KUWENTO 46
Ang mga Pader ng Jerico
BAKIT gumuguho ang mga pader ng Jerico? Parang tinamaan ng malaking bomba. Pero noon ay wala pang mga bomba. Himala na naman ito ni Jehova. Alamin natin kung papaano ito nangyari.
Sinabi ni Jehova kay Josue: ‘Ikaw at ang iyong mga sundalo ay dapat magmartsa sa paligid ng lunsod minsan isang araw sa loob ng anim na araw. Dalhin ninyo ang kaban ng tipan. Pitong saserdote ang lalakad sa unahan at hihipan ang kanilang mga trumpeta.
‘Sa ikapitong araw, pitong beses kayong magmamartsa sa paligid ng lunsod. Pagkatapos ay hihipan ninyo nang malakas ang iyong mga trumpeta. Bawa’t isa ay sisigaw nang malakas. At ang mga pader ay lubusang mababagsak.’
Ginawa ni Josue at ng bayan ang ayon sa sinabi ni Jehova. Tiyak na ang mga kaaway ng bayan ng Diyos ay natakot nang makita silang nagmamartsa. Nakikita mo ba ang pulang lubid na nakabitin sa bintana? Kaninong bintana iyon? Oo, sumunod si Rahab sa iniutos sa kaniya ng dalawang tiktik.
Sa wakas, sa ikapitong araw, ang mga pader ay gumuho gaya ng sinabi ni Jehova. Sinabi ni Josue, ‘Patayin ang lahat ng nasa lunsod at sunugin ang lahat ng bagay. Itira lang ninyo ang pilak, ginto, tanso at bakal, at dalhin ito sa kaban ng yaman ni Jehova na nasa tolda.’
Sinabi ni Josue sa dalawang tiktik na ilabas si Rahab at ang kaniyang pamilya mula sa kanilang bahay. Siya at ang kaniyang pamilya ay naligtas, gaya ng ipinangako sa kaniya ng mga tiktik.