Ang Kuwento ng Isang Nawalang Anak
Kapitulo 86
Ang Kuwento ng Isang Nawalang Anak
KATATAPUS-TAPOS lamang niya ng paglalahad ng mga ilustrasyon sa mga Fariseo tungkol sa muling pagkakita sa isang nawalang tupa at sa isang nawalang sensilyong pilak, si Jesus ay nagpatuloy ngayon ng paglalahad ng isa pang ilustrasyon. Ito’y tungkol sa isang mapagmahal na ama at sa kaniyang pakikitungo sa kaniyang dalawang anak na lalaki, na bawat isa’y may malulubhang pagkakamali.
Una, nariyan ang bunsong anak, ang pangunahing gumaganap ng papel sa ilustrasyong ito. Kaniyang hiningi na ang kaniyang mana, na ibinigay naman sa kaniya nang walang atubili ng kaniyang ama. Pagkatapos ay lumisan siya ng tahanan at napasangkot sa isang napakaimoral na pamumuhay. Subalit pakinggan si Jesus sa kaniyang pagkukuwento, at tingnan kung makikilala mo kung sino ang mga tauhan na kinakatawan nila.
“May isang tao,” ang pagpapasimula ni Jesus, “na may dalawang anak na lalaki. At sa kaniyang ama’y sinabi ng bunso, ‘Ama, ibigay mo sa akin ang bahagi ng kayamanang nauukol sa akin.’ At binahagi [ng ama] sa kanila ang kaniyang pagkabuhay.” Ano ba ang ginawa ng bunsong ito sa kaniyang nakaparte?
“At,” ang paliwanag ni Jesus, “hindi nakaraan ang maraming araw, tinipong lahat ng anak na bunso ang ganang kaniya at naglakbay sa isang malayong lupain, at doo’y inaksaya ang kaniyang kabuhayan sa palunging pamumuhay.” Ang totoo, kaniyang ginugol ang kaniyang salapi sa pakikisama sa mga patutot. Pagkatapos ay sumapit ang mga panahon ng kahirapan, gaya ng pagpapatuloy ni Jesus ng pagbibida:
“Nang magugol na niya ang lahat, isang matinding taggutom ang dumating sa buong bansa, at siya’y naghikahos. At pumaroon pa man din siya at nakisama sa isa sa mga mamamayan ng bansang iyon, at kaniyang sinugo siya sa kaniyang mga bukirin upang magpakain ng baboy. At ibig sana niyang mabusog ang kaniyang tiyan ng mga ipa na kinakain ng baboy, at walang taong magbigay sa kaniya.”
Anong babang uri ng pamumuhay na mapilitang mag-alaga ng baboy gayong ang mga hayop na ito ay marurumi ayon sa itinakda ng Kautusan! Subalit ang lalong higit na ipinagdusa ng anak ay ang matinding gutom kung kaya’t hinangad niya na makain kahit na yaong pagkain na ibinibigay sa mga baboy. Dahilan sa kakilakilabot na kalamidad na ito, sinabi ni Jesus, “siya’y natauhan.”
Sa pagpapatuloy ng kaniyang kuwento, ipinaliwanag ni Jesus: “Sinabi niya [sa kaniyang sarili], ‘Ilang mga alilang upahan ng aking ama ang may labis-labis na pagkain, samantalang ako rito ay mamamatay na ng gutom! Ako’y magtitindig at paroroon sa aking ama at sasabihin ko sa kaniya: “Ama, ako’y nagkasala laban sa langit at laban sa iyo. Ako’y hindi na karapatdapat tawaging iyong anak. Gawin mo akong tulad sa isa sa iyong mga alilang upahan.” ’ Kaya’t siya’y nagtindig at naparoon sa kaniyang ama.”
Narito ang isang bagay na dapat pag-isipan: Kung ang kaniyang ama’y nagalit at siya’y sinigawan nang lumisan siya sa tahanan, ang anak ay malamang na hindi nakaisip ng gayon na dapat niyang gawin. Marahil siya’y nagpasiyang bumalik at susubukin niyang makakita ng trabaho saanman sa kaniyang sariling bansa upang hindi na niya kailangang humarap pa sa kaniyang ama. Subalit, wala iyon sa kaniyang kaisipan. Ang ibig niya’y umuwi siya sa kanila!
Maliwanag, ang ama sa ilustrasyong ibinigay ni Jesus ay kumakatawan sa ating maibigin, maawaing Ama sa langit, ang Diyos na Jehova. At marahil ay iyong nakikilala na ang napalungi, o alibughang anak ay kumakatawan naman sa kilaláng mga makasalanan. Ang mga Fariseo, na kausap ni Jesus, ay noong una’y pumipintas kay Jesus sa pakikisalo niya sa mga makasalanang ito. Subalit sino ba ang kinakatawan ng nakatatandang anak?
Nang Matagpuan ang Nawalang Anak
Nang ang nawala, o alibughang anak sa ilustrasyon ni Jesus ay bumalik sa tahanan ng kaniyang ama, papaano ba siya tinanggap? Pakinggan habang inilalarawan iyon ni Jesus:
“Samantalang nasa malayo pa siya, natanawan na siya ng kaniyang ama at nagdalang-habag, at tumakbo at niyakap siya sa leeg at siya’y hinagkang malumanay.” Isang maawain, mapagmahal na ama, na napakainam na kumakatawan sa ating makalangit na Ama, si Jehova!
Malamang na nabalitaan ng ama ang palunging pamumuhay ng kaniyang anak. Gayunman ay kaniyang tinanggap ito sa kaniyang tahanan nang hindi naghihintay ng isang detalyadong paliwanag. Si Jesus ay mayroon ding gayong espiritu ng pagtanggap, anupa’t siya ang kusang lumapit sa mga makasalanan at mga maniningil ng buwis, na mga kinakatawan sa ilustrasyon ng alibughang anak.
Totoo, ang mapang-unawang ama sa ilustrasyon ni Jesus ay walang alinlangang may ideya na tungkol sa pagsisisi ng kaniyang anak dahil sa nakita niya ang malungkot, na nakatungong ayos nito nang siya’y magbalik. Subalit dahil sa mapagmahal na pagkukusa ng ama na siya’y kausapin kung kaya’t naging madali para sa anak na ipagtapat ang kaniyang mga kasalanan, gaya ng paglalahad ni Jesus: “At sinabi sa kaniya ng anak, ‘Ama, nagkasala ako laban sa langit at laban sa iyo. Hindi na ako karapatdapat tawaging iyong anak. Gawin mo na lamang akong isa sa mga upahán mo.’ ”
Subalit, halos hindi pa natatapos ng pagsasalita ang anak ay kumilos na ang kaniyang ama, at iniutos sa kaniyang mga alipin: “Dali! ilabas ninyo ang isang balabal, ang pinakamagaling, at isuot ninyo sa kaniya, at suotan ninyo ng singsing ang kaniyang kamay at ng mga sandalyas ang kaniyang mga paa. At kunin ninyo ang pinatabang guya, at inyong patayin at tayo’y magsikain at mangagsaya, sapagkat ang anak kong ito ay namatay at nabuhay uli; siya’y nawala at natagpuang muli.” Pagkatapos sila’y nagsimulang “magsaya.”
Samantala, ang “nakatatandang anak [ng ama] ay nasa bukid.” Tingnan kung iyong makikilala kung sino ang kaniyang kinakatawan sa pamamagitan ng pakikinig sa natitirang bahagi ng kuwento. Ganito ang sabi ni Jesus tungkol sa nakatatandang anak: “Nang siya’y dumating at malapit na sa bahay siya’y nakarinig ng tugtugan at sayawan. Kaya pinalapit niya sa kaniya ang isa sa mga utusan at nagtanong kung ano kaya ang mga bagay na iyon. Sinabi niya sa kaniya, ‘Dumating ang kapatid mo, at pinatay ng iyong ama ang pinatabang guya, dahil sa siya’y tinanggap niya na nasa mabuting kalusugan.’ Datapuwat siya’y nagalit at ayaw pumasok. Nang magkagayo’y lumabas ang kaniyang ama at namanhik sa kaniya. Bilang tugon ay sinabi niya sa kaniyang ama, ‘Narito maraming taon nang ako’y mistulang alipin na naglilingkod sa iyo at kailanma’y hindi ako sumuway sa iyong utos, gayunma’y hindi mo ako binigyan kailanman ng isang maliit na kambing upang ipakipagkatuwaan ko sa aking mga kaibigan. Datapuwat nang dumating itong anak mong umubos ng iyong pagkabuhay sa mga patutot, ipinagpatay mo siya ng pinatabang guya.’ ”
Sino, tulad ng nakatatandang anak, ang naging mapintasin sa awa at atensiyon na ipinakikita sa mga makasalanan? Hindi baga ang mga eskriba at ang mga Fariseo? Yamang ang kanilang pagpintas kay Jesus dahilan sa kaniyang tinatanggap ang mga makasalanan kung kaya sinalita ni Jesus ang ilustrasyong ito, malinaw nga na sila ang mga kinakatawan ng nakatatandang anak.
Tinapos ni Jesus ang kaniyang kuwento sa pamamagitan ng pakiusap ng ama sa kaniyang nakatatandang anak: “Anak, ikaw ay palaging nasa akin, at iyo ang lahat ng akin; datapuwat kailangang tayo’y mangatuwa at mangagsaya, sapagkat ang kapatid mong ito ay namatay at muling nabuhay, at siya’y nawala at natagpuan.”
Sa ganiyan ay hindi na sinabi ni Jesus kung ano sa bandang huli ang ginawa ng nakatatandang anak. Siyanga pala, sa bandang huli, pagkamatay at pagkabuhay-muli ni Jesus, “isang malaking pulutong ng mga saserdote ang tumalima sa pananampalataya,” marahil kasali na ang ilan sa mga nasa uring “nakatatandang anak” na ito na tinutukoy rito ni Jesus.
Ngunit sino sa modernong panahon ang kinakatawan ng dalawang anak? Tiyak na yaong mga taong nakaalam ng sapat tungkol sa mga layunin ni Jehova upang magkaroon ng batayan sa kanilang pagpasok sa isang kaugnayan sa kaniya. Ang nakatatandang anak ay kumakatawan sa mga ilang miyembro ng “munting kawan,” o “kongregasyon ng mga panganay na nakatala sa langit.” Ang mga ito ay nagkaroon ng saloobin na nahahawig sa saloobin ng nakatatandang anak. Wala silang hangarin na tanggapin ang uring makalupa, ang “mga ibang tupa,” na inaakala nilang sumisikat nang higit sa kanila.
Ang alibughang anak, sa kabilang panig naman, ay kumakatawan sa mga taong nasa bayan ng Diyos na umaalis upang tamasahin ang mga kalayawan na iniaalok ng sanlibutan. Subalit, pagdating ng panahon, ang mga ito ay nagsisisi at nagsisibalik at muling nagiging aktibong mga lingkod ng Diyos. Oo, totoo ngang mapagmahal at maawain ang Ama sa mga taong ito na kumikilala sa kanilang pangangailangan ng kapatawaran at nagsisibalik sa kaniya! Lucas 15:11-32; Levitico 11:7, 8; Gawa 6:7; Lucas 12:32; Hebreo 12:23; Juan 10:16.
▪ Kanino inilahad ni Jesus ang ilustrasyon, o kuwentong ito, at bakit?
▪ Sino ang pangunahing tauhan sa kuwento, at ano ang nangyari sa kaniya?
▪ Sino noong panahon ni Jesus ang kinakatawan ng ama at ng bunsong anak?
▪ Papaano tinularan ni Jesus ang halimbawa ng mahabaging ama sa kaniyang ilustrasyon?
▪ Ano ba ang pagkamalas ng nakatatandang anak sa ginawang pagtanggap sa kaniyang kapatid, at papaanong ang mga Fariseo ay gumawi na katulad ng nakatatandang anak?
▪ Ano ang katuparan ng ilustrasyon ni Jesus sa kaarawan natin?