Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KUWENTO 40

Hinampas ni Moises ang Bato

Hinampas ni Moises ang Bato

LUMIPAS ang maraming taon. Nasa ilang pa rin ang mga Israelita. Subali’t sa buong panahong ito ay pinakain ni Jehova ng manna ang kaniyang bayan. Kung araw ay inaakay sila ng isang haliging ulap, at kung gabi nama’y ng isang haliging apoy. Sa buong panahong yao’y hindi man lang naluma ang kanilang damit ni sumakit kaya ang kanilang mga paa.

Ngayon na ang unang buwan ng ika-40 taon mula nang umalis sila sa Ehipto. Muling nagkampo ang mga Israelita sa Kades. Halos 40 taon na ang nakakalipas nang magsugo sila mula rito ng 12 espiya para tiktikan ang lupain ng Canaan. Si Miriam na kapatid ni Moises ay namatay sa Kades. Sumiklab uli ang gulo dito.

Ang bayan ay walang makuhang tubig. Kaya nagreklamo sila kay Moises: ‘Mabuti pang namatay na kami. Bakit mo kami inilabas sa Ehipto tungo sa napakahirap na lugar na ito?’

Pumasok sina Moises at Aaron sa tabernakulo para magdasal. Sinabi ni Jehova kay Moises: ‘Tipunin mo ang bayan. At sa harap nilang lahat ay magsalita ka sa batong yaon. Bubukal dito ang saganang tubig para sa bayan at lahat ng kanilang mga hayop.’

Kaya tinipon ni Moises ang bayan at sinabi: ‘Makinig kayo, kayong mga walang tiwala sa Diyos! Ikukuha ba namin kayo ni Aaron ng tubig mula sa batong ito?’ Pagkatapos ay dalawang beses hinampas ni Moises ang bato sa pamamagitan ng isang tungkod. Saganang tubig ang bumukal para inumin ng buong bayan at ng kanilang mga hayop.

Pero galit-na-galit si Jehova kina Moises at Aaron. Alam mo ba kung bakit? Kasi sinabi nila na sila ang magdadala ng tubig mula sa bato. Pero si Jehova talaga ang gumawa noon. Dahil sa hindi nagsabi sina Moises at Aaron nang totoo, pinarusahan sila ni Jehova. Sinabi niya: ‘Hindi ninyo aakayin ang bayan ko tungo sa Canaan.’

Di nagtagal at umalis ang mga Israelita sa Kades. Dumating agad sila sa Bundok ng Hor. Dito namatay si Aaron sa edad na 123. Nalungkot ang bayan. 30 araw nilang iniyakan si Aaron. Si Eleazar na anak niya ang humalili bilang mataas na saserdote sa Israel.