Ang Ipinangakong Sanggol
Kapitulo 6
Ang Ipinangakong Sanggol
IMBIS na bumalik sa Nasaret, si Jose at si Maria ay lumagi sa Bethlehem. At nang si Jesus ay walong araw na ang gulang, kanilang ipinatuli siya, gaya ng iniutos ng Kautusan ng Diyos kay Moises. Maliwanag na kaugalian din na ang isang sanggol na lalaki ay bigyan ng kaniyang pangalan sa ikawalong araw. Kaya kanilang pinanganlan ng Jesus ang kanilang anak, gaya ng itinagubilin noon ng anghel na si Gabriel.
Mahigit na isang buwan ang nakalipas, at si Jesus ay 40 araw na ang edad. Saan siya ngayon dinala ng kaniyang mga magulang? Sa templo sa Jerusalem, na ilang milya lamang ang layo sa kanilang tinutuluyan. Sang-ayon sa Kautusan ng Diyos kay Moises, 40 araw pagkatapos maipanganak ang isang sanggol na lalaki, ang ina ay kailangang maghandog sa templo ng isang handog ukol sa paglilinis.
Ganito ang ginawa ni Maria. Bilang kaniyang handog, nagdala siya ng dalawang maliliit na ibon. Makikita rito ang isang bagay tungkol sa kalagayan sa buhay nina Jose at Maria. Iniutos ng Kautusan ni Moises na isang batang tupang lalaki, na lalong mahal kaysa mga ibon, ang dapat na ihandog. Subalit kung ito’y hindi kayang bilhin ng ina, sapat na rin ang dalawang batu-bato o dalawang kalapati.
Sa templo isang matandang lalaki ang kumalong kay Jesus. Ang kaniyang pangalan ay Simeon. Isiniwalat sa kaniya ng Diyos na siya’y hindi mamamatay hanggang sa makita muna niya ang ipinangakong Kristo ni Jehova, o Mesiyas. Nang si Simeon ay pumaroon sa templo sa araw na ito, siya’y inakay ng banal na espiritu sa sanggol na dala nina Jose at Maria.
Samantalang kalong ni Simeon si Jesus ay nagpasalamat siya sa Diyos, na ang sabi: “Ngayon, Soberanong Panginoon, pinapapanaw mo ang iyong alipin sa kapayapaan ayon sa iyong salita; sapagkat nakita ng aking mga mata ang magdadala ng kaligtasan na iyong inihanda sa paningin ng lahat ng mga tao, isang ilaw upang ipahayag sa mga bansa at ang kaluwalhatian ng iyong bayang Israel.”
Sina Jose at Maria ay totoong namangha nang kanilang marinig ito. Pagkatapos ay binasbasan sila ni Simeon at sinabi kay Maria na ang kaniyang anak “ay itinalaga sa ikararapa at sa ikatitindig ng marami sa Israel” at ang kalumbayang iyan, tulad ng isang matalas na tabak, ay tutusok sa kaniyang kaluluwa.
Naroroon din nang okasyong ito ang 84-anyos na propetisang si Ana. Sa katunayan, siya’y hindi kailanman pumapalya ng pagpunta sa templo. Sa mismong mga sandaling iyon siya ay lumapit at nagpasalamat sa Diyos at nagsalita siya tungkol kay Jesus sa lahat ng makikinig.
Kaysaya nga ng mga pangyayaring ito sa templo na nagpagalak kay Jose at kay Maria! Tunay, pinagtibay lamang nito sa kanila na ang sanggol ay ang Ipinangakong Isa ng Diyos. Lucas 2:21-38; Levitico 12:1-8.
▪ Kailan maliwanag na kaugalian na ang sanggol na lalaking Israelita ay bigyan ng kaniyang pangalan?
▪ Ano ang kahilingan sa isang inang Israelita pagka ang kaniyang anak na lalaki ay 40 araw na ang edad, at papaano ang pagtupad sa kahilingang ito ay nagbunyag ng kalagayan sa buhay ni Maria?
▪ Sino ang nakakilala kay Jesus nang okasyong ito, at papaano nila ipinakita ito?