KUWENTO 102
Buhay si Jesus
ALAM mo ba kung sino ang mga taong ito? Ang babae ay si Maria Magdalena. Ang mga lalaki ay mga anghel. Tinitingnan ni Maria ang pinaglibingan kay Jesus. Ang tawag dito ay nitso. Pero wala ang patay! Tingnan natin ang nangyari.
Pagkamatay ni Jesus, sinabi ng mga saserdote kay Pilato na pabantayan ang nitso ni Jesus, para hindi nakawin ang katawan niya. Natatandaan nila na sinabi ni Jesus na siya ay babangon pagkaraan ng tatlong araw. Sinabi ni Pilato sa mga saserdote na magpadala ng sundalo para magbantay sa nitso.
Pero maagang-maaga pa sa ikatlong araw, pagkamatay ni Jesus, isang anghel ang biglang lumitaw at inalis ang batong nakatakip sa nitso. Takut-na-takot ang mga sundalo kaya hindi sila makagalaw. Nang makapasok na sila sa nitso at makapagsuri, wala na ang katawan! Ang ilan sa mga sundalo ay umalis para magsumbong sa mga saserdote. Alam mo ba kung ano ang ginawa ng mga masasamang saserdote? Sinuhulan nila ang mga sundalo para magsinungaling. Sinabi sa kanila ng mga saserdote na sabihing dumating ang mga alagad at ninakaw ang katawan!
Samantala, dumalaw sa nitso ang ilang kaibigang babae ni Jesus. Takang-taka sila nang makita itong walang laman! Biglang lumitaw ang dalawang anghel na nakasuot ng nakakasilaw na damit. ‘Si Jesus ay binuhay-muli,’ sabi nila. ‘Lakad na at sabihin n’yo sa mga alagad niya.’ Nang papunta na sila sa mga alagad, nakita mismo nila si Jesus.
Parang ayaw maniwala ng mga alagad na buhay si Jesus, kaya sina Pedro at Juan ay tumakbo sa nitso para tingnan. Walang laman ang nitso. Nang papaalis na sina Pedro at Juan, nagpaiwan si Maria Magdalena. Dito niya nakita ang mga anghel.
Ano ang nangyari sa katawan ni Jesus? Aba, pinangyari ng Diyos na ito ay mawala. Binigyan niya si Jesus ng bagong katawang espiritu, gaya ng sa mga anghel sa langit. Pero para ipakita sa mga alagad niya na siya ay buhay, nagsusuot si Jesus ng isang katawang nakikita nila, gaya ng malalaman pa natin.