Pamamaslang sa Panahon ng Handaan sa Kompleanyo
Kapitulo 51
Pamamaslang sa Panahon ng Handaan sa Kompleanyo
PAGKATAPOS magbigay ng mga tagubilin sa kaniyang mga apostol, sila’y sinugo ni Jesus sa teritoryo nang dala-dalawa. Marahil ang magkapatid na sina Pedro at Andres ay magkasama, gaya rin ni Santiago at ni Juan, ni Felipe at ni Bartolome, ni Tomas at ni Mateo, ni Santiago at ni Tadeo, at ni Simon at ni Judas Iscariote. Ang anim na magkakaparehang mga ebanghelisador ay nangaral ng mabuting balita ng Kaharian at gumawa ng mga makahimalang mga pagpapagaling saanman sila pumaroon.
Samantala, si Juan Bautista ay nasa bilangguan pa. Siya’y halos dalawang taon na ngayon doon. Maaalaala mo na sinabi ni Juan sa madla na mali para kay Herodes Antipas na kunin si Herodias, ang asawa ng kaniyang kapatid na si Felipe, bilang kaniyang sariling asawa. Yamang inaangkin ni Herodes Antipas na siya’y sumusunod sa Kautusang Mosaiko, tumpak naman na ibunyag ni Juan ang mapakiapid na pagsasama nito. Kaya ipinabilanggo ni Herodes si Juan, marahil sa udyok ni Herodias.
Natalos ni Herodes Antipas na si Juan ay isang taong matuwid at ito’y malugod na nakikinig pa nga sa kaniya. Kaya nga, hindi malaman ni Herodes kung ano ang gagawin niya rito. Sa kabilang dako, si Herodias ay napopoot kay Juan at humahanap lagi ng paraan na maipapatay siya. Sa wakas, ang pagkakataong kaniyang hinihintay ay dumating.
Noong malapit na malapit na ang Paskua noong 32 C.E., isinaayos ni Herodes ang malaking selebrasyon ng kaniyang kompleanyo. Naroroon sa handaan ang lahat ng matataas na opisyales ni Herodes at pati mga opisyal ng hukbo, at ang mga tanyag na mamamayan ng Galilea. Habang gumagabi, si Salome, na dalagitang anak ni Herodias at ng kaniyang dating asawang si Felipe, ay ipinatawag upang magsayaw para sa mga bisita. Ang mga lalaking naroon ay nabighani sa kaniyang pagsasayaw.
Ganiyan na lang ang pagkatuwa ni Herodes kay Salome. “Hingin mo sa akin ang anumang ibig mo, at ibibigay ko sa iyo,” ang sabi niya. Nanumpa pa mandin siya: “Anuman ang hingin mo sa akin, ibibigay ko sa iyo, kahit kalahati ng aking kaharian.”
Bago tumugon, si Salome ay lumabas at kumonsulta sa kaniyang ina: “Ano po ba ang hihingin ko?” ang tanong niya.
Dumating din ang pagkakataon! “Ang ulo ni Juan Bautista,” ang walang pag-aatubiling sagot ni Herodias.
Dagling bumalik si Salome kay Herodes at humiling: “Ibig kong ibigay mo sa akin ora mismo sa isang bandehado ang ulo ni Juan Bautista.”
Lubhang nalungkot si Herodes. Subalit dahil sa narinig ng kaniyang mga bisita ang kaniyang panunumpa, siya’y nahiya na hindi ibigay iyon, kahit na ito’y nangangahulugan ng pagpaslang sa isang taong walang kasalanan. Isang berdugo ang agad pinapunta sa bilangguan upang isagawa ang kalagim-lagim na utos na ito. Hindi nagtagal at siya’y bumalik na dala na ang ulo ni Juan sa isang bandehado, at kaniyang ibinigay ito kay Salome. Ito naman ay humayo, at dinala ito sa kaniyang ina. Nang mabalitaan ng mga alagad ni Juan ang nangyari, sila’y naparoon at kinuha ang kaniyang bangkay at inilibing yaon, at pagkatapos ay ibinalita nila kay Jesus ang nangyari.
Nang magtagal, nang mabalitaan ni Herodes na si Jesus ay nagpapagaling ng mga tao at nagpapalabas ng mga demonyo, siya’y natakot, at inisip niya na si Jesus sa totoo ay si Juan na binuhay sa mga patay. Pagkatapos, malaki ang kaniyang hangarin na makita si Jesus, hindi upang makinig sa kaniyang pangangaral, kundi upang mapatunayan kung may dahilan o wala ang kaniyang pagkatakot. Mateo 10:1-5; 11:1; 14:1-12; Marcos 6:14-29; Lucas 9:7-9.
▪ Bakit si Juan ay nasa bilangguan, at bakit ayaw ni Herodes na ipapatay si Juan?
▪ Sa wakas ay papaano naipapatay ni Herodias si Juan?
▪ Pagkamatay ni Juan, bakit ibig ni Herodes na makita si Jesus?