Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KUWENTO 58

Si David at si Goliat

Si David at si Goliat

ANG mga Pilisteo ay lumalaban uli sa Israel. Ang tatlong kuya ni David ay nasa hukbo ngayon ni Saul. Kaya isang araw ay sinabi ni Jesse kay David: ‘Dalhan mo ng pagkain ang mga kapatid mo. Kumustahin mo sila.’

Pagdating ni David sa kampo, hinanap niya ang mga kapatid niya. Lumabas ang Pilisteong higante na si Goliat para tuyain ang mga Israelita. 40 araw na niyang ginagawa ito. Sumigaw siya: ‘Pumili kayo ng isa sa inyo para lumaban sa akin. Kung mapapatay niya ako, gawin n’yo kaming mga alipin. Pero kung mapapatay ko siya, kayo ang magiging alipin namin!’

Tinanong ni David ang ilang sundalo: ‘Ano ang makakamit ng taong makakapatay sa Pilisteo at magpapalaya sa Israel mula sa kahihiyang ito?’

‘Tatanggap siya ng maraming kayamanan, at mapapangasawa niya ang sariling anak ni Saul,’ sabi ng mga sundalo.

Pero takot ang lahat ng mga Israelita kay Goliat. Mahigit na 9 na talampakan (mga 3 metro) ang taas niya, at may isa pang sundalo na tagadala ng kaniyang kalasag.

Nabalitaan ni Haring Saul na gustong labanan ni David si Goliat. ‘Isang bata ka lamang!’ sabi ni Saul kay David. Sumagot si David: ‘Nakapatay ako ng isang oso at isang leon. Ang mga Pilisteo ay magiging gaya din nila. Tutulungan ako ni Jehova.’ Kaya pinayagan ni Saul si David na lumaban kay Goliat.

Kumuha si David ng limang makikinis na bato, dinala ang kaniyang tirador, at sinalubong ang higante. Nang makita siya ni Goliat, sinabi nito: ‘Subukan mong lumapit, kung hindi ko ipakakain ang katawan mo sa mga ibon at hayop!’

Pero sinabi ni David: ‘Humaharap ka sa akin na may isang espada, isang sibat at isang diyabelin. Pero humaharap ako sa iyo sa pangalan ni Jehova. Sa araw na ito ay ibibigay ka ni Jehova sa aking kamay, at papatayin kita.’

Kaya tumakbo si David papalapit kay Goliat. Inilagay niya ang isang bato sa tirador at inihagis ito ng ubod-lakas. Tumama ito sa ulo ni Goliat, at namatay siya. Pagkatapos, lahat ng mga Pilisteo ay nagtakbuhan. Hinabol sila ng mga Israelita kaya sila ay nanalo sa digmaan.