Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Pangalan ng Diyos at ang “Bagong Tipan”

Ang Pangalan ng Diyos at ang “Bagong Tipan”

Ang Pangalan ng Diyos at ang “Bagong Tipan”

ANG kalagayan ng pangalan ng Diyos ay matatag sa Kasulatang Hebreo, ang “Matandang Tipan.” Bagaman ang mga Judio ay huminto sa wakas ng pagbigkas niyaon, ang kanilang mga paniwalang relihiyoso ang humadlang sa kanila sa pag-alis sa pangalan nang gumawa sila ng mga kopya ng mas matatandang manuskrito ng Bibliya. Kaya, sa Kasulatang Hebreo ay nakasulat ang pangalan ng Diyos nang mas marami kaysa ano mang ibang pangalan.

Iba naman kung tungkol sa Kasulatang Griego Kristiyano, ang “Bagong Tipan.” Sa mga manuskrito ng aklat ng Apocalipsis (ang huling aklat ng Bibliya) ay naroon ang pangalan ng Diyos sa pinaikling anyo, na “Jah,” (sa salitang “Hallelujah”). Maliban diyan, walang sinaunang manuskritong Griego ng taglay natin ngayong mga aklat ng Mateo hanggang Apocalipsis ang mayroon ng buong pangalan ng Diyos. Ibig bang sabihin na ang pangalan ay hindi dapat na naroon? Magiging kataka-taka iyan yamang ang mga tagasunod ni Jesus ay kumilala sa kahalagahan ng pangalan ng Diyos, at sa atin ay itinuro ni Jesus na idalanging pakabanalin nawa ang pangalan ng Diyos. Kaya’t ano ang nangyari?

Upang maunawaan ito, tandaan na ang mga manuskrito ng Kasulatang Griego Kristiyano na taglay natin ngayon ay hindi mga orihinal. Ang tunay na mga aklat na isinulat nina Mateo, Lucas at ng iba pang mga manunulat ng Bibliya ay gamít na gamít na at nangasira na. Kaya gumawa ng mga kopya, at nang mangasira rin ito ay patuloy na gumawa ng mga kopya ng mga kopyang iyon. Ito ang inaasahan natin, yamang karaniwan nang ginagawa ang mga kopya upang gamitin, hindi para mapanatili.

Mayroong libu-libong kopya ng Kasulatang Griego Kristiyano na umiiral pa ngayon, nguni’t karamihan nito ay ginawa noong ikaapat na siglo ng ating Karaniwang Panahon. Ito’y nagpapahiwatig ng maaaring mangyari: May nangyari ba sa teksto ng Kasulatang Griego Kristiyano bago ng ikaapat na siglo na ang resulta’y ang pagkaalis ng pangalan ng Diyos? Ang mga pangyayari’y nagpapatunay na ganoon nga.

Ang Pangalan ay Naroroon

Matitiyak natin na sa kaniyang Ebanghelyo’y isinulat ni Mateo ang pangalan ng Diyos. Bakit? Sapagka’t ang orihinal nito ay isinulat niya sa Hebreo. Noong ikaapat na siglo, ang nagsalin ng Latin Vulgate, si Jerome, ay nag-ulat: “Si Mateo, na siya ring si Levi, na isang maniningil ng buwis nang tawaging apostol, una sa lahat ay sumulat ng Ebanghelyo ni Kristo sa Judaea sa wikang Hebreo . . . Hindi natitiyak kung sino ang nagsalin nito sa Griego. Nguni’t, ang Hebreo mismo ay naingatan at naroroon ngayon sa aklatan sa Cesarea.”

Yamang sa Hebreo isinulat iyon ni Mateo, imposible na hindi niya ginamit ang pangalan ng Diyos, lalo na kapag sumisipi sa mga bahagi ng “Matandang Tipan” na mayroon ng pangalang iyon. Subali’t, ang mga ibang manunulat ng ikalawang bahagi ng Bibliya ay sumulat para sa mga mambabasa sa buong daigdig sa pandaigdig na wika noong panahong iyon, ang Griego. Kaya, sila’y hindi sa orihinal na kasulatang Hebreo sumipi kundi sa bersiyong Griego ng Septuagint. Sa wakas ay isinalin din sa Griego ang Ebanghelyo ni Mateo. Narito kaya sa mga kasulatang Griegong ito ang pangalan ng Diyos?

Ang ilang pagkatatanda nang mga bahagi ng Septuagint Version na noon pang kaarawan ni Jesus ay umiiral hangga ngayon, at mapupuna na ang personal na pangalan ng Diyos ay naroroon pa. Sinasabi ng The New International Dictionary of New Testament Theology (Tomo 2, pahina 512): “Dahilan sa natuklasan kamakailan na mga teksto nakapagdududa ang paniwala na isinalin ng mga tumipon ng LXX [Septuagint] ng kyrios ang tetragrammaton na YHWH. Ang pinakamatandang LXX MSS (mga bahagi nito) na ngayo’y magagamit natin ay may tetragrammaton na isinulat sa mga karakter na Heb[reo] sa tekstong G[rieg]o. Ang kaugaliang ito ay pinapanatili ng mga huling tagapagsaling Judio ng M[atandang] T[ipan] noong mga unang siglo A.D.” Kung gayon, sa Hebreo man o sa Griego binabasa noon ni Jesus at ng kaniyang mga alagad ang Kasulatan, mababasa nila roon ang banal na pangalan.

Ganito ang komento ni Propesor George Howard, ng Unibersidad ng Georgia, E.U.A.: “Nang ang Septuagint na ginamit at pinagsipian ng iglesya sa Bagong Tipan ay mayroon ng anyong Hebreo ng banal na pangalan, tiyak na sa mga sinipi ng mga manunulat ng Bagong Tipan ay naroon ang Tetragrammaton.” (Biblical Archaeology Review, Marso 1978, pahina 14) Anong autoridad mayroon sila upang gumawa ng iba roon?

Ang pangalan ng Diyos ay namalagi sa mga salin sa Griego ng “Matandang Tipan” nang kaunting panahon pa. Noong unang bahagi ng ikalawang siglo C.E., ang Kasulatang Hebreo ay isinalin sa Griego ng proselitang Judio na si Aquila, at dito ang Tetragrammaton ay isinulat niya sa sinaunang mga karakter na Hebreo. Noong ikatlong siglo, si Origen ay sumulat: “At sa pinakawastong mga manuskrito ANG PANGALAN ay nakasulat sa mga karakter na Hebreo, nguni’t hindi sa kasalukuyang [mga karakter] na Hebreo, kundi sa pinakamatatanda.”

Noong ikaapat na siglo, ganito ang paunang-salita ni Jerome sa mga aklat ng Samuel at Mga Hari: “Ating makikita hanggang sa araw na ito ang pangalan ng Diyos, ang Tetragrammaton [יהוה], na nakasulat sa mga sinaunang titik sa mga ilang aklat sa Griego.

Inalis ang Pangalan

Noon, ang apostasya na inihula ni Jesus ay nagsimula na, at bagaman nasa mga manuskrito pa rin ang pangalan ay unti-unting nawawala iyon. (Mateo 13:​24-30; Gawa 20:​29, 30) Sa wakas, hindi man lamang nakilala iyon ng maraming mambabasa at ayon kay Jerome “mayroong mga ignorante na, dahilan sa pagkakahawig ng mga karakter, pagka kanilang nakita [ang Tetragrammaton] sa mga aklat na Griego, nahirati silang basahin iyon na ΠΙΠΙ.”

Sa mga huling kopya ng Septuagint, ang pangalan ng Diyos ay inalis at inihalili ang “Diyos” (The·osʹ) at “Panginoon” (Kyʹri·os). Batid natin ito sapagka’t mayroon tayo ng sinaunang mga bahagi ng Septuagint na kung saan naroroon ang pangalan ng Diyos at ng mga huling kopya na kung saan sa mga bahagi ring iyon ng Septuagint ay inalis ang pangalan ng Diyos.

Ganito rin ang nangyari sa “Bagong Tipan,” o Kasulatang Griego Kristiyano. Sabi pa ni Propesor George Howard: “Nang alisin ang anyong Hebreo ng banal na pangalan at halinhan ng mga ibang salita sa Griego, inalis na rin ito sa mga sinipi ng Bagong Tipan sa Septuagint. . . . Hindi nagtagal at ang banal na pangalan ay nawala sa iglesyang Gentil maliban sa ipinahihiwatig niyaon sa inilagay na mga panghalili o sa natatandaan ng mga iskolar.”

Samantalang tumatanggi ang mga Judio na bigkasin ang pangalan, nagawa ng apostatang iglesyang Kristiyano na lubusang alisin iyon sa mga manuskrito sa wikang Griego ng buong Bibliya, pati rin sa mga salin sa mga ibang wika.

Kailangan ang Pangalan

Sa wakas, ang pangalan ay naisauli sa maraming salin ng Kasulatang Hebreo. Komusta naman ang Kasulatang Griego? Natalos ng mga tagapagsalin at mga estudyante ng Bibliya na kung wala ang pangalan ng Diyos, ang mga ilang bahagi ng Kasulatang Griego Kristiyano ay napakahirap na wastong maunawaan. Ang pagsasauli sa pangalan ay malaking tulong upang higit na maliwanagan at maunawaan ang bahaging ito ng kinasihang Bibliya.

Halimbawa, tungkol sa mga salita ni Pablo sa mga taga-Roma, sa Authorized Version: “Sapagka’t ang lahat ng magsisitawag sa pangalan ng Panginoon ay mangaliligtas.” (Roma 10:​13) Kaninong pangalan ang dapat nating tawagan upang tayo’y maligtas? Yamang malimit na tinutukoy si Jesus na “Panginoon,” at isang teksto ang nagsasabi pa: “Manampalataya ka sa Panginoong Jesu-Kristo, at maliligtas ka,” iisipin ba natin na ang tinutukoy dito ni Pablo ay si Jesus?​—Gawa 16:​31, Authorized Version.

Hindi. Pinatitingnan sa atin ng panggilid na reperensiya sa Roma 10:​13 sa Authorized Version ang Joel 2:​32 sa Kasulatang Hebreo. Kung titingnan mo iyan, makikita mong sinipi ni Pablo ang mga salita ng Joel sa kaniyang liham sa mga taga-Roma; at ang sinabi ni Joel sa orihinal na Hebreo ay: “Sinumang tatawag sa pangalan ni Jehova ay makakaligtas.” (New World Translation) Oo, ang ibig sabihin dito ni Pablo ay na dapat tayong tumawag sa pangalan ni Jehova. Samakatuwid, bagaman kailangang sumampalataya tayo kay Jesus, ang ating kaligtasan ay may malaking kaugnayan sa wastong pagpapahalaga sa pangalan ng Diyos.

Ipinakikita ng halimbawang ito kung paanong ang pag-aalis sa pangalan ng Diyos sa Kasulatang Griego ang isang dahilan ng pagkalito sa isip ng marami kung tungkol kay Jesus at kay Jehova. Oo, lubhang nakatulong ito sa pag-unlad ng doktrina ng Trinidad!

Dapat bang Isauli ang Pangalan?

May karapatan ba ang tagapagsalin na isauli ang pangalan, yamang wala ito sa umiiral na mga manuskrito? Oo, mayroon. Kinikilala ng karamihan ng mga talasalitaan sa Griego na malimit na ang salitang “Panginoon” sa Bibliya ay tumutukoy kay Jehova. Halimbawa, sa seksiyon sa ilalim ng salitang Griegong Kyʹri·os (“Panginoon”), ang Robinson’s A Greek and English Lexicon of the New Testament (limbag noong 1859) ay nagsasabi na ito’y nangangahulugan na “ang Diyos ang Kataastaasang Panginoon at soberano ng sansinukob, karaniwang nasa Sept[uagint] para sa Heb[reo] יְהוָֹה Jehova.” Samakatuwid, sa mga lugar na kung saan sumisipi ang mga manunulat ng Kasulatang Griego Kristiyano buhat sa mas maagang Kasulatang Hebreo, ang tagapagsalin ay may karapatan na isalin na “Jehova” ang salitang Kyʹri·os sa tuwing lilitaw sa orihinal na Hebreo ang banal na pangalan.

Maraming tagapagsalin ang gumawa nito. Pasimula noong ika-14 na siglo, gumawa ng maraming pagsasalin sa Hebreo ng Kasulatang Griego Kristiyano. Ano ang ginagawa ng mga tagapagsalin pagka napaharap sila sa mga sinipi sa “Matandang Tipan” na kung saan naroroon ang pangalan ng Diyos? Kadalasan, sila’y napipilitang isauli sa teksto ang pangalan ng Diyos. Maraming salin sa Hebreo ng mga bahagi ng buong Kasulatang Griego ang makikitaan ng pangalan ng Diyos.

Ang mga salin sa modernong mga wika, lalo na yaong ginamit ng mga misyonero ay sumunod sa halimbawang ito. Maraming salin ng Kasulatang Griego sa Aprikano, Asiano, Amerikano at sa mga isla sa Pasipiko ang malayang gumagamit ng pangalang Jehova, kaya’t malinaw na nakikita ng mambabasa ang pagkakaiba ng tunay na Diyos sa mga di-tunay. Naroon din ang pangalan sa mga salin sa mga wikang Europeo.

Ang isang salin na may lakas ng loob at autoridad na isauli ang pangalan ng Diyos ay ang New World Translation of the Christian Greek Scriptures. Sa bersiyong ito, na kasalukuyang inilalathala sa 11 modernong mga wika, kasali na ang Ingles, ang pangalan ng Diyos ay isinauli sa tuwing ang bahagi ng Kasulatang Hebreo na mayroon nito ay sinisipi sa Kasulatang Griego. Lahat-lahat, ang pangalan ay lumilitaw na may matatag na batayan 237 beses sa saling iyan ng Kasulatang Griego.

Pagsalungat sa Pangalan

Sa kabila ng pagsisikap ng maraming tagapagsalin na isauli sa Bibliya ang pangalan ng Diyos, laging sinisikap naman ng mga relihiyoso na alisin ito. Pinamalagi ito ng mga Judio sa kanilang Bibliya, nguni’t ayaw naman nilang bigkasin. Inalis naman ito ng mga apostatang Kristiyano noong ikalawa at ikatlong siglo nang sila’y gumawa ng mga kopya ng mga manuskrito ng Bibliya sa Griego at ng mga salin ng Bibliya. Sa modernong panahon ay inalis ito ng mga tagapagsalin, kahit na kanilang ibinatay ang kanilang mga salin sa orihinal na Hebreo, na dito’y lumilitaw ito nang halos 7,000 beses. (Lumilitaw ito nang 6,973 beses sa tekstong Hebreo ng New World Translation of the Holy Scriptures, 1984 edisyon.)

Ano ba ang tingin ng Diyos sa mga umaalis ng kaniyang pangalan sa Bibliya? Kung isa kang autor, ano ang madarama mo tungkol sa sinuman na nagsumikap na alisin ang iyong pangalan sa aklat na iyong isinulat? Ang mga tagapagsalin na tutol sa pangalan, nang dahil sa mga problema sa pagbigkas o tradisyong Judio, ay maihahambing sa mga taong sinabi ni Jesus na “sinasala ang lamok nguni’t nilulunok naman ang kamelyo!” (Mateo 23:​24) Sila’y natitisod sa maliliit na problemang ito nguni’t lumilikha naman sila ng malaking problema​—dahil sa pag-aalis sa pangalan ng pinakadakilang persona sa sansinukob sa aklat na kaniyang kinasihan.

Ang salmista ay sumulat: “Hanggang kailan, Oh Diyos, patuloy na mang-uupasala ang kaaway? Lalapastanganin ba ng kaaway ang iyong pangalan magpakailanman.”​—Awit 74:10.

[Kahon sa pahina 25]

“Ang PANGINOON”—Katumbas ng “Jehova”?

Ang pag-aalis sa natatanging personal na pangalan ng Diyos sa Bibliya at pagpapalit diyan ng isang titulo na gaya ng “Panginoon” o “Diyos” ay nagpapahina sa teksto at kulang sa maraming paraan. Halimbawa, maaaring ang resulta’y walang kabuluhang mga kombinasyon ng salita. Sa paunang salita, sinasabi ng The Jerusalem Bible: “Ang sabihing, ‘Diyos ang Panginoon’ ay tiyak na isang tautology [isang di-kinakailangan, o walang kabuluhan, na pag-ulit-ulit], di-gaya kung sasabihin na ‘si Yahweh ay Diyos.’”

Ang gayong pagpapalit ay maaaring humantong din sa asiwang mga pananalita. Sa Authorized Version, ganito ang pagkasalin ng Awit 8:9: “Oh PANGINOON na aming Panginoon, anong pagkarilag-rilag ang iyong pangalan sa buong lupa!” Anong liwanag nang ang pangalang Jehova ay isauli sa gayong teksto! Ang salin ng Young’s Literal Translation of the Holy Bible ay: “Jehova, aming Panginoon, anong pagkarangal-rangal ng Iyong pangalan sa buong lupa!”

Kalituhan ang isa pang resulta ng pag-aalis sa pangalan. Ang Awit 110:1 ay nagsasabi: “ANG PANGINOON ay nagsabi sa aking Panginoon, Maupo ka sa kanan ko, hanggang sa ang iyong mga kaaway ay gawin kong tuntungan ng iyong paa.” (Authorized Version) Sino ba ang nakikipag-usap kanino? Anong lalong mainam ang pagkasaling: “Ang sabi ni Jehova sa aking Panginoon ay: ‘Maupo ka sa aking kanan hanggang sa aking gawing tuntungan mo ang iyong mga kaaway.’”​—New World Translation.

Isa pa, ang paghahalili ng “Panginoon” sa “Jehova” ay nag-aalis ng isang bagay na tanging mahalaga sa Bibliya: ang sariling pangalan ng Diyos. Sinasabi ng The Illustrated Bible Dictionary (Tomo 1, pahina 572): “Sa istriktong pananalita, ang Yahweh ang tanging ‘pangalan’ ng Diyos.”

Sa The Imperial Bible-Dictionary (Tomo 1, pahina 856) ay tinutukoy ang pagkakaiba ng “Diyos” (Elohim) at “Jehova,” na ang sabi: “Ang [Jehova] sa lahat ng dako ay isang pangalang pantangi, na tumutukoy sa personal na Diyos at sa kaniya lamang; samantalang ang Elohim ay higit na tumutukoy sa katangian ng isang pangalang pambalana, na ang karaniwang tinutukoy, nguni’t hindi palagi ni pare-pareho, ay ang Kataastaasan.”

Isinusog ni J. A. Motyer, principal ng Trinity College, Inglatera: “Malaki ang nawawala sa pagbabasa ng Bibliya kung ang pananaw natin ay hindi lalampas sa inihaliling salita [Panginoon o Diyos] sa personal, na pansariling pangalan ng Diyos. Sa pagsasabi sa kaniyang mga lingkod ng kaniyang pangalan, nilayon ng Diyos na isiwalat sa kanila ang kaniyang kaloob-loobang katangian.”​—Eerdmans’ Handbook to the Bible, pahina 157.

Hindi, ang isang personal na pangalang pantangi ay hindi maisasalin ninuman sa isang titulo lamang. Hindi mapalilitaw ng isang titulo ang lubusang, mayaman na kahulugan ng orihinal na pangalan ng Diyos.

[Kahon/Mga larawan sa pahina 26]

Ang kapirasong ito ng Septuagint (kanan) na may petsang unang siglo C.E. at taglay ang Zacarias 8:​19-21 at 8:​23–​9:4 ay nasa Jerusalem sa Israel Museum. Taglay nito ang pangalan ng Diyos nang apat na beses, na ang tatlo’y ipinakikita rito. Sa Alexandrine Manuscript (kaliwa), isang kopya ng Septuagint na ginawa makalipas ang 400 taon, ang pangalan ng Diyos ay pinalitan sa mga talata ring iyan ng KY at KC, pinaikling anyo ng salitang Griego na Kyʹri·os (“Panginoon”)

[Kahon sa pahina 27]

Isang misyonero sa Tsina noong ika-19 na siglo, si John W. Davis, ang nagpaliwanag kung bakit siya naniniwala na dapat na nasa Bibliya ang pangalan ng Diyos: “Kung Jehova ang sinasabi ng Espiritu Santo sa ano mang naturang lugar sa Hebreo, bakit hindi Jehova ang sabihin sa Ingles o Intsik ng tagapagsalin? Ano ang karapatan niyang sabihin, Gagamitin ko ang Jehova sa lugar na ito at papalitan ko naman sa iba? . . . Kung sasabihin ninuman na may mga kasong doo’y mali ang paggamit sa Jehova, ipakita niya kung bakit; ang onus probandi [bigat ng patotoo] ay nakaatang nang malaki sa kaniya. Mahihirapan siyang patunayan iyon, sapagka’t kailangang sagutin niya ang simpleng tanong na ito,​—Kung sa ano mang kaso’y maling gamitin ang Jehova sa salin kung gayo’y bakit nga ginamit iyon sa orihinal ng kinasihang manunulat?”​—The Chinese Recorder and Missionary Journal, Tomo VII, Shanghai, 1876.

[Larawan sa pahina 23]

Wastong ginagamit ng New World Translation of the Christian Greek Scriptures nang 237 beses ang pangalan ng Diyos

[Mga larawan sa pahina 24]

Ang pangalan ng Diyos sa isang simbahan sa Minorca, Espanya;

sa isang estatuwa malapit sa Paris, Pransiya;

at sa Chiesa di San Lorenzo, Parma, Italya