Hindi Nila Nasilo si Jesus
Kapitulo 108
Hindi Nila Nasilo si Jesus
SI Jesus noon ay nagtuturo sa templo at kasasabi-sabi lamang niya sa kaniyang relihiyosong mga kaaway ang tatlong ilustrasyon o paghahalimbawa na nagbibilad ng kanilang kabalakyutan, nagalit ang mga Fariseo at nangagsanggunian upang masilo siya na magsalita ng isang bagay na magiging dahilan upang siya’y kanilang maaresto. Sila’y bumuo ng isang sabuwatan at sinugo ang kanilang mga alagad, kasama na ang mga kapartidong tagasunod ni Herodes, upang sikapin na siya’y madupilas.
“Guro,” ang sabi ng mga lalaking ito, “nalalaman namin na ikaw ay totoo at itinuturo mong may katotohanan ang daan ng Diyos, at hindi ka nangingimi kanino man, sapagkat hindi ang panlabas na anyo ng mga tao ang iyong tinitingnan. Sabihin mo nga sa amin, Ano sa akala mo? Matuwid bagang bumuwis kay Caesar o hindi?”
Si Jesus ay hindi nalilinlang ng paimbabaw na papuri. Natanto niya na kung kaniyang sasabihing, ‘Hindi, hindi matuwid o tama na magbayad ng buwis na ito,’ siya’y magkakasala ng paghihimagsik laban sa Roma. Subalit kung kaniyang sasabihing, ‘Oo, magbayad kayo ng buwis na ito,’ ang mga Judio na namumuhi sa kanilang pagpapasakop sa Roma, ay mapopoot sa kaniya. Kaya’t siya’y sumagot: “Bakit ninyo ako sinusubok, mga mapagpaimbabaw? Ipakita ninyo sa akin ang salaping pambuwis.”
Nang kanilang dalhin sa kaniya ang isa, siya’y nagtanong: “Kanino ang larawang ito at ang nasusulat na ito?”
“Kay Caesar,” ang tugon nila.
“Kaya’t ibigay ninyo kay Caesar ang mga bagay na kay Caesar, ngunit sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos.” Bueno, nang marinig ng mga taong ito ang napakahusay na kasagutan ni Jesus, sila’y nanggilalas. At sila’y humayo at iniwan na siyang mag-isa.
Sa pagkakita sa pagkabigo ng mga Fariseo na masalakab si Jesus, ang mga Saduceo, na nagsasabing walang pagkabuhay-muli, ay lumapit sa kaniya at nagtanong: “Guro, sinabi ni Moises, ‘Kung mamamatay na walang mga anak ang isang lalaki, ang kaniyang kapatid na lalaki ay mag-aasawa sa kaniyang asawang babae at magkakaanak sa kaniyang kapatid na lalaki.’ Ngayon nagkaroon sa amin ng pitong magkakapatid na lalaki; at nag-asawa ang panganay at namatay, at, sapagkat hindi siya nagkaanak, ang kaniyang asawa ay iniwan niya sa kaniyang kapatid na lalaki. Ganiyan din ang nangyari sa pangalawa at sa pangatlo, hanggang sa ikapito. Sa kahuli-hulihan ay namatay ang babae. Kung gayon, sa pagkabuhay-muli, sino kaya doon sa pito ang magiging asawa ng babaing ito? Sapagkat siya’y naging asawa nilang lahat.”
Bilang tugon ay sinabi ni Jesus: “Hindi baga ito ang dahilan kung bakit kayo nagkakamali, ang hindi ninyo pagkaalam sa Kasulatan o sa kapangyarihan man ng Diyos? Sapagkat sa kanilang pagkabuhay na muli, ay hindi na mag-aasawa ang mga lalaki o ibibigay man sa pag-aasawa ang mga babae, kundi katulad ng mga anghel sa langit. Ngunit tungkol sa mga patay, na bubuhayin, hindi baga ninyo nabasa sa aklat ni Moises, sa ulat tungkol sa nagliliyab na punò, kung papaanong sinabi sa kaniya ng Diyos, ‘Ako ang Diyos ni Abraham at ang Diyos ni Isaac at ang Diyos ni Jacob’? Siya ay isang Diyos, hindi ng mga patay, kundi ng mga buháy. Maling-mali kayo.”
Muli na namang nanggilalas ang karamihan sa isinagot na iyon ni Jesus. Maging ang ilan sa mga eskriba man ay umamin: “Guro, mahusay ang pagkasabi mo.”
Nang makita ng mga Fariseo na napatahimik ni Jesus ang mga Saduceo, sila’y nagsama-sama sa isang pangkat upang lumapit sa kaniya. Upang subukin pa siya, ang isang eskriba sa gitna nila ay nagtanong: “Guro, alin baga ang pinakadakilang utos sa Kautusan?”
Tumugon si Jesus: “Ang una ay, ‘Pakinggan mo, Oh Israel, si Jehova na ating Diyos ay iisang Jehova, at iibigin mo si Jehova mong Diyos nang buong puso mo at nang buong kaluluwa mo at nang buong isip mo at nang buong lakas mo.’ Ang pangalawa ay ito, ‘Ang iyong kapuwa ay iibigin mo na gaya ng iyong sarili.’ Wala nang ibang utos na hihigit pa sa mga ito.” Sa katunayan ay isinusog ni Jesus: “Sa dalawang utos na ito nakasalalay ang buong Kautusan, at ang mga Propeta.”
“Guro, mabuti ang pagkasabi mo at kasuwato ng katotohanan,” sang-ayon ng eskriba. “ ‘Siya’y Iisa, at wala nang iba liban sa Kaniya’; at ang siya’y ibigin nang buong puso at nang buong pagkaunawa at nang buong lakas at ang ibigin ang kapuwa niya na gaya ng sa kaniyang sarili ay higit pa kaysa lahat ng mga handog na susunugin at mga hain.”
Palibhasa’y natanto na may katalinuhang sumagot ang eskriba, sa kaniya’y sinabi ni Jesus: “Hindi ka malayo sa kaharian ng Diyos.”
May tatlong araw na ngayon—Linggo, Lunes, at Martes—na si Jesus ay nagtuturo sa templo. Ang mga tao ay nakikinig sa kaniya nang may kagalakan, gayon ma’y nais ng mga pinunong relihiyoso na siya’y patayin, ngunit sa papaano man ang kanilang pagtatangka ay nabigo. Mateo 22:15-40; Marcos 12:13-34; Lucas 20:20-40.
▪ Anong pakana ang binuo ng mga Fariseo upang siluin si Jesus, at ano ang magiging resulta kung siya’y sumagot ng oo o ng hindi?
▪ Papaano binigo ni Jesus ang pagtatangka ng mga Saduceo na siluin siya?
▪ Ano pang pagtatangka ang ginawa ng mga Fariseo upang subukin si Jesus, at ano ang naging bunga?
▪ Sa huling bahagi ng kaniyang ministeryo sa Jerusalem, ilang araw nagturo si Jesus sa templo, at ano ang epekto?