Nasa Kanan ng Diyos
Kapitulo 132
Nasa Kanan ng Diyos
ANG pagbubuhos ng banal na espiritu noong Pentecostes ay patotoo na si Jesus ay nakabalik na sa langit. Ang pangitain na ipinagkaloob sa alagad na si Esteban di-nagtagal pagkatapos ay nagpapatotoo rin na Siya’y nakarating na roon. Samantalang binabato si Esteban dahil sa kaniyang tapat na pagpapatotoo, siya’y bumulalas: “Narito! nakita kong nabuksan ang langit at ang Anak ng tao ay nakatayo sa kanan ng Diyos.”
Samantalang nasa kanan ng Diyos, si Jesus ay naghihintay ng utos buhat sa kaniyang Ama: “Humayo ka ng panunupil sa gitna ng iyong mga kaaway.” Ngunit samantala, hanggang sa siya’y kumilos laban sa kaniyang mga kaaway, ano ba ang ginagawa ni Jesus? Siya’y nagpupunò, o naghahari, sa kaniyang pinahirang mga alagad, inaakay sila sa kanilang pangangaral at inihahanda sila upang, sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli, maging kasama niyang mga hari sa Kaharian ng kaniyang Ama.
Halimbawa, pinili ni Jesus si Saulo (noong malaunan ay higit na nakilala sa kaniyang pangalang Romano, na Pablo) upang manguna sa gawaing paggawa ng mga alagad sa mga ibang bansa. Si Saulo ay masigasig sa Kautusan ng Diyos, subalit siya’y iniligaw ng mga pinunong relihiyosong Judio. Bilang resulta, si Saulo ay hindi lamang sumang-ayon sa pagpatay kay Esteban kundi siya’y naparoon sa Damasco taglay ang kapahintulutan buhat sa mataas na saserdoteng si Caifas upang ibalik sa Jerusalem ang naarestong mga lalaki at mga babae na kaniyang natagpuan doon na mga tagasunod ni Jesus. Gayunman, samantalang si Saulo ay papunta roon, isang maningning na liwanag ang biglang sumilang sa palibot niya at siya’y nasubasob sa lupa.
“Saulo, Saulo, bakit mo ako pinag-uusig?” ang tanong ng isang tinig buhat sa isang di-nakikitang pinagmulan niyaon. “Sino ka ba, Panginoon?” ang tanong ni Saulo.
“Ako si Jesus, na iyong pinag-uusig,” ang tugon.
Si Saulo, na binulag ng kahima-himalang liwanag, ay sinabihan ni Jesus na pumasok sa Damasco at maghintay roon ng mga tagubilin. Pagkatapos si Jesus ay nagpakita sa isang pangitain kay Ananias, isa sa kaniyang mga alagad. Tungkol kay Saulo, sinabi ni Jesus kay Ananias: “Ang taong ito ay isang sisidlang pinili ko upang magdala ng aking pangalan sa mga bansa at pati sa mga hari at mga anak ni Israel.”
Totoo naman, sa pagtangkilik ni Jesus, si Saulo (kilalang-kilala ngayon bilang si Pablo) at ang ibang ebanghelisador ay nagtamo ng malaking tagumpay sa kanilang gawaing pangangaral at pagtuturo. Sa katunayan, mga 25 taon pagkatapos na magpakita sa kaniya si Jesus sa daang patungo sa Damasco, si Pablo’y sumulat na ang “mabuting balita” ay “naipangaral na sa lahat ng nilalang sa silong ng langit.”
Pagkatapos lumipas ang marami pang mga taon, si Jesus ay nagbigay ng sunud-sunod na pangitain sa kaniyang minamahal na apostol, si Juan. Sa pamamagitan ng mga pangitaing ito na isinaysay ni Juan sa aklat ng Apocalipsis sa Bibliya, siya, sa katunayan, ay nabuhay pa upang masaksihan ang pagbabalik ni Jesus taglay ang kapangyarihan sa Kaharian. Sinasabi ni Juan na siya’y “kinasihan” upang mapalipat nang patiuna sa panahon ng “araw ng Panginoon.” Ano ba itong “araw’ na ito?
Ang maingat na pag-aaral ng mga hula sa Bibliya, kasali na ang sariling hula ni Jesus tungkol sa mga huling araw, ay nagsisiwalat na “ang araw ng Panginoon” ay nagsimula sa makasaysayang taon ng 1914, oo, sa loob ng lahing ito! Kaya noong 1914 bumalik si Jesus nang di-nakikita, walang kasabay na pagmamakaingay sa madla at tanging ang kaniyang tapat na mga lingkod lamang ang may kamalayan sa kaniyang pagbabalik. Nang taóng iyon ay iniutos ni Jehova kay Jesus na humayo upang manupil sa gitna ng kaniyang mga kaaway!
Sa pagsunod sa utos ng kaniyang Ama, sa langit ay pinalayas niya si Satanas at ang kaniyang mga demonyo, inihagis sila rito sa lupa. Pagkatapos makita ang kaganapan nito sa pangitain, si Juan ay nakarinig ng isang tinig mula sa langit na naghahayag: “Ngayon ay dumating ang kaligtasan at ang kapangyarihan at ang kaharian ng ating Diyos at ang kapamahalaan ng kaniyang Kristo!” Oo, noong 1914 si Kristo ay nagsimulang magpunò bilang Hari!
Kaybuting balita ito para sa mga sumasamba kay Jehova sa kalangitan! Sa kanila’y nananawagan: “Mangagalak kayo, kayong mga langit at kayong tumatahan diyan!” Subalit ano ba ang kalagayan para sa mga narito sa lupa? “Sa aba ng lupa at ng dagat,” ang patuloy pa ng tinig buhat sa langit, “sapagkat ang Diyablo ay bumaba sa inyo, na may malaking galit, sa pagkaalam na siya’y may maikli na lamang yugto ng panahon.”
Tayo’y nasa maikling yugtong iyan ng panahon sa sandaling ito. Ang mga tao ay kasalukuyang pinagbubukud-bukod upang makapasok sa bagong sanlibutan ng Diyos o dili kaya’y dumanas ng pagkapuksa. Ang totoo ay, ang iyong sariling katutunguhan ay pinagpapasiyahan ngayon batay sa kung papaano ka tumutugon sa mabuting balita ng Kaharian ng Diyos na ipinangangaral sa buong lupa sa ilalim ng pamamatnubay ni Kristo.
Pagka natapos na ang pagbubukud-bukod sa mga tao, si Jesu-Kristo ay magsisilbing Kinatawan ng Diyos upang alisin sa lupa ang buong sistema ni Satanas ng mga bagay-bagay at alisin yaong mga tumatangkilik dito. Isasagawa ni Jesus ang pag-alis sa lahat ng kabalakyutan sa pamamagitan ng digmaan na tinatawag sa Bibliya na Har–Magedon, o Armagedon. Pagkatapos, si Jesus, ang pinakadakilang Persona sa sansinukob na pangalawa sa Diyos na Jehova mismo, ang magliligpit kay Satanas at sa kaniyang mga demonyo at igagapos sila nang may isang libong taon sa “kalaliman,” samakatuwid nga, isang mistulang-patay na kalagayan. Gawa 7:55-60; 8:1-3; 9:1-19; 16:6-10; Awit 110:1, 2; Hebreo 10:12, 13; 1 Pedro 3:22; Lucas 22:28-30; Colosas 1:13, 23; Apocalipsis 1:1, 10; 12:7-12; 16:14-16; 20:1-3; Mateo 24:14; 25:31-33.
▪ Pagkatapos umakyat si Jesus sa langit, saan siya naroroon, at ano ang kaniyang hinihintay?
▪ Sino ang mga pinaghaharian ni Jesus pagkatapos na siya’y umakyat sa langit, at papaano nahahayag ang kaniyang paghahari?
▪ Kailan nagsimula “ang araw ng Panginoon,” at ano ang naganap sa pasimula nito?
▪ Anong gawaing pagbubukud-bukod na nagaganap ngayon ang may personal na epekto sa bawat isa sa atin, at salig sa ano ang ginagawang pagbubukud-bukod?
▪ Pagka natapos na ang gawaing pagbubukud-bukod, anong mga pangyayari ang susunod?