Nagsugo si Jesus ng 70
Kapitulo 72
Nagsugo si Jesus ng 70
NOON ay taglagas ng 32 C.E., isang buong tatlong taon sapol nang bautismuhan si Jesus. Siya at ang kaniyang mga alagad ay kamakailan dumalo sa Kapistahan ng Tabernakulo sa Jerusalem, at malinaw na sila ay naroon pa sa malapit. Sa katunayan, ginugol ni Jesus ang karamihan ng natitirang anim na buwan ng kaniyang ministeryo alinman sa Judea o sa kabilang ibayo ng Ilog Jordan sa distrito ng Perea. Ang teritoryong ito ay kailangang magawa rin naman.
Totoo, pagkatapos ng Paskua ng 30 C.E., gumugol si Jesus ng humigit-kumulang walong buwan sa pangangaral sa Judea. Subalit matapos tangkain ng mga Judio na paslangin siya doon noong Paskua ng 31 C.E., ang sumunod na taon at kalahati ay kaniyang ginugol sa pagtuturo halos sa Galilea lamang. Sa loob ng panahong iyan, siya’y nakabuo ng isang malaki, sinanay-na-mainam na organisasyon ng mga tagapangaral, na wala siya nito noong una. Kaya ngayon ay naglulunsad siya ng isang pangkatapusang matindihang kampanya ng pagpapatotoo sa Judea.
Pinasimulan ni Jesus ang kampanyang ito sa pamamagitan ng pagpili ng 70 alagad at pagsusugo sa kanila nang dala-dalawa. Samakatuwid, lahat-lahat mayroong 35 magkakatambal na mga mangangaral ng Kaharian na gagawa sa teritoryo. Ang mga ito ay pumaparoong patiuna sa bawat lunsod at lugar na isinaplano ni Jesus na puntahan, kasama ang kaniyang mga apostol.
Imbis na itagubilin sa 70 na sila’y pumunta sa mga sinagoga, sinabi sa kanila ni Jesus na pumasok sa pribadong mga tahanan, na ang sabi: “Saanman kayo pumasok sa isang bahay ay sabihin ninyo muna, ‘Dumito sana sa bahay na ito ang kapayapaan.’ At kung isang kaibigan ng kapayapaan ang naroroon, sasa-kaniya ang inyong kapayapaan.” Ano baga ang magiging mensahe nila? “Magpatuloy kayo na sabihin sa kanila,” ang sabi ni Jesus, “ang kaharian ng Diyos ay malapit na sa inyo.” Tungkol sa gawain ng 70, ganito ang ulat ng Matthew Henry’s Commentary: “Katulad ng kanilang Panginoon, saanman sila dumalaw, sila’y nangaral sa bahay-bahay.”
Ang mga tagubilin ni Jesus sa 70 ay nahahawig sa mga ibinigay sa 12 nang kaniyang suguin ang mga ito sa isang kampanya ng pangangaral sa Galilea mga isang taon ang nakalipas. Hindi lamang kaniyang pinaalalahanan ang 70 ng pag-uusig na mapapaharap sa kanila, na inihahanda sila sa paghaharap ng mensahe sa mga maybahay, kundi kaniyang binigyan din sila ng kapangyarihan na magpagaling ng maysakit. Sa gayon, nang dumating si Jesus hindi pa nagtatagal pagkatapos, marami ang nasasabik na makilala ang Panginoon na ang mga alagad ay nakagawa ng gayong mga kababalaghan.
Ang pangangaral ng 70 at ang ginawa ni Jesus na kasunod niyaon ay tumagal ng sandaling panahon lamang. Di-nagtagal at ang 35 na magkakatambal na mangangaral ng Kaharian ay nagsimulang magbalik kay Jesus. “Panginoon,” ang kanilang masayang nasabi, “maging ang mga demonyo man ay napaiilalim sa amin dahil sa paggamit namin ng iyong pangalan.” Ang gayong mainam na ulat sa paglilingkod ay tiyak na nakagalak kay Jesus, sapagkat siya’y tumugon: “Nakikita ko si Satanas na nahulog nang gaya ng kidlat mula sa langit. Narito! binigyan ko kayo ng kapamahalaan na yurakan ang mga ahas at mga alakdan.”
Batid ni Jesus na pagkatapos maisilang ang Kaharian ng Diyos sa panahon ng kawakasan, si Satanas at ang kaniyang mga demonyo ay palalayasin sa langit. Subalit ngayon ang ganitong pagpapalayas sa di-nakikitang mga demonyo ng hamak na mga tao lamang ay nagsisilbing isang tiyak na kasiguruhan ng darating na pangyayaring iyon. Sa gayon, tinutukoy ni Jesus ang panghinaharap pang pagkahulog ni Satanas buhat sa langit bilang isang katiyakan. Samakatuwid, ayon sa isang diwang simboliko binibigyan ng kapamahalaan ang 70 upang yumurak sa mga ahas at mga alakdan. Gayunman, sinabi ni Jesus: “Huwag ninyong ikagalak ito, na ang mga espiritu ay nagsisisuko sa inyo, kundi inyong ikagalak na ang inyong mga pangalan ay nakasulat sa langit.”
Labis na kagalakan ang nadama ni Jesus at sa harap ng madla’y pinuri niya ang kaniyang Ama dahil sa paggamit sa mapakumbabang mga lingkod niyang ito sa gayong makapangyarihang paraan. Siya’y bumaling sa kaniyang mga alagad, at sinabi niya: “Maliligaya ang mga mata na nakakakita ng mga bagay na inyong nakikita. Sapagkat sinasabi ko sa inyo, Maraming propeta at mga hari ang naghangad na makita ang mga bagay na inyong nakikita ngunit hindi nila nakita, at marinig ang mga bagay na inyong naririnig ngunit hindi nila narinig.” Lucas 10:1-24; Mateo 10:1-42; Apocalipsis 12:7-12.
▪ Saan nangaral si Jesus noong unang tatlong taon ng kaniyang ministeryo, at anong teritoryo ang kaniyang ginawa sa kaniyang huling anim na buwan ng pangangaral?
▪ Saan tinagubilinan ni Jesus ang 70 na pumaroon upang makasumpong ng mga tao?
▪ Bakit sinabi ni Jesus na kaniyang nakikitang si Satanas ay nahulog na mula sa langit?
▪ Sa anong diwa nayurakan ng 70 ang mga ahas at mga alakdan?