Ang Banal na Pangalan Noong Nakalipas na mga Panahon
Ang Banal na Pangalan Noong Nakalipas na mga Panahon
IBIG ng Diyos na Jehova na makilala at gamitin ng tao ang kaniyang pangalan. Pinatutunayan ito ng bagay na isiniwalat Niya ang Kaniyang pangalan sa unang dalawang tao sa lupa. Batid natin na kilala ni Adan at ni Eva ang pangalan ng Diyos sapagka’t matapos ipanganak ni Eva si Cain, ayon sa orihinal na tekstong Hebreo, sinabi niya: “Nagkaanak ako ng lalaki sa tulong ni Jehova.”—Genesis 4:1.
Mababasa natin na ang mga tapat na tao na sina Enoc at Noe ay “lumakad na kaalinsabay ng tunay na Diyos.” (Genesis 5:24; 6:9) Sila man, kung gayon, ay nakakaalam ng pangalan ng Diyos. Ang pangalan ay nakatawid sa Baha gaya rin ng matuwid na si Noe at ng kaniyang sambahayan. Sa kabila ng malaking rebelyon na naganap sa Babel makalipas ang kaunting panahon, patuloy na ginamit ng mga tunay na lingkod ng Diyos ang kaniyang pangalan. Lumilitaw ito nang daan-daang beses sa mga batas na ibinigay ng Diyos sa Israel. Sa aklat ng Deuteronomio lamang ay lumilitaw ito nang 551 beses.
Noong panahon ng mga hukom, maliwanag na ang mga Israelita ay hindi umiwas sa paggamit sa pangalan ng Diyos. Ginamit pa nila ito sa pagbabatian. Mababasa natin (sa orihinal na Hebreo) ang pagbati ni Boaz sa kaniyang mga mang-aani: “Suma-inyo nawa si Jehova.” Ang sagot naman nila: “Pagpalain ka nawa ni Jehova.”—Ruth 2:4.
Sa buong kasaysayan ng mga Israelita hanggang sa magbalik sila sa Juda pagkatapos ng pagkabihag nila sa Babilonya, ang pangalan ni Jehova ay patuloy na ginamit nila. Ang banal na pangalan ay ginamit nang malimit ni Haring David, isang taong nakalugod sa puso ng Diyos—daan-daang beses na lumilitaw ito sa mga awit na kaniyang isinulat. (Gawa 13:22) Ang pangalan ng Diyos ay ginawang bahagi rin ng maraming pangalan ng mga Israelita. May mababasa tayo na Adonijah (“Ang Panginoon ko’y si Jah”—ang “Jah” ay isang pinaikling anyo ng Jehova), Isaias (“Pagliligtas ni Jehova”), Jonathan (“Nagbigay si Jehova”), Mikas (“Sino ang Gaya ni Jah?”) at Josue (“Si Jehova ay Kaligtasan”).
Bukod sa Bibliya
Bukod sa Bibliya ay may ebidensiya rin buhat sa iba tungkol sa malaganap na paggamit sa banal na pangalan noong sinaunang panahon. Noong 1961 isang sinaunang yungib na libingan ang natuklasan bahagya lamang ang layo sa timog-kanluran ng Jerusalem, ayon sa isang report sa Israel Exploration Journal (Tomo 13, No. 2). Sa mga pader ay may mga sulat Hebreo na ang lumalabas na petsa’y mula noong ikalawang bahagi ng ikawalong siglo B.C.E. Ang sulat ay nagsasabing “Si Jehova ang Diyos ng buong lupa.”
Noong 1966 isang report ang napalathala sa Israel Exploration Journal (Tomo 16, No. 1) tungkol sa mga bibinga ng palayok na may mga sulat Hebreo at natagpuan sa Arad, sa timugang Israel. Ito’y isinulat noong ikalawang bahagi ng ikapitong siglo B.C.E. Isa ang pribadong liham sa nagngangalang Eliashib. Ganito ang simula ng liham: “Sa aking panginoong Eliashib: Harinawang hilingin ni Jehova ang iyong kapayapaan.” At nagtatapos: “Siya’y tumatahan sa bahay ni Jehova.”
Noong 1975 at 1976, ang mga arkeologong gumagawa sa Negeb ay nakahukay ng mga dingding na plaster na may mga sulat Hebreo at Fenician, malalaking tapayan na
imbakan at mga sisidlang bato. Kasali sa mga nakasulat ang salitang Hebreo para sa Diyos, at ang pangalan ng Diyos, YHWH, sa mga letrang Hebreo. Sa Jerusalem ay nakatuklas kamakailan ng isang maliit na balumbon na pilak, ang petsa’y maliwanag na bago ng pagkabihag sa Babilonya. Nang ito’y ikadkad ay natagpuang nakasulat daw doon ang pangalang Jehova sa Hebreo, ayon sa mga mananaliksik.—Biblical Archaeology Review, Marso/Abril 1983, pahina 18.Sa Lachish Letters, kung tawagin, ay ginagamit ang pangalan ng Diyos. Ang mga ito’y nakasulat sa mga bibinga ng palayok at natagpuan noong 1935 at 1938 sa mga guho ng Lachish, isang nakukutaang lunsod na napatanyag sa kasaysayan ng Israel. Lumilitaw na mga liham ito na isinulat ng isang opisyal sa isang himpilang Judeano sa kaniyang superyor, na nagngangalang Yaosh, sa Lachish, noong nagdidigmaan ang Israel at Babilonya nang may dulo ng ikapitong siglo B.C.E.
Sa walong piraso na may mga sulat na nababasa, pito ang nagsisimula ng kanilang mensahe ng pagbati ng: “Harinawang pangyarihin ni Jehova na isapit ng panahong ito ang panginoon ko na nasa mainam na kalusugan!” Lahat-lahat, ang pangalan ng Diyos ay lumilitaw nang 11 beses sa pitong mensahe, pinatutunayan na ang pangalan ni Jehova ay ginagamit araw-araw noong may dulo ng ikapitong siglo B.C.E.
Kahit ang mga haring pagano ay nakakaalam sa banal na pangalan at ginagamit nila ito pagka tinutukoy nila ang Diyos ng mga Israelita. Sa Moabite Stone, ipinangangalandakan ni Haring Mesha ng Moab ang tagumpay ng kaniyang hukbo laban sa Israel at ang sabi niya: “Sinabi sa akin ni Chemosh, ‘Humayo ka, kunin mo ang Nebo sa Israel!’ Kaya humayo ako sa gabi at nakipagbaka roon mula sa bukang-liwayway hanggang tanghali, nakuha ko iyon at pinuksa ang lahat doon . . . At buhat doon ay kinuha ko ang [mga sisidlan] ni Jehova, kinaladkad ko sa harap ni Chemosh.”
May kaugnayan sa di-Biblikal na paggamit na ito ng pangalan ng Diyos, ang Theologisches Wörterbuch zum Alten Testament (Theological Dictionary of the Old Testament), sa Tomo 3, kolumna 538, ay nagsasabi: “Mga 19 na dokumentadong ebidensiya ng Tetragrammaton sa anyong jhwh ang nagpapatunay sa bagay na ito ng pagkamapanghahawakan ng M[asoretic] T[ext]; higit pa ang maaasahan, higit sa lahat sa Arad-Archives.”—Isinalin buhat sa Aleman.
Hindi Nakakalimutan ang Pangalan ng Diyos
Ang ganitong pagkaalam at paggamit sa pangalan ng Diyos ay nagpatuloy hanggang noong mga araw ni Malakias, na nabuhay mga 400 taon bago ng panahon ni Jesus. Sa aklat ng Bibliya na may pangalan niya, itinanyag na mabuti ni Malakias ang banal na pangalan, ginamit iyon nang 48 beses.
Sa paglakad ng panahon, maraming mga Judio ang nanirahan malayo sa lupain ng Israel, at ang iba’y hindi na bumabasa ng Bibliya sa wikang Hebreo. Sa gayon, noong ikatlong siglo B.C.E., sinimulan na isalin sa Griego, na bagong wikang pandaigdig, ang bahagi ng Bibliya na umiiral noon (ang “Matandang Tipan”). Subali’t hindi pinabayaan ang pangalan ng Diyos. Ito’y hindi inalis ng mga tagapagsalin, isinulat ito sa anyong Hebreo. Ang nagpapatunay ay ang mga sinaunang kopya ng Griegong Septuagint na naingatan hanggang ngayon.
Ano naman ang kalagayan nang narito sa lupa si Jesus? Paano natin malalaman kung ang pangalan ng Diyos ay ginamit niya at ng kaniyang mga apostol?
[Larawan sa pahina 12]
Sa liham na ito, na isinulat sa bibinga ng palayok noong ikalawang bahagi ng ikapitong siglo B.C.E., makalawang lumilitaw ang pangalan ng Diyos.
[Credit Line]
(Ang larawan ay sa kagandahang-loob ng Israel Department of Antiquities and Museums)
[Mga larawan sa pahina 13]
Ang pangalan ng Diyos ay naroon din sa Lachish Letters at sa Moabite Stone