Matinding Paghihirap sa Halamanan
Kapitulo 117
Matinding Paghihirap sa Halamanan
NANG matapos si Jesus ng pananalangin, siya at ang kaniyang 11 tapat na apostol ay nagsiawit ng mga awit ng papuri kay Jehova. Pagkatapos ay nanaog sila buhat sa silid sa itaas, tungo sa malamig na kadiliman ng gabi, at bumalik upang tumawid sa Libis ng Kidron patungo sa Betania. Ngunit sa kanilang paglalakad, sila’y huminto sa isang paboritong lugar, ang halamanan ng Gethsemane. Ito’y naroroon o nasa karatig ng Bundok Olivo. Malimit na doon nakikipagtagpo si Jesus sa kaniyang mga apostol sa gitna ng mga punong olibo.
Pagkatapos iwanan ang walo sa mga apostol—marahil malapit sa pasukan ng halamanan—kaniyang ibinilin sa kanila: “Magsiupo kayo rito habang ako’y pumaparoon doon at manalangin.” At kaniyang ipinagsama ang tatlo pa—sina Pedro, Santiago, at Juan—at sila’y nagpatuloy na lumakad sa halamanan. Si Jesus ay namanglaw at nanlumong totoo. “Namamanglaw na lubha ang kaluluwa ko, hanggang sa kamatayan,” ang sabi niya sa kanila. “Dumito muna kayo at makipagpuyat sa akin.”
Si Jesus ay lumakad sa dako pa roon, pagkatapos nagpatirapa at samantalang nakasubsob sa lupa ay nagsimula ng puspusang pananalangin: “Ama ko, kung baga maaari, nawa’y lumampas sa akin ang sarong ito. Gayunman, huwag ang ayon sa ibig ko, kundi ayon sa ibig mo.” Ano ba ang ibig niyang sabihin? Bakit siya “lubhang namamanglaw, hanggang sa kamatayan”? Siya ba’y tumatalikod sa kaniyang pasiya na mamatay at maglaan ng pantubos?
Hindi naman! Si Jesus ay hindi sumasamo na siya’y iligtas sa kamatayan. Kahit na ang isiping makaiwas sa isang sakripisyong kamatayan, na minsa’y iminungkahi ni Pedro, ay nakamumuhi sa kaniya. Bagkus, siya’y nasa matinding paghihirap dahil sa nangangamba siya na ang paraan ng pagkamatay na malapit na niyang danasin—bilang isang nakasusuklam na kriminal—ay magdadala ng kasiraan sa pangalan ng kaniyang Ama. Kaniya ngayong nadarama na mga ilang oras na lamang at ibabayubay na siya sa isang tulos bilang ang pinakamasamang uri ng tao—isang mamumusong sa Diyos! Ito ang lubhang nakababagabag sa kaniya.
Pagkatapos na manalangin nang may kahabaan, si Jesus ay bumalik at nadatnan niyang nangatutulog ang tatlong apostol. Kinausap niya si Pedro, at sinabi niya: “Ano, hindi ba kayo maaaring makipagpuyat sa akin ng isang oras? Kayo’y magsipagpuyat at patuluyang magsipanalangin, upang huwag kayong magsipasok sa tukso.” Datapuwat, dahil sa kanilang pagkahapo at sa pagkaatrasado na ng oras, kaniyang sinabi: “Kung sa bagay, ang espiritu ay may ibig, datapuwat mahina ang laman.”
Nang magkagayo’y muling umalis si Jesus nang makalawang beses at ipinakiusap na alisin sa kaniya ng Diyos ang “sarong ito,” samakatuwid nga, ang iniatas ni Jehova na bahagi, o kalooban, para sa kaniya. Nang siya’y bumalik, muli na naman niyang nadatnang ang tatlo’y natutulog gayong dapat sanang sila’y nananalangin upang huwag silang pumasok sa tukso. Nang magsalita sa kanila si Jesus, hindi nila alam kung ano ang kanilang sasabihin bilang tugon.
Sa wakas, sa ikatlong pagkakataon, si Jesus ay lumayo nang bahagya, at nanikluhod, taglay ang pagsusumamo at mga luha, siya’y nanalangin: “Ama, kung ibig mo, alisin mo sa akin ang sarong ito.” Nadama ni Jesus ang matinding kirot dahilan sa upasala na idudulot sa pangalan ng kaniyang Ama ng kaniyang kamatayan bilang isang kriminal. Aba, ang paratang na mamumusong—isa na umuupasala sa Diyos—ay halos labis-labis na upang batahin!
Gayumpaman, si Jesus ay patuloy na nanalangin: “Hindi ayon sa ibig ko, kundi ayon sa ibig mo.” May pagkamasunuring ipinasakop ni Jesus sa Diyos ang kaniyang kalooban. Sa puntong ito, isang anghel sa langit ang dumating at pinalakas siya sa pamamagitan ng ilang mga salitang pampatibay. Malamang, sinabi ng anghel kay Jesus na siya’y may ngiti ng pagsang-ayon ng kaniyang Ama.
Datapuwat, anong bigat na pasanin sa mga balikat ni Jesus! Ang kaniyang sariling buhay na walang-hanggan at yaong sa buong lahi ng sangkatauhan ay nasa alanganin. Napakabigat ang dulot na kaigtingan ng damdamin. Kaya’t si Jesus ay nagpatuloy ng lalo pang puspusang pananalangin, at ang kaniyang pawis ay naging mistulang mga tulo ng dugo sa paglaglag sa lupa. “Bagaman ito ay isang napakapambihirang pangyayari,” ayon sa puna ng The Journal of the American Medical Association, “ang pagpapawis ng dugo . . . ay maaaring maganap sa mga kalagayang lubhang matindi ang damdamin.”
Pagkatapos, si Jesus ay bumalik ng pangatlong beses sa kaniyang mga apostol, at minsan pa’y nadatnan niyang sila’y natutulog. Sila’y hapung-hapo dahil sa matinding pagdadalamhati. “Sa maselang na panahong katulad nito ay nagsisitulog kayo at nagpapahingalay!” ang kaniyang bulalas. “Tama na! Sumapit na ang oras! Narito! Ang Anak ng tao ay ipinagkakanulo sa kamay ng mga makasalanan. Magsitindig kayo, tayo’y humayo na. Narito! Malapit na rito ang magkakanulo sa akin.”
Samantalang siya’y nagsasalita pa, sádarating si Judas Iscariote, may kasamang isang malaking pulutong ng mga taong may dalang mga sulô at ilawan at mga armas. Mateo 26:30, 36-47; 16:21-23; Marcos 14:26, 32-43; Lucas 22:39-47; Juan 18:1-3; Hebreo 5:7.
▪ Pagkatapos umalis sa silid sa itaas, saan pumunta si Jesus kasama ang mga apostol, at ano ang kaniyang ginawa roon?
▪ Habang nananalangin si Jesus, ano naman ang ginagawa ng mga apostol?
▪ Bakit si Jesus ay nasa matinding paghihirap, at ano ang kaniyang hiniling sa Diyos?
▪ Ano ba ang pinatutunayan ng pagpapawis ni Jesus ng mistulang mga tulo ng dugo?