Ang Muling Pagdalaw sa Templo
Kapitulo 103
Ang Muling Pagdalaw sa Templo
KATATAPOS lang ni Jesus at ng kaniyang mga alagad na gugulin ang kanilang ikatlong gabi sa Betania sapol nang dumating sila galing sa Jerico. Ngayong maaga ng Lunes, Nisan 10, sila’y nasa daan na patungong Jerusalem. Si Jesus ay nagugutom. Kaya nang kaniyang matanaw ang isang punong-igos na may mga dahon, kaniyang nilapitan upang tingnan kung iyon ay may mga bungang-igos.
Ang mga dahon ng punò ay wala sa panahon ang maagang pagsipot, yamang ang panahon ng mga igos ay hindi sumasapit kundi pagdating ng Hunyo, at ngayon ay bandang katapusan lamang ng Marso. Gayunman, marahil ay inakala ni Jesus na yamang maagang nagdahon ang mga punò, baka maaga ring magbunga ang mga punong iyon. Subalit siya’y nabigo. Ang mga dahon ay nagbigay sa punò ng isang mapandayang hitsura. Nang magkagayo’y isinumpa ni Jesus ang punò, na ang sabi: “Huwag kang magbunga kailanman.” Ang resulta ng ikinilos ni Jesus at ang kahulugan nito ay napag-alaman nang sumunod na araw.
Sa pagpapatuloy nila, hindi nagtagal at sumapit sa Jerusalem si Jesus at ang kaniyang mga alagad. Siya’y naparoon sa templo na kaniyang siniyasat nang nakaraang hapon. Subalit, ngayon ay gumawa na siya ng pagkilos, kagaya ng kaniyang ginawa tatlong taon na ngayon ang nakalipas nang siya’y dumalo sa Paskuwa noong 30 C.E. Ang mga nagbibili at namimili sa templo ay pinagpapalayas ni Jesus at kaniyang ipinagbabaligtad ang mga mesa ng mga mamamalit ng salapi at ang mga bangkô ng mga nagtitinda ng mga kalapati. Hindi niya pinayagan ang sinuman na magdala ng anumang kagamitan upang ipasok sa templo.
Kaniyang pinagwikaan yaong mga nagpapalit ng salapi at nagbibili ng mga hayop sa templo, na ang sabi: “Di-baga nasusulat, ‘Ang aking bahay ay tatawaging isang bahay-panalanginan para sa lahat ng bansa’? Subalit ginawa ninyong isang yungib ng mga magnanakaw.” Sila’y mga magnanakaw sapagkat sila’y humihingi ng labis-labis na halaga para sa mga taong walang gaanong magagawa kundi ang bilhin sa kanila ang mga hayop na kailangan sa paghahain. Kaya’t ang tingin ni Jesus sa mga pangangalakal na ito ay isang anyo ng pangingikil o pagnanakaw.
Nang ang mga pangulong saserdote, eskriba, at mga pinuno sa bayan ay makabalita ng ginawa ni Jesus, muli na namang humanap sila ng paraan upang ipapatay siya. Sa ganoo’y pinatunayan nila na sila’y hindi na makapagbabago pa. Gayunman, hindi nila alam kung papaano nila maipapapatay si Jesus, yamang lahat ng tao ay patuloy na sumusunod sa kaniya upang mapakinggan siya.
Bukod sa likas na mga Judio, may mga Gentil din na naparoon sa Paskuwa. Ito ay mga proselita, na ang ibig sabihin sila’y nakumberte sa relihiyon ng mga Judio. May mga Griego, marahil mga proselita, na ngayo’y lumapit kay Felipe at hiniling na makita nila si Jesus. Si Felipe ay lumapit naman kay Andres, marahil upang itanong kung ang gayong pakikipagkita ay angkop. Marahil si Jesus noon ay naroon pa sa templo, na kung saan nagawa ng mga Griego na siya’y makausap.
Batid ni Jesus na mga ilang araw na lamang ang natitira sa kaniyang buhay, kaya’t may kagandahang ipinaghalimbawa niya ang kaniyang katayuan: “Dumating na ang oras na ang Anak ng tao ay luluwalhatiin. Katotohanang, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Maliban na ang butil ng trigo ay mahulog sa lupa at mamatay, iyon ay nananatiling isa lamang butil; ngunit kung mamatay, iyon ay saka nagbubunga ng marami.”
Ang isang butil ng trigo ay walang gaanong halaga. Subalit, ano kung iyon ay tatabunan ng lupa at “mamatay,” anupa’t natatapos ang buhay niyaon bilang isang binhi? Pagkatapos ay tumutubo iyon at pagdating ng panahon ay nagiging isang buháy na nagsisibol ng maraming, maraming butil ng trigo. Sa katulad na paraan, si Jesus ay iisa-isang sakdal na tao. Subalit kung siya’y mamamatay na tapat sa Diyos, siya’y magiging kasangkapan ng paghahatid ng buhay na walang-hanggan sa mga tapat na mayroon din ng gayong espiritu ng pagsasakripisyo-sa-sarili na taglay niya. Sa gayon, sinabi ni Jesus: “Siyang umiibig sa kaniyang kaluluwa ay magpapahamak nito, ngunit siyang napopoot sa kaniyang kaluluwa sa sanlibutang ito ay mag-iingat niyaon sa buhay na walang-hanggan.”
Maliwanag na hindi lamang ang kaniyang sarili ang iniisip ni Jesus, sapagkat ang susunod na paliwanag niya ay: “Kung ang sinuman ay maglilingkod sa akin, sumunod siya sa akin, at kung saan ako naroroon ay doroon din ang ministro ko. Kung sinuman ay maglilingkod sa akin, siya’y pararangalan ng Ama.” Anong kahanga-hangang ganti sa mga sumusunod kay Jesus at naglilingkod sa kaniya! Iyon ang gantimpala ng pagiging pinarangalan ng Ama upang makasama ni Kristo sa Kaharian.
Nang mapag-isipan ang tungkol sa malaking paghihirap at nakapanlulumong kamatayan na naghihintay sa kaniya, si Jesus ay nagpatuloy: “Ngayon ay nagugulumihanan ang aking kaluluwa, at ano ang aking sasabihin? Ama, iligtas mo ako sa oras na ito.” Kung sana’y ang naghihintay sa kaniya ay maaari lamang iwasan! Subalit, hindi, gaya ng kaniyang sinabi: “Dahil dito ay naparito ako sa oras na ito.” Si Jesus ay kasang-ayon ng buong kaayusan ng Diyos, kasali na ang kaniyang sariling sakripisyong kamatayan. Mateo 21:12, 13, 18, 19; Marcos 11:12-18; Lucas 19:45-48; Juan 12:20-27.
▪ Bakit nga inasahan noon ni Jesus na makasusumpong siya ng mga igos bagaman hindi iyon kapanahunan para sa mga iyan?
▪ Bakit ang mga nagtitinda sa templo ay tinawag ni Jesus na “mga magnanakaw”?
▪ Sa anong paraan si Jesus ay nakakatulad ng isang butil ng trigo na namamatay?
▪ Ano ang nadarama ni Jesus tungkol sa pagdurusa at kamatayan na naghihintay sa kaniya?