Ang Pag-asa sa Pagkabuhay-Muli
Kapitulo 90
Ang Pag-asa sa Pagkabuhay-Muli
SA WAKAS ay dumating din si Jesus sa karatig na pook ng Betania, isang nayon na mga tatlong kilometro ang layo sa Jerusalem. Mga ilang araw lamang na kamamatay at kalilibing ni Lasaro. Ang kaniyang mga kapatid na si Maria at si Marta ay namimighati pa rin, at maraming tao ang naparoon sa kanilang tahanan upang aliwin sila.
Samantalang sila’y namimighati, may nagbalita kay Marta na si Jesus ay papunta roon sa kanila. Kaya’t siya’y umalis at nagmamadali nang pagsalubong sa kaniya, marahil ay hindi na niya sinabi ito sa kaniyang kapatid. Paglapit kay Jesus, inulit ni Marta ang inuulit-ulit nilang magkapatid noong nakalipas na apat na araw: “Kung ikaw sana’y naririto marahil ay hindi namatay ang kapatid ko.”
Gayunman, si Marta ay nagpahayag ng pag-asa, ipinahiwatig niya na baka may magawa pa si Jesus para sa kaniyang kapatid. “Nalalaman ko na anumang hingin mo sa Diyos, iyon ay ipagkakaloob sa iyo ng Diyos,” ang sabi niya.
“Magbabangon ang iyong kapatid,” ang pangako ni Jesus.
Naunawaan ni Marta na ang tinutukoy ni Jesus ay isang hinaharap na makalupang pagkabuhay na muli, na siya ring inaasahan noon ni Abraham at ng iba pang mga lingkod ng Diyos. Kaya’t siya’y tumugon: “Nalalaman ko na siya’y magbabangon uli sa pagkabuhay-muli sa huling araw.”
Gayunman, si Jesus ay nagbigay ng pag-asa para sa dagling kaaliwan, na ang tugon: “Ako ang pagkabuhay-muli at ang buhay.” Kaniyang ipinagunita kay Marta na binigyan siya ng Diyos ng kapangyarihan sa kamatayan, na ang sabi: “Siyang sumasampalataya sa akin, bagaman siya’y mamatay, ay mabubuhay; at sinumang nabubuhay at sumasampalataya sa akin ay hindi na mamamatay kailanman.”
Hindi ipinahihiwatig ni Jesus kay Marta na ang mga tapat na buháy noon ay hindi na kailanman mamamatay. Hindi, kundi ang punto na ipinaliliwanag niya ay na ang pananampalataya sa kaniya ay maaaring humantong sa pagkakamit ng buhay na walang-hanggan. Ang gayong buhay ay tatamasahin ng karamihan ng mga tao bilang resulta sa pagkabuhay-muli nila sa huling araw. Subalit ang iba na tapat ay makatatawid sa katapusan ng sistemang ito ng mga bagay sa lupa, at para sa mga ito ay matutupad ang mga salita ni Jesus sa literal na literal na paraan. Sila’y hindi na mamamatay kailanman! Pagkatapos ng kahanga-hangang pangungusap na ito, sinabi ni Jesus kay Marta, “Sinasampalatayanan mo ba ito?”
“Opo, Panginoon,” ang sagot niya. “Sumasampalataya ako na ikaw ang Kristo na Anak ng Diyos, ang Isang naparirito sa sanlibutan.”
Pagkatapos ay nagmadaling umuwi si Marta upang kaunin ang kaniyang kapatid, at sinabi sa kaniya nang sarilinan: “Ang Guro ay naririto at tinatawag ka.” Agad-agad na umalis ng bahay si Maria. Nang makita ng iba na siya’y paalis, sila’y nagsisunod, sa paniwala nila na siya’y paroroon sa alaalang libingan.
Paglapit niya kay Jesus, si Maria ay nagpatirapa sa kaniyang paanan at tumangis. “Panginoon, kung naririto ka sana, marahil ay hindi mamamatay ang kapatid ko,” ang sabi niya. Totoong nabagbag ang damdamin ni Jesus nang kaniyang makita na si Maria at ang karamihan ng mga tao ay sumusunod sa kaniya na tumatangis. “Saan ninyo siya inilagay?” ang tanong niya.
“Panginoon, halika at tingnan mo,” ang sagot nila.
Si Jesus man ay tumangis na rin, kung kaya’t sinabi ng mga Judio: “Tingnan ninyo, anong laki ng kaniyang pagmamahal sa kaniya!”
Nagugunita ng iba na si Jesus, noong ginanap ang Kapistahan ng mga Tabernakulo mga ilang buwan pa bago noon, ay nagpagaling ng isang binatang isinilang na bulag, at sila’y nagtanong: “Hindi baga magagawa ng taong ito na nagpadilat ng mga mata ng bulag na ang taong ito naman ay huwag mamatay?” Juan 5:21; 6:40; 9:1-7; 11:17-37.
▪ Sa wakas kailan dumating si Jesus sa malapit sa Betania, at ano ang kalagayan doon?
▪ Anong batayan mayroon si Marta para sa pananampalataya sa isang pagkabuhay-muli?
▪ Papaanong naapektuhan si Jesus ng kamatayan ni Lasaro?