mismo ng ulo ni Saul. Walang nakakita sa kanila, kasi tulug-na-tulog ang lahat.

Tingnan mo sina David at Abisai. Ligtas sila sa taluktok ng burol. Sinigawan ni David ang hepe ng hukbo ng Israel: ‘Abner, bakit hindi mo binabantayan ang hari? Nasaan ang kaniyang sibat at banga?’

Nagising si Saul at nakilala ang boses ni David. Tinanong niya: ‘Ikaw ba iyan, David?’ Nakikita mo ba si Saul at si Abner doon sa ibaba?

‘Opo, panginoon kong hari,’ sagot ni David. Pagkatapos ay sinabi niya: ‘Bakit mo ako gustong hulihin? Anong kasamaan ang nagawa ko?’

‘Nagkamali ako,’ inamin ni Saul. Pagkatapos ay umuwi na siya. Pero natatakot si David na baka mapatay din siya ni Saul. Kaya ipinasiya niyang pumunta sa lupain ng mga Pilisteo. Pinaniwala niya ang mga Pilisteo na kakampi na siya sila.

Pagkaraan ng ilang panahon, nilabanan ng mga Pilisteo ang Israel. Sa digmaan, napatay kapwa ni Saul at si Jonatan. Kaya lungkot-na-lungkot ni David.

Pagkatapos nito ay bumalik si David sa Hebron. Gusto ng iba na ang anak ni Saul na si Isboset ang maging hari, pero ang iba ay si David ang gusto. Naglaban ang dalawang grupo, pero sa wakas ay nanalo ang mga tauhan ni David. 30 anyos na siya nang siya’y gawing hari. Pito at kalahating taon siyang naghari sa Hebron. Ang ilan sa kaniyang naging anak ay sina Amnon, Absalom at Adonias.

Dumating ang panahon na ang lunsod ng Jerusalem ay naagaw ni David at ng mga tauhan niya. Si Joab, isa pang anak ng kapatid ni David na si Zeruia, ang nanguna sa labanan. Ginantimpalaan siya ni David at ginawa siyang hepe ng hukbo. Nagsimula ngayong magpuno si David sa lunsod ng Jerusalem.