Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KUWENTO 51

Sina Ruth at Naomi

Sina Ruth at Naomi

SA BIBLIYA ay may mababasa kang aklat na pinamagatang Ruth. Kuwento ito tungkol sa isang pamilya na nabuhay noong panahon na ang Israel ay may mga hukom. Si Ruth ay babaeng taga-Moab; hindi siya kasali sa bayan ng Diyos, ang Israel. Pero nang makilala ni Ruth ang tunay na Diyos, si Jehova, ay natutuhan niyang mahalin ito. Si Naomi ay isang mas matandang babae na tumulong kay Ruth para makilala nito si Jehova.

Si Naomi ay babaeng Israelita. Siya at ang asawa niya at dalawang anak na lalaki ay lumipat sa Moab nang panahon na kakaunti ang pagkain sa Israel. Isang araw ay namatay ang asawa ni Naomi. Pagkatapos ay nag-asawa ang mga anak ni Naomi ng dalawang babaeng Moabita na nagngangalang Ruth at Orpa. Pero pagkaraan ng 10 taon, namatay ang dalawang anak ni Naomi. Lungkot-na-lungkot si Naomi at ang dalawang babae!

Isang araw, ipinasiya ni Naomi na bumalik na sa kaniyang sariling bayan. Sumama din sina Ruth at Orpa. Pero nang malayulayo na ang nalalakad nila sa daan, sinabi ni Naomi sa mga babae: ‘Umuwi na kayo at makisama sa inyong mga nanay.’

Hinalikan sila ni Naomi bilang pamamaalam. Ayaw nilang humiwalay sa kaniya, kaya sila ay napaiyak. Pero sinabi ni Naomi: ‘Dapat kayong bumalik, mga anak ko. Mas mabuti kung kayo ay nasa inyong bahay.’ Kaya bumalik si Orpa, pero hindi umalis si Ruth.

Sinabi ni Ruth kay Naomi: ‘Huwag mo akong paalisin. Kung saan ka pupunta doon ako pupunta, kung saan ka titira doon ako titira. Ang bayan mo ay magiging bayan ko, ang Diyos mo ay magiging Diyos ko. Kung saan ka mamamatay, ay doon din ako ililibing.’ Kaya hindi na siya pinilit ni Naomi na umuwi.

Sa wakas, dumating ang dalawang babae sa Israel. Dito na sila nanirahan. Nagtrabaho agad si Ruth sa bukid. Isang lalaki, si Boas, ang pumayag na mamulot siya ng sebada sa bukid. Alam mo ba kung sino ang nanay ni Boas? Si Rahab na taga-Jerico.

Isang araw sinabi ni Boas kay Ruth: ‘Nabalitaan ko ang tungkol sa iyo, at kung gaano ka kabait kay Naomi. Sana’y maging mabuti rin si Jehova sa iyo!’ Sumagot si Ruth: ‘Napakabait ninyo sa akin, ginoo.’

Gustong-gusto ni Boas si Ruth, kaya hindi nagtagal at sila’y naging mag-asawa. Tuwang-tuwa si Naomi! Pero mas natuwa si Naomi nang sina Ruth at Boas ay magsilang ng kanilang unang anak na lalaki, na pinanganlang Obed. Sa bandang huli, si Obed ay magiging lolo ni David.

Ang Aklat ng Bibliya na Ruth.