Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KUWENTO 1

Ang Diyos ay Nagsimulang Gumawa

Ang Diyos ay Nagsimulang Gumawa

LAHAT ng mabuting bagay na nasa atin ay galing sa Diyos. Ginawa niya ang araw para magliwanag kung araw, at ang buwan at mga bituin para magliwanag kung gabi. Ginawa din niya ang lupa para tirahan natin.

Pero hindi ito ang mga unang ginawa ng Diyos. Alam mo ba kung alin ang una? Ginawa muna niya ang mga anghel. Hindi natin sila nakikita, kung paanong hindi natin nakikita ang Diyos. Ginawa niya ang mga anghel para tumirang kasama niya sa langit.

Ang unang anghel na ginawa niya ay espesyal. Tinulungan niya ang Diyos sa paggawa ng iba pang mga bagay, pati na ang lupang ito.

Ano ang hitsura ng lupa noon? Noong una walang puwedeng mabuhay sa lupa. Lahat ay natatakpan ng tubig. Kaya inihanda ng Diyos ang lupa para sa atin. Ano ang ginawa niya?

Buweno, una’y pinarating ng Diyos sa lupa ang liwanag na nagmumula sa araw. Kaya nagkaroon ng araw at gabi. Pagkatapos ay pinalitaw ng Diyos ang lupa sa ibabaw ng tubig.

Sa umpisa ay walang laman ang lupa. Kamukha ito ng larawang nakikita mo dito. Wala pang mga bulaklak, puno o hayop. Wala pa ring mga isda sa dagat. Marami pang dapat gawin ang Diyos.