Mga Mensahe Mula sa Langit
Kapitulo 1
Mga Mensahe Mula sa Langit
ANG buong Bibliya ay, sa katunayan, isang mensahe mula sa langit, na inilaan ng ating makalangit na Ama para sa ating ikatututo. Gayunman, dalawang espesyal na mensahe ang ibinigay halos 2,000 taon na ang nakalilipas sa pamamagitan ng isang anghel na “nakatayong malapit sa harapan ng Diyos.” Ang kaniyang pangalan ay Gabriel. Ating suriin ang mga pangyayari sa dalawang mahalagang pagdalaw na ito sa lupa.
Ang taon ay 3 B.C.E. Sa bulubundukin ng Judea, marahil hindi gaanong kalayuan mula sa Jerusalem, naninirahan ang isang saserdote ni Jehova na nagngangalang Zacarias. Siya’y matanda na, at gayundin ang kaniyang asawa, si Elizabeth. At sila’y walang anak. Ginaganap noon ni Zacarias ang kaniyang paglilingkod bilang saserdote sa templo ng Diyos sa Jerusalem. Walang-anu-ano, lumitaw si Gabriel sa gawing kanan ng dambana ng kamangyan.
Takot na takot si Zacarias. Subalit pinahinuhod ni Gabriel ang kaniyang takot, na ang sabi, “Huwag kang matakot, Zacarias, sapagkat dininig ang daing mo, at ang asawa mong si Elizabeth ay manganganak sa iyo ng isang anak na lalaki, at tatawagin mong Juan ang kaniyang pangalan.” Nagpatuloy si Gabriel ng pagsasabing si Juan “ay magiging dakila sa paningin ni Jehova” at na siya’y “maglalaan para kay Jehova ng isang bayang nahahanda.”
Gayunman, hindi makapaniwala si Zacarias. Parang napakaimposible na siya at si Elizabeth ay magkakaanak pa sa kanilang edad. Kaya sinabi sa kaniya ni Gabriel: “Mapipipi ka at hindi ka makapangungusap hanggang sa araw na mangyari ang mga bagay na ito, sapagkat hindi ka sumampalataya sa aking mga salita.”
Samantala, ang mga tao na nasa labas ay nagtataka kung bakit nagtatagal si Zacarias sa templo. Nang sa wakas ay lumabas siya, hindi siya makapagsalita kundi gumagawa lamang ng mga senyas sa pamamagitan ng kaniyang mga kamay, at hinulò nila na siya’y nakakita ng isang bagay na kahima-himala.
Pagkatapos ng paglilingkod ni Zacarias sa templo, umuwi na siya. At di-nagtagal pagkaraan ay nangyari nga iyon—Nagdalantao si Elizabeth! Samantalang hinihintay niya na mailuwal ang kaniyang anak, nanatili si Elizabeth sa kanilang tahanan malayo sa mga tao sa loob ng limang buwan.
Pagkaraan, nagpakita muli si Gabriel. At kanino kaya siya nakipag-usap? Ito’y sa isang dalaga na nagngangalang Maria mula sa lunsod ng Nasaret. Anong mensahe ang kaniyang ibinigay sa pagkakataong ito? Makinig! “Nakasumpong ka ng biyaya sa Diyos,” ang sabi ni Gabriel kay Maria. “Narito! maglilihi ka sa iyong bahaybata at manganganak ka ng isang lalaki, at ang pangalang itatawag mo sa kaniya ay Jesus.” Isinusog pa si Gabriel: “Ang isang ito ay magiging dakila at tatawaging Anak ng Kataas-taasan; . . . at siya’y maghahari sa sambahayan ni Jacob magpakailanman, at hindi magwawakas ang kaniyang kaharian.”
Makatitiyak tayo na nadama ni Gabriel na isang pribilehiyo na sabihin ang mga mensaheng ito. At sa pagpapatuloy ng ating pagbabasa tungkol kay Juan at kay Jesus, lalo nating maliliwanagan kung bakit ang mga mensaheng ito mula sa langit ay totoong mahalaga. 2 Timoteo 3:16; Lucas 1:5-33.
▪ Anong dalawang mensahe ang ibinigay mula sa langit?
▪ Sino ang nagbigay ng mensahe, at kanino ibinigay ang mga iyon?
▪ Bakit ang mga mensahe ay napakahirap paniwalaan?