Makasumpong ng Katiwasayan sa Piling ng Bayan ng Diyos
Kabanata 17
Makasumpong ng Katiwasayan sa Piling ng Bayan ng Diyos
1, 2. Papaano nakakatulad ng mga tao sa isang sinalanta-ng-bagyong lugar ang kalagayan ng sangkatauhan?
GUNIGUNIHIN mo na isang nagngangalit na bagyó ang sumalanta sa lugar na iyong tinitirhan. Wasak ang iyong tahanan, at nawalang lahat ang iyong tinatangkilik. Kapos ang pagkain. Waring wala nang pag-asa ang kalagayan. Pagkatapos, dumating ang di-inaasahang tulong. Inilaan ang saganang pagkain at damit. Itinayo ang isang bagong bahay para sa iyo. Tiyak na magpapasalamat ka sa taong nagbigay ng mga paglalaang ito.
2 Isang bagay na katulad niyan ang nagaganap ngayon. Gaya ng bagyong iyon, ang paghihimagsik nina Adan at Eva ay nagdulot ng napakalaking pinsala sa lahi ng tao. Nawala ang Paraisong tahanan ng sangkatauhan. Mula noon, hindi na naikubli ng mga pamahalaan ng tao ang mga mamamayan mula sa digmaan, krimen, at kawalang-katarungan. Ginutom ng relihiyon ang napakaraming tao mula sa kapaki-pakinabang na espirituwal na mga pagkain. Gayunman, sa espirituwal na paraan, nagkakaloob ngayon ang Diyos na Jehova ng pagkain, damit, at kanlungan. Papaano niya ginagawa iyan?
“ANG TAPAT AT MAINGAT NA ALIPIN”
3. Papaano nagtutustos ng mga paglalaan si Jehova para sa sangkatauhan, gaya ng ipinakikita ng anong mga halimbawa?
3 Ang mga tulong ay karaniwan nang ipinamamahagi sa pamamagitan ng isang organisadong alulod, at sa gayunding paraan ipinamamahagi ni Jehova sa kaniyang bayan ang espirituwal na paglalaan. Halimbawa, ang mga Israelita ay naging “kongregasyon ni Jehova” sa loob ng 1,500 taon. Ang ilan sa kanila ay naglingkod bilang alulod ng Diyos upang ituro ang kaniyang Batas. (1 Cronica 28:8; 2 Cronica 17:7-9) Noong unang siglo C.E., bumuo si Jehova ng Kristiyanong organisasyon. Naitatag ang mga kongregasyon, at ang mga ito’y nanungkulan sa ilalim ng patnubay ng lupong tagapamahala na binubuo ng mga apostol at nakatatandang mga lalaki. (Gawa 15:22-31) Gayundin sa ngayon, si Jehova ay nakikitungo sa kaniyang bayan sa pamamagitan ng isang organisadong grupo. Papaano natin nalalaman ito?
4. Napatunayang sino “ang tapat at maingat na alipin” sa modernong panahon, at papaano ipinamamahagi ang espirituwal na mga paglalaan ng Diyos?
4 Sinabi ni Jesus na sa panahon ng kaniyang pagkanaririto sa kapangyarihan sa Kaharian, “ang tapat at maingat na alipin” ay masusumpungang naglalaan ng “pagkain sa tamang panahon” para sa Kaniyang mga tagasunod. (Mateo 24:45-47) Nang iluklok si Jesus bilang makalangit na Hari noong 1914, napatunayang sino ang ‘aliping’ ito? Tiyak na hindi ang mga klero ng Sangkakristiyanuhan. Sa kalakhang bahagi, sila’y nagpapakain sa kanilang kawan ng mga propaganda na sumusuporta sa kanilang sariling pambansang mga pamahalaan noong Digmaang Pandaigdig I. Ngunit ang tama at napapanahong espirituwal na pagkain ay ipinamamahagi ng grupo ng tunay na mga Kristiyano na pinahiran ng banal na espiritu ng Diyos at bahagi ng tinatawag ni Jesus na “munting kawan.” (Lucas 12:32) Ipinangaral ng pinahirang mga Kristiyanong ito ang Kaharian ng Diyos sa halip na ang mga pamahalaan ng tao. Bilang resulta, milyun-milyong nakahilig sa katuwiran na “ibang tupa” ang sumama sa pinahirang “alipin” sa pagsasagawa ng tunay na relihiyon sa nakaraang mga taon. (Juan 10:16) Sa pamamagitan ng ‘tapat na alipin’ at ng kasalukuyang Lupong Tagapamahala nito, pinapatnubayan ng Diyos ang kaniyang organisadong bayan upang mamahagi ng espirituwal na pagkain, damit, at kanlungan sa lahat ng nagnanais na magkaroon ng mga paglalaang ito.
“PAGKAIN SA TAMANG PANAHON”
5. Anong espirituwal na kalagayan ang umiiral sa sanlibutan sa ngayon, ngunit ano ang ginagawa ni Jehova tungkol dito?
5 Sabi ni Jesus: “Ang tao ay mabubuhay, hindi sa tinapay lamang, kundi sa bawat pananalitang lumalabas sa bibig ni Jehova.” (Mateo 4:4) Gayunman, nakalulungkot sabihin na karamihan sa mga tao ay hindi nakikinig sa mga sinasabi ng Diyos. Gaya ng inihula ng propeta ni Jehova na si Amos, nagkakaroon ng “kagutom, hindi sa tinapay, at kauhawan, hindi sa tubig, kundi sa pakikinig sa mga salita ni Jehova.” (Amos 8:11) Maging ang napakarelihiyosong mga tao ay nagugutom sa espirituwal. Gayunman, ang kalooban ni Jehova ay na “ang lahat ng uri ng mga tao ay maligtas at sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan.” (1 Timoteo 2:3, 4) Kaya naman, siya’y naglalaan ng saganang espirituwal na pagkain. Ngunit saan ito maaaring makuha?
6. Papaano pinakain ni Jehova ang kaniyang bayan sa espirituwal na paraan noong unang panahon?
6 Sa buong panahon ng kasaysayan, namamahagi na si Jehova ng espirituwal na pagkain sa kaniyang bayan bilang isang grupo. (Isaias 65:13) Halimbawa, tinipon ng mga saserdoteng Israelita ang mga lalaki, babae, at mga bata bilang isang grupo para ituro ang Batas ng Diyos. (Deuteronomio 31:9, 12) Sa ilalim ng patnubay ng lupong tagapamahala, nag-organisa ng mga kongregasyon ang unang-siglong mga Kristiyano at nagpulong para turuan at patibayin ang lahat. (Roma 16:5; Filemon 1, 2) Sinusunod ng mga Saksi ni Jehova ang parisang ito. Ikaw ay malugod na inaanyayahang dumalo sa lahat ng kanilang mga pulong.
7. Ano ang kaugnayan ng kaalaman at pananampalataya sa regular na pagdalo sa Kristiyanong mga pulong?
7 Mangyari pa, maaaring marami ka nang natututuhan sa iyong personal na pag-aaral ng Bibliya. Marahil ay may tumulong na sa iyo. (Gawa 8:30-35) Subalit ang iyong pananampalataya ay maaaring itulad sa isang halaman na malalanta at mamamatay kung ito’y hindi angkop na pangangalagaan. Kaya, dapat kang tumanggap ng tamang espirituwal na pagkain. (1 Timoteo 4:6) Ang mga pulong Kristiyano ay naglalaan ng patuluyang programa ng pagtuturo na dinisenyo upang pakanin ka sa espirituwal at tulungan kang patuluyang lumaki sa pananampalataya habang lumalago ang iyong kaalaman sa Diyos.—Colosas 1:9, 10.
8. Bakit tayo hinihimok na dumalo sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova?
8 Ang mga pulong ay may iba pang mahalagang layunin. Sumulat si Pablo: “Isaalang-alang natin ang isa’t isa upang mag-udyukan sa pag-ibig at sa maiinam na gawa, na hindi pinababayaan ang ating pagtitipon.” (Hebreo 10:24, 25) Ang Griegong salita na isinaling “upang mag-udyukan” ay maaari ring mangahulugang “upang magpátalasán.” Sabi nga ng isang kawikaan sa Bibliya: “Sa pamamagitan ng bakal, ang bakal mismo ay pinatatalas. Gayon pinatatalas ng isang tao ang mukha ng iba.” (Kawikaan 27:17) Tayong lahat ay nangangailangan ng patuloy na ‘pagpapatalas.’ Ang pang-araw-araw na mga panggigipit ng sanlibutan ay nakapagpapapurol ng ating pananampalataya. Kapag tayo’y dumadalo sa mga pulong Kristiyano, nagkakaroon ng pagpapalitan ng pampatibay-loob. (Roma 1:11, 12) Sinusunod ng mga miyembro ng kongregasyon ang payo ni apostol Pablo na “patuloy ninyong aliwin ang isa’t isa at patibayin ang isa’t isa,” at ang mga bagay na ito ay nakapagpapatalas ng ating pananampalataya. (1 Tesalonica 5:11) Ang regular na pagkanaroroon sa mga pulong Kristiyano ay nagpapahiwatig din na iniibig natin ang Diyos at nagbibigay sa atin ng pagkakataong purihin siya.—Awit 35:18.
“DAMTAN NINYO ANG INYONG MGA SARILI NG PAG-IBIG”
9. Papaano nagpakita ng halimbawa si Jehova sa pagpapamalas ng pag-ibig?
9 Sumulat si Pablo: “Damtan ninyo ang inyong mga sarili ng pag-ibig, sapagkat ito ay isang sakdal na bigkis ng pagkakaisa.” (Colosas 3:14) Magiliw na inilaan ni Jehova ang kasuutang ito sa atin. Sa anong paraan? Maaaring ipamalas ng mga Kristiyano ang pag-ibig sapagkat isa ito sa bigay-Diyos na mga bunga ng banal na espiritu ni Jehova. (Galacia 5:22, 23) Ipinamalas mismo ni Jehova ang pinakadakilang pag-ibig sa pamamagitan ng pagsusugo sa kaniyang bugtong na Anak upang magkaroon tayo ng buhay na walang-hanggan. (Juan 3:16) Ang sukdulang pagpapamalas na ito ng pag-ibig ay naglalaan ng isang modelo para sa atin sa pagpapahayag ng katangiang ito. “Kung sa ganitong paraan tayo inibig ng Diyos,” ang sulat ni apostol Juan, “samakatuwid tayo mismo ay nasa ilalim ng obligasyon na mag-ibigan sa isa’t isa.”—1 Juan 4:11.
10. Papaano tayo makikinabang mula sa “buong samahan ng mga kapatid”?
10 Ang pagdalo mo sa mga pulong sa Kingdom Hall ay magbibigay sa iyo ng napakagandang pagkakataon upang magpakita ng pag-ibig. Makikilala mo roon ang iba’t ibang uri ng tao. Walang-pagsalang maaakit ka agad ng marami sa kanila. Mangyari pa, nagkakaiba-iba ang mga personalidad kahit niyaong mga naglilingkod kay Jehova. Marahil noon ay iniiwasan mo ang mga taong may ibang hilig o ugali kaysa sa iyo. Gayunman, ang mga Kristiyano ay dapat “magkaroon ng pag-ibig sa buong samahan ng mga kapatid.” (1 Pedro 2:17) Samakatuwid, gawin mong tunguhin na makilala ang mga nasa Kingdom Hall—kahit yaong ang edad, personalidad, lahi, o pinag-aralan ay iba sa iyo. Malamang na masusumpungan mong bawat isa’y nangingibabaw sa ilang kaibig-ibig na katangian.
11. Bakit hindi ka dapat mabahala sa iba’t ibang personalidad ng bayan ni Jehova?
11 Ang pagkakaiba-iba ng personalidad sa kongregasyon ay hindi dapat makabahala sa iyo. Bilang halimbawa, gunigunihin mo ang maraming sasakyang naglalakbay na kasabay mo sa daan. Hindi lahat ay pare-pareho ang bilis ng takbo, ni pare-pareho ang kondisyon. Ang ilan ay nakapaglakbay na nang milya-milya, ngunit gaya mo, ang iba naman ay nagsisimula pa lamang. Gayunman, bagaman nagkakaiba-iba, lahat ay naglalakbay sa daan. Katulad ito ng mga taong bumubuo ng isang kongregasyon. Hindi pare-pareho ang bilis ng pagpapaunlad ng Kristiyanong mga katangian. Isa pa, hindi lahat ay nagkakapareho sa pisikal o emosyonal na kondisyon. Ang ilan ay maraming taon nang sumasamba kay Jehova; ang iba naman ay nagsisimula pa lamang. Ngunit, lahat ay naglalakbay sa daan patungo sa buhay na walang-hanggan, anupat ‘lubos na nagkakaisa sa iisang pag-iisip at sa iisang takbo ng kaisipan.’ (1 Corinto 1:10) Samakatuwid, hanapin ang mahuhusay na katangian sa halip na mga kahinaan niyaong mga nasa kongregasyon. Ang paggawa niyan ay magpapasigla sa iyong puso, yamang mapagtatanto mong ang Diyos ay tunay ngang kapiling ng mga taong ito. At tiyak na ito ang lugar na nais mong puntahan.—1 Corinto 14:25.
12, 13. (a) Kung nagkasala sa iyo ang isa sa kongregasyon, ano ang maaari mong gawin? (b) Bakit mahalaga na huwag magkimkim ng galit?
12 Yamang ang lahat ng tao’y di-sakdal, kung minsan ay may isa sa kongregasyon na makapagsasalita o makagagawa ng isang bagay na makaiinis sa iyo. (Roma 3:23) Makatotohanang sumulat ang alagad na si Santiago: “Tayong lahat ay natitisod nang maraming ulit. Kung ang sinuman ay hindi natitisod sa salita, ang isang ito ay taong sakdal.” (Santiago 3:2) Ano ang gagawin mo kapag may nagkasala sa iyo? Ganito ang sabi ng isang kawikaan sa Bibliya: “Ang malalim na unawa ng isang tao ay tunay na nagpapabagal ng kaniyang galit, at isang kagandahan sa kaniyang bahagi ang paraanin niya ang pagsalansang.” (Kawikaan 19:11) Ang pagkakaroon ng malalim na unawa ay nangangahulugang nakikita ang nasa likod ng isang kalagayan, nauunawaan ang nasa ilalim na mga dahilan kung bakit nakapagsalita o nakakilos nang gayon ang isang tao. Karamihan sa atin ay malimit na gumagamit ng malalim na unawa upang pagpaumanhinan ang ating sariling mga pagkakamali. Bakit hindi rin gamitin iyon upang maunawaan at mapagtakpan ang mga di-kasakdalan ng iba?—Mateo 7:1-5; Colosas 3:13.
13 Huwag kalilimutan kailanman na dapat tayong magpatawad sa iba upang tayo mismo ay tumanggap ng kapatawaran ni Jehova. (Mateo 6:9, 12, 14, 15) Kung isinasagawa natin ang katotohanan, pakikitunguhan natin ang iba sa maibiging paraan. (1 Juan 1:6, 7; 3:14-16; 4:20, 21) Samakatuwid, kapag nagkaproblema ka sa isa sa kongregasyon, labanan ang pagkikimkim ng galit. Kung ikaw ay nadaramtan ng pag-ibig, magsisikap kang malutas ang suliranin, at hindi ka mag-aatubiling humingi ng paumanhin kung ikaw naman ang siyang nakasakit.—Mateo 5:23, 24; 18:15-17.
14. Dapat tayong maramtan ng anu-anong katangian?
14 Dapat na kabilang sa ating espirituwal na kasuutan ang iba pang katangiang may malapit na kaugnayan sa pag-ibig. Sumulat si Pablo: “Damtan ninyo ang inyong mga sarili ng magiliw na pagmamahal ng pagkamadamayin, kabaitan, kababaan ng pag-iisip, kahinahunan, at mahabang-pagtitiis.” Ang mga katangiang ito, na nauugitan ng pag-ibig, ay mga bahagi ng maka-Diyos na “bagong personalidad.” (Colosas 3:10, 12) Magsisikap ka bang damtan ang iyong sarili nang ganito? Habang dinaramtan mo ang iyong sarili ng pangkapatirang pag-ibig lalo mong tataglayin ang pagkakakilanlang tanda ng mga alagad ni Jesus, sapagkat sinabi niya: “Sa ganito malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.”—Juan 13:35.
ISANG DAKO NG KATIWASAYAN
15. Papaano nakakatulad ng isang kanlungan ang kongregasyon?
15 Ang kongregasyon ay nagsisilbi ring isang kanlungan, isang pananggalang na kublihan na doo’y madarama mong ligtas ka. Dito’y makasusumpong ka ng tapat-pusong mga tao na nagsisikap gumawa ng wasto sa paningin ng Diyos. Marami sa kanila ang nagwaksi na ng masasamang gawain at saloobin na marahil ay pinagsisikapan mo ring madaig. (Tito 3:3) Makatutulong sila sa iyo, sapagkat tayo’y sinabihang “patuloy ninyong dalhin ang mga pasanin ng isa’t isa.” (Galacia 6:2) Mangyari pa, ang pagtataguyod ng isang landasing umaakay sa buhay na walang-hanggan ay talagang sarili mong pananagutan. (Galacia 6:5; Filipos 2:12) Gayunman, inilaan ni Jehova ang Kristiyanong kongregasyon bilang isang kahanga-hangang paraan ng pagtulong at pagsuporta. Gaano man kalubha ang iyong mga suliranin, mayroon kang tiyak na matatakbuhan—ang maibiging kongregasyon na tutulong sa iyo sa panahon ng kahapisan o kakapusan.—Ihambing ang Lucas 10:29-37; Gawa 20:35.
16. Anong tulong ang inilalaan ng matatanda sa kongregasyon?
16 Kabilang sa mga handang tumulong sa iyo ay ang “kaloob na mga tao”—inatasang matatanda sa kongregasyon, o mga tagapangasiwa, na kusang-loob at may-pananabik na nagpapastol sa kawan. (Efeso 4:8, 11, 12; Gawa 20:28; 1 Pedro 5:2, 3) Tungkol sa kanila ay inihula ni Isaias: “Bawat isa ay magiging gaya ng isang kublihang dako buhat sa hangin at isang dakong kanlungan buhat sa bagyo, gaya ng mga ilog ng tubig sa lupaing salat sa tubig, gaya ng lilim ng isang malaking batuhan sa isang nakapapagod na lupain.”—Isaias 32:2.
17. (a) Anong uri ng tulong higit sa lahat ang nais ibigay ni Jesus? (b) Anong paglalaan ang ipinangako ng Diyos na gagawin para sa kaniyang bayan?
17 Nang si Jesus ay naririto sa lupa, nakalulungkot sabihing ang maibiging pangangasiwa ng relihiyosong mga lider ay hindi nakita. Ang kalagayan ng mga tao ay umantig sa kaniyang damdamin, at higit sa lahat ay ibig niyang matulungan sila sa espirituwal. Nahabag si Jesus sa kanila sapagkat “sila ay nabalatan at naipagtabuyan kung saan-saan tulad ng mga tupang walang pastol.” (Mateo 9:36) Angkop na angkop ang pagkalarawan nito sa kasalukuyang suliranin ng maraming dumaranas ng panggigipuspos dahil sa mga suliranin na walang mahingan ng espirituwal na tulong at kaaliwan! Subalit ang bayan ni Jehova ay may espirituwal na pagsaklolo, sapagkat nangako siya: “Ako’y magbabangon sa kanila ng mga pastol na magpapastol mismo sa kanila; at hindi na sila matatakot, o manlulupaypay pa, at walang sinuman sa kanila na mawawala.”—Jeremias 23:4.
18. Bakit dapat tayong lumapit sa isang matanda kung kailangan natin ang espirituwal na tulong?
18 Kilalanin ang inatasang matatanda sa iyong kongregasyon. Napakarami nilang karanasan sa pagkakapit ng kaalaman ng Diyos, yamang naabot nila ang mga katangian para sa mga tagapangasiwa na nakaulat sa Bibliya. (1 Timoteo 3:1-7; Tito 1:5-9) Huwag mag-atubiling lumapit sa isa sa kanila kung kailangan mo ng espirituwal na tulong upang mapaglabanan ang gawi o ugaling salungat sa mga kahilingan ng Diyos. Masusumpungan mong sinusunod ng matatanda ang payo ni Pablo: “Magsalita nang may pang-aliw sa mga kaluluwang nanlulumo, alalayan ang mahihina, magkaroon ng mahabang-pagtitiis sa lahat.”—1 Tesalonica 2:7, 8; 5:14.
TAMASAHIN ANG KATIWASAYAN SA PILING NG BAYAN NI JEHOVA
19. Anu-anong pagpapala ang ipinagkaloob ni Jehova sa mga humahanap ng katiwasayan sa loob ng kaniyang organisasyon?
19 Bagaman tayo’y nabubuhay ngayon sa gitna ng di-sakdal na mga kalagayan, naglalaan si Jehova ng espirituwal na pagkain, damit, at kanlungan. Mangyari pa, dapat nating hintayin ang ipinangako ng Diyos na bagong sanlibutan upang tamasahin ang mga pakinabang ng isang pisikal na paraiso. Ngunit yaong mga kabilang sa organisasyon ni Jehova ay kasalukuyang nagtatamasa na ng katiwasayan ng isang espirituwal na paraiso. Tungkol sa kanila, humula si Ezekiel: “Sila’y tatahang tiwasay, at walang tatakot sa kanila.”—Ezekiel 34:28; Awit 4:8.
20. Papaano tutumbasan ni Jehova ang anumang isinakripisyo natin alang-alang sa pagsamba sa kaniya?
20 Gayon na lamang ang ating pasasalamat na si Jehova ay gumagawa ng maibiging espirituwal na mga paglalaan sa pamamagitan ng kaniyang Salita at organisasyon! Lumapit sa bayan ng Diyos. Huwag mag-atubili dahil sa takot sa maaaring isipin ng mga kaibigan o kamag-anak tungkol sa iyo dahil sa pagkuha ng kaalaman ng Diyos. Maaaring ang ilan ay di-sang-ayon dahil sa nakikisama ka sa mga Saksi ni Jehova at dumadalo sa mga pulong sa Kingdom Hall. Subalit saganang tutumbasan ng Diyos ang anumang isinakripisyo mo alang-alang sa pagsamba sa kaniya. (Malakias 3:10) Isa pa, sinabi ni Jesus: “Walang sinuman na nag-iwan ng bahay o mga kapatid na lalaki o mga kapatid na babae o ina o ama o mga anak o mga bukid alang-alang sa akin at alang-alang sa mabuting balita ang hindi tatanggap ng sandaang ulit ngayon sa yugtong ito ng panahon, ng mga bahay at mga kapatid na lalaki at mga kapatid na babae at mga ina at mga anak at mga bukid, kasama ng mga pag-uusig, at sa darating na sistema ng mga bagay ay ng buhay na walang-hanggan.” (Marcos 10:29, 30) Oo, anuman ang iyong iniwan o kailangang batahin, makasusumpong ka ng kalugud-lugod na pagsasamahan at espirituwal na katiwasayan sa piling ng bayan ng Diyos.
SUBUKIN ANG IYONG KAALAMAN
Sino ang “tapat at maingat na alipin”?
Anong paglalaan ang ginawa ni Jehova upang mapakain tayo sa espirituwal na paraan?
Papaano tayo maaaring matulungan niyaong nasa Kristiyanong kongregasyon?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Buong-pahinang larawan sa pahina 165]