Pagkakanulo at Pagdakip
Kapitulo 118
Pagkakanulo at Pagdakip
MALALIM na ang hatinggabi samantalang pinangungunahan ni Judas ang isang malaking pulutong ng mga kawal, mga pangulong saserdote, mga Fariseo, at iba pa tungo sa halamanan ng Gethsemane. Ang mga saserdote ay pumayag na bayaran si Judas ng 30 piraso ng pilak kapalit ng pagkakanulo kay Jesus.
Mas maaga rito, nang paalisin si Judas sa hapunan ng Paskuwa, maliwanag na siya’y nagpunta nang tuwiran sa mga pangulong saserdote. Ang mga ito naman ay kaagad tumipon ng kanilang sariling mga opisyal, at ng isang pulutong ng mga kawal. Marahil sila’y unang dinala ni Judas sa kinaroroonan ni Jesus at ng kaniyang mga apostol sa kanilang selebrasyon ng Paskuwa. Nang matuklasan na sila’y nakaalis na pala, ang malaking pulutong na may taglay na mga armas at dalang ilawan at sulô ay sumunod kay Judas sa paglabas sa Jerusalem at pagtawid sa Libis ng Kidron.
Samantalang nangunguna si Judas sa paradang iyon na paakyat sa Bundok ng Olibo, natitiyak na niya kung saan matatagpuan si Jesus. Noong nakalipas na sanlinggo, samantalang si Jesus at ang mga apostol ay naglalakbay na paroo’t parito sa pagitan ng Betania at Jerusalem, sila’y malimit na humihinto sa halamanan ng Gethsemane upang magpahinga at mag-usapan. Ngunit, ngayon, na marahil si Jesus ay nakakubli sa dilim sa may bandang ibaba ng mga punong olibo, papaano siya makikilala ng mga kawal? Siya’y noon lamang nila makikita. Kaya si Judas ay nagbigay ng isang senyas, na nagsasabi: “Ang aking hagkan, siya nga iyon; hulihin ninyo at maingat na dalhin siya.”
Si Judas ay nangunguna sa lubhang karamihan sa pagpasok sa halamanan, nakita niya si Jesus kasama ang kaniyang mga apostol, at tuluy-tuloy na lumapit sa kaniya. “Magandang araw, Rabbi!” aniya at hinagkan siya nang buong giliw.
“Lalaki, bakit ka naparito?” ang tanong ni Jesus. Pagkatapos, bilang sagot sa kaniyang sariling katanungan, sinabi niya: “Judas, sa isang halik baga ay ipinagkakanulo mo ang Anak ng tao?” Ngunit sukat na para sa magkakanulo sa kaniya! Si Jesus ay humakbang sa liwanag ng nagniningas na mga sulô at ilawan at nagtanong: “Sino baga ang inyong hinahanap?”
“Si Jesus na taga-Nasaret,” ang sagot.
“Ako nga,” ang tugon ni Jesus, samantalang siya’y buong-tapang na nakatayo sa harapan nilang lahat. Palibhasa’y nagulantang sila dahil sa kaniyang katapangan at hindi nila inaasahang magkakagayon, ang mga lalaki ay napaurong at nasubasob sa lupa.
“Sinasabi ko sa inyo na ako nga iyon,” ang mahinahong sagot ni Jesus. “Kung ako nga ang inyong hinahanap, pabayaan ninyo ang mga ito.” Bago pa noon nang sila’y nasa silid sa itaas, sinabi ni Jesus sa kaniyang panalangin sa kaniyang Ama na iningatan niya ang kaniyang tapat na mga apostol at wala isa man sa kanila ang napahamak “maliban sa anak ng kapahamakan.” Kaya, upang matupad ang kaniyang salita, kaniyang hiniling na pabayaang magsiyaon sa kanilang lakad ang kaniyang mga tagasunod.
Samantalang ang mga kawal ay nanunumbalik sa dating kahinahunan, tumindig, at nagsimulang igapos si Jesus, natalos ng mga apostol kung ano ang mangyayari sa mga sandaling iyon. “Panginoon, magsisipanaga ba kami ng tabak?” ang tanong nila. Bago nakasagot si Jesus, si Pedro, na tangan ang isa sa dalawang tabak na dala ng mga apostol, ay umatake kay Malco, isang alipin ng pangulong saserdote. Ang pananagang ginawa ni Pedro ay sumala sa ulo ng alipin ngunit natagpas ang kaniyang kanang tainga.
“Sukat na,” ang sabi ni Jesus nang siya’y mamagitan na. Nang kaniyang hipuin ang tainga ni Malco, gumaling ang sugat. Pagkatapos ay itinuro niya ang isang mahalagang aral, na nag-uutos kay Pedro: “Isauli mo ang iyong tabak sa kaniyang lalagyan, sapagkat ang lahat ng nagtatangan ng tabak ay sa tabak mamamatay. O inaakala mo baga na hindi ako makapamamanhik sa aking Ama upang padalhan niya ako ngayon din ng mahigit na labindalawang pulutong ng mga anghel?”
Si Jesus ay handang paaresto, sapagkat siya’y nagpaliwanag: “Papaano bagang matutupad ang Kasulatan ayon sa kailangang mangyari sa ganitong paraan?” At kaniyang isinusog: “Ang saro na ibinigay sa akin ng Ama, hindi baga dapat kong inuman sa anumang kaparaanan?” Siya’y lubos na kaayon ng kalooban ng Diyos para sa kaniya!
Nang magkagayo’y nagpahayag siya sa karamihan. “Kayo ba’y nagsilabas na may mga tabak at mga panghampas na tila laban sa isang tulisan upang arestuhin ako?” ang tanong niya. “Araw-araw ay nakaupo ako roon sa templo at nagtuturo, ngunit hindi ninyo ako hinuli. Subalit lahat na ito ay naganap upang ang kasulatan ng mga propeta ay matupad.”
Nang magkagayon si Jesus ay sinunggaban ng mga kawal at ng punong kapitan at ng mga pinunò ng mga Judio at siya’y iginapos. Nang makita nila ito, si Jesus ay pinabayaan na ng mga apostol at sila’y nagsitakas. Gayunman, isang binata—marahil ito’y ang alagad na si Marcos—ay nanatili pa roon kasama ng karamihan. Marahil siya ay nanggaling sa tahanan na pinagdausan ni Jesus ng Paskuwa at pagkatapos ay sumunod siya sa karamihan pagkagaling niya roon. Subalit, ngayon, siya ay nakilala, at gumawa ng pagtatangka na siya’y sunggaban. Ngunit kaniyang naiwanan sa kaniyang pagtakas ang kaniyang kasuotang lino at nakatakas na bahagya lamang ang damit na suot. Mateo 26:47-56; Marcos 14:43-52; Lucas 22:47-53; Juan 17:12; 18:3-12.
▪ Bakit natiyak ni Judas na kaniyang matatagpuan si Jesus sa halamanan ng Gethsemane?
▪ Papaano ipinakita ni Jesus ang kaniyang pagkabahala sa kaniyang mga apostol?
▪ Anong pagkilos ang ginawa ni Pedro upang ipagtanggol si Jesus, ngunit ano ang sinabi ni Jesus kay Pedro tungkol doon?
▪ Papaano isiniwalat ni Jesus na siya’y lubusang kasuwato ng kalooban ng Diyos para sa kaniya?
▪ Nang si Jesus ay iwanan ng mga apostol, sino ang hindi umalis, at ano ang nangyari sa kaniya?