Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang mga Kristiyano at ang Pangalan

Ang mga Kristiyano at ang Pangalan

Ang mga Kristiyano at ang Pangalan

WALANG makapagsasabi nang tiyakan kung kailan huminto ang mga sinaunang Judio nang pagbigkas na malakas sa pangalan ng Diyos at hinalinhan nila iyon ng mga salitang Hebreo para sa Diyos at Soberanong Panginoon. May mga naniniwala na bago pa ng panahon ni Jesus ay hindi na ginagamit sa araw-araw ang pangalan ng Diyos. Nguni’t may matibay na patotoo na ang mataas na saserdote ay patuloy na bumibigkas niyaon sa mga serbisyong relihiyoso sa templo​—lalo na kung araw ng Pagtubos—​hanggang sa pagkawasak ng templo noong 70 C.E. Samakatuwid, nang narito sa lupa si Jesus, alam pa ang bigkas ng pangalan, bagaman marahil ay hindi malaganap na ginagamit iyon.

Bakit huminto ang mga Judio ng pagbigkas sa pangalan ng Diyos? Marahil, ang isang dahilan ay ang maling pagkakapit ng mga salita ng ikatlong utos: “Huwag mong babanggitin sa walang kabuluhan ang pangalan ni Jehova na iyong Diyos.” (Exodo 20:7) Hindi naman ibinabawal ng utos na ito ang paggamit sa pangalan ng Diyos. Sapagka’t kung hindi, bakit ang mga sinaunang lingkod ng Diyos na gaya ni David ay buong laya na gumamit niyaon at kinamit pa rin nila ang pagpapala ni Jehova? At bakit binigkas iyon ng Diyos kay Moises at sinabi sa kaniya na ipaliwanag sa mga Israelita kung sino ang nagsugo sa kaniya?​—Awit 18:​1-3, 6, 13; Exodo 6:​2-8.

Subali’t, noong panahon ni Jesus usung-uso ang hilig na ang makatuwirang mga utos ng Diyos ay bigyan ng di-makatuwirang pagpapakahulugan. Halimbawa, ang mga Judio ay inuubligahan ng ikaapat ng Sampung Utos na ipangilin ang ikapitong araw ng bawa’t sanlinggo bilang araw ng kapahingahan, isang Sabbath. (Exodo 20:​8-11) Pinahaba ng mga sinaunang Judio ang utos na iyan, anupa’t pagkarami-rami nilang mga alituntunin na sumasaklaw sa kaliit-liitang dapat gawin at di-dapat gawin kung Sabbath. Marahil taglay nila ang ganiyan ding espiritu nang ang isang makatuwirang utos, na huwag lalapastanganin ang pangalan ng Diyos, ay sundin nila nang may pagkapanatiko, na sinasabing ang pangalang iyon ay di man lamang dapat bigkasin. a

Si Jesus at ang Pangalan

Sinunod kaya ni Jesus ang gayong tradisyon na di-maka-Kasulatan? Hindi! Siya’y gumawa ng pagpapagaling kung Sabbath, kahit ito’y isang paglabag sa gawang-taong mga alituntunin ng mga Judio at nagsapanganib ng kaniyang buhay. (Mateo 12:​9-14) Hinatulan pa nga ni Jesus ang mga Fariseo bilang mga mapagpaimbabaw sapagka’t dahil sa kanilang sali’t-saling-sabi ay niwalang-kabuluhan nila ang Salita ng Diyos. (Mateo 15:​1-9) Kung gayon, malamang na hindi siya umiwas sa pagbigkas sa pangalan ng Diyos, lalo na yamang ang kaniyang sariling pangalan, na Jesus, ay nangangahulugang “si Jehova ay Kaligtasan.”

Minsan, nang nasa sinagoga ay tumayo si Jesus at bumasa ng isang bahagi ng balumbon ng Isaias. Ang binasa niya ay Isaias 61:​1, 2, na kung saan kung ilang ulit lumilitaw ang pangalan ng Diyos. (Lucas 4:​16-21) Tatanggi kaya siyang bigkasin doon ang banal na pangalan, at ang ihahalili roo’y “Panginoon” o “Diyos”? Talagang hindi. Kung gayon ay tutularan niya ang mga lider relihiyosong Judio. Bagkus, mababasa natin: “Kaniyang tinuturuan sila na gaya ng isang taong may kapamahalaan, at hindi gaya ng kanilang mga eskriba.”​—Mateo 7:29.

Gaya ng binanggit na, tinuruan niya ang kaniyang mga tagasunod na manalangin sa Diyos: “Pakabanalin nawa ang pangalan mo.” (Mateo 6:9) Nang gabi bago siya namatay, nanalangin siya sa kaniyang Ama: “Ipinahayag ko ang iyong pangalan sa mga tao na ibinigay mo sa akin mula sa sanlibutan . . . Amang Banal, ingatan mo alang-alang sa iyong sariling pangalan yaong mga ibinigay mo sa akin.”​—Juan 17:​6, 11.

Tungkol sa mga pagtukoy na ito ni Jesus sa pangalan ng Diyos, ang aklat na Der Name Gottes (Ang Pangalan ng Diyos) ay nagpapaliwanag, sa pahina 76: “Unawain natin na ang tradisyonal na pagkaunawa sa Matandang Tipan ng pagsisiwalat ng Diyos ay na pagsisiwalat ito ng kaniyang pangalan at na patu-patuloy iyon hanggang sa mga huling bahagi ng Matandang Tipan, oo, nagpapatuloy hangga pa sa mga huling bahagi ng Bagong Tipan, na kung saan, halimbawa, mababasa natin sa Juan 17:6: ‘Ipinahayag ko ang iyong pangalan.’”

Oo, di-makatuwirang isipin na si Jesus ay umiwas ng paggamit sa pangalan ng Diyos, lalo na nang sumipi siya sa mga bahagi ng Kasulatang Hebreo na mayroon niyaon.

Ang mga Sinaunang Kristiyano

Ginamit ba ng mga tagasunod ni Jesus noong unang siglo ang pangalan ng Diyos? Sila’y inutusan ni Jesus na gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng bansa. (Mateo 28:​19, 20) Marami sa gayong mga tao ang hindi nakakakilala sa Diyos na nagpakilala ng kaniyang sarili sa mga Judio sa pangalang Jehova. Paano maipakikilala sa kanila ng mga Kristiyano ang tunay na Diyos? Sapat na ba na tawagin siyang Diyos o Panginoon? Hindi. Ang mga bansa ay may kani-kaniyang mga diyos at mga panginoon. (1 Corinto 8:5) Papaano maipakikilala ng mga Kristiyano ang pagkakaiba ng tunay na Diyos at ng mga di-tunay? Tanging sa paggamit sa pangalan ng tunay na Diyos.

Sa pagpupulong sa Jerusalem ng matatanda sinabi ng alagad na si Santiago: “Isinaysay na lubusan ni Simeon kung paano noon unang pagkakataon na ibinaling ng Diyos ang kaniyang pansin sa mga bansa upang kumuha sa kanila ng isang bayan ukol sa kaniyang pangalan. At dito’y nasasang-ayon ang mga salita ng mga Propeta.” (Gawa 15:​14, 15) Si apostol Pedro, sa kaniyang bantog na pahayag noong Pentecostes, ay bumanggit ng isang mahalagang bahagi ng mensahe sa mga Kristiyano nang sipiin niya ang sinabi ni propeta Joel: “Sinumang tumawag sa pangalan ni Jehova ay maliligtas.”​—Joel 2:​32; Gawa 2:21.

Bahagya ma’y walang duda si Pablo sa kahalagahan sa kaniya ng pangalan ng Diyos. Sa liham niya sa mga taga-Roma, kaniyang sinipi ang sinabi ring iyan ni propeta Joel at hinimok niya ang mga kapuwa Kristiyano na sumampalataya sa pangungusap na iyan sa pamamagitan ng pangangaral sa iba ng pangalan ng Diyos upang sila man ay mangaligtas. (Roma 10:​13-15) Kay Timoteo ay sumulat siya: “Lumayo sa kalikuan ang sinumang sumasambit sa pangalan ni Jehova.” (2 Timoteo 2:​19) Nang dulo ng unang siglo, sa kaniyang mga isinulat ay ginamit ni apostol Juan ang banal na pangalan. Ang “Hallelujah,” ibig sabihin “Purihin si Jah,” ay paulit-ulit na lumilitaw sa aklat ng Apocalipsis.​—Apocalipsis 19:​1, 3, 4, 6.

Si Jesus at ang kaniyang mga tagasunod ay humula na magkakaroon ng mga apostata sa kongregasyong Kristiyano. Isinulat ni apostol Pedro: “Magkakaroon din sa gitna ninyo ng mga bulaang guro.” (2 Pedro 2:​1; tingnan din ang Mateo 13:​36-43; Gawa 20:​29, 30; 2 Tesalonica 2:​3; 1 Juan 2:​18, 19.) Natupad ang mga babalang ito. Ang isang resulta’y napatabi ang pangalan ng Diyos. Inalis pa nga iyon sa mga kopya at mga salin ng Bibliya! Tingnan natin kung paano nangyari iyon.

[Talababa]

a Mayroon pa raw isang dahilan: Baka ang mga Judio ay naimpluwensiyahan ng pilosopyang Griego. Halimbawa, si Philo, isang pilosopong Judio ng Alexandria na halos kapanahon ni Jesus, ay lubhang naimpluwensiyahan ng pilosopong Griego na si Plato, na ang akala niya’y kinasihan ng Diyos. Ang Lexikon des Judentums (Talasalitaan ng Judaismo), sa ilalim ng “Philo,” ay nagsasabi na si Philo ang “tagapagkaisa ng wika at mga idea ng Griegong pilosopya (Plato) at ng isiniwalat na pananampalataya sa mga Judio” at siya ay “nagkaroon ng epekto sa mga Kristiyanong ama ng simbahan.” Itinuro ni Philo na ang Diyos ay hindi maaaring ipaliwanag at, kung gayon, walang pangalan.

[Larawan sa pahina 14]

Ang larawang ito ng isang mataas na saserdoteng Judio, na sa kaniyang putong sa ulo’y may pananalitang Hebreo na ibig sabihin “Kabanalan kay Jehova,” ay matatagpuan sa Vaticano

[Larawan sa pahina 15]

Gaya ng ipinakikita ng saling ito ng Bibliya sa Aleman noong 1805, nang si Jesus ay bumasa sa sinagoga buhat sa balumbon ni Isaias, kaniyang binigkas nang malakas ang pangalan ng Diyos.​—Lucas 4:​18, 19

[Mga larawan sa pahina 16]

Ginamit ni Pedro at ni Pablo ang pangalan ng Diyos nang sila’y sumipi buhat sa hula ni Joel.​—Gawa 2:​21; Roma 10:13