Patungo Uli si Jesus sa Jerusalem
Kapitulo 82
Patungo Uli si Jesus sa Jerusalem
HINDI nagluwat at naglalakbay na naman si Jesus, nagtuturo sa mga lunsod at mga nayon. Marahil siya ay nasa purok ng Perea, sa kabila pa ng Ilog Jordan kung galing sa Judea. Subalit ang kaniyang patutunguhan ay Jerusalem.
Ang pilosopyang Judio na isang limitadong bilang lamang ang maliligtas ang nag-udyok marahil sa isang tao na magtanong: “Panginoon, kakaunti baga ang mangaliligtas?” Sa pamamagitan ng kaniyang sagot, pinilit ni Jesus ang mga tao na mag-isip kung ano ang kailangan para sa kaligtasan: “Magpilit kayong magsipasok [samakatuwid nga, magpunyagi, o maghirap] upang makapasok sa pintuang makipot.”
Ang ganiyang pagpipilit ay kailangang gawin nang apurahan “sapagkat marami,” patuloy na sinabi ni Jesus, “ang magsisikap na pumasok ngunit hindi mangyayari.” Bakit sila hindi makapapasok? Kaniyang ipinaliwanag na ‘minsang makatindig na ang punò ng sambahayan at maikandado na ang pinto at ang mga tao sa labas ay magsituktok, na nagsasabi, “Ginoo, pagbuksan mo kami,” kaniyang sasabihin: “Hindi ko kayo nakikilala kung kayo’y tagasaan. Magsilayo kayo sa akin, lahat kayong mga manggagawa ng kalikuan!” ’
Ang mga nasarhan sa labas ay marahil dumating sa oras na maginhawa lamang para sa kanila. Subalit nang mga sandaling iyon ang pinto ng pagkakataon ay nasarhan na at naikandado na. Upang sila’y makapasok, kailangan sanang dumating sila nang maaga, bagaman noon ay baka hindi maginhawa na gawin nila iyon. Oo, malungkot ang kahihinatnan para sa mga taong ipinagpapaliban ang pagsamba kay Jehova at hindi ginagawa iyon na pangunahing layunin nila sa buhay!
Ang mga Judio na sa kanila isinugo si Jesus upang maglingkod, sa kalakhang bahagi, ay hindi nagsamantala sa kanilang kagila-gilalas na pagkakataon na tanggapin ang paglalaan ng Diyos para sa kaligtasan. Kaya’t sinabi ni Jesus na sila’y tatangis at magngangalit ang mga ngipin nila pagka sila’y inihagis na sa labas. Sa kabilang dako, ang mga tao na galing sa “silangan at kanluran, at sa hilaga at timog,” oo, sa lahat ng mga bansa, ay “magsisiupo sa hapag sa kaharian ng Diyos.”
Patuloy pang sinasabi ni Jesus: “Mayroong mga huli [yaong hinahamak-hamak na mga di-Judio, kasali na rin ang inaaping mga Judio] na magiging una, at mayroon namang una [ang mga Judiong sagana sa materyal at sa biyayang relihiyoso] na magiging huli.” Ang kanilang pagiging huli ay nangangahulugan na ang gayong tamad, walang utang na loob na mga tao ay hindi magkakaroon ng anumang dako sa Kaharian ng Diyos.
Ngayon ay nagsilapit kay Jesus ang mga Fariseo at ang sabi: “Lumabas ka at lumayo ka rito, sapagkat ibig kang patayin ni Herodes [Antipas].” Baka naman si Herodes din ang pinagmulan ng balitang ito upang si Jesus ay makatakas buhat sa teritoryo. Marahil ay natatakot si Herodes na mapasangkot sa pagkamatay ng isa pang propeta ng Diyos gaya ng pagkakasangkot niya sa pagkamatay ni Juan Bautista. Subalit sinabi ni Jesus sa mga Fariseo: “Magsiparoon kayo at sabihin ninyo sa sorang iyon, ‘Narito! Nagpapalabas ako ng mga demonyo at nagpapagaling ngayon at bukas, at sa ikatlong araw ay matatapos na ako.’ ”
Pagkatapos tapusin ang kaniyang gawain doon, ipinagpatuloy ni Jesus ang kaniyang paglalakbay patungo sa Jerusalem sapagkat, gaya ng kaniyang paliwanag, “hindi mangyayari na ang isang propeta ay mamatay sa labas ng Jerusalem.” Bakit nga aasahan na si Jesus ay papatayin sa Jerusalem? Sapagkat ang Jerusalem ang siyang kabiserang lunsod, na kung saan naroroon ang 71-miyembrong Sanedrin na mataas na hukuman at kung saan inihahandog ang mga haing hayop. Samakatuwid, hindi mangyayari na ang “Kordero ng Diyos” ay patayin saan man kundi sa Jerusalem.
“Jerusalem, Jerusalem, na pumapatay sa mga propeta at bumabato sa mga sinugo sa kaniya,” ang panaghoy ni Jesus, “makailang inibig kong tipunin ang iyong mga anak na gaya ng pagtitipon ng inahing manok sa kaniyang sariling mga sisiw sa ilalim ng kaniyang mga pakpak, ngunit kayong mga tao ay nagsiayaw! Narito! Sa inyo’y iniwang giba ang inyong bahay.” Sa pagtanggi sa anak ng Diyos, ang bansa ay napahamak!
Samantalang nagpapatuloy si Jesus patungo sa Jerusalem, siya’y inanyayahan sa bahay ng isang pinunò ng mga Fariseo. Noon ay Sabbath, at ang mga tao ay matamang nagmamasid sa kaniya, yamang mayroon isang tao roon na namamanas, natitipon marahil ang tubig sa kaniyang mga braso at mga binti. Si Jesus ay nagpahayag sa mga Fariseo at sa mga dalubhasa sa Kautusan sa mga naroroon at nagtanong: “Matuwid baga kung Sabbath na magpagaling o hindi?”
Walang umimik gaputok man. Kaya pinagaling ni Jesus ang taong iyon at pinaalis na siya. Pagkatapos ay nagtanong siya: “Sino kaya sa inyo, kung ang kaniyang anak o baka ay mahulog sa balon, ang hindi kaagad-agad hahayo upang iahon siya kung araw ng sabbath?” Muli na namang walang nagsiimik bilang pagtugon. Lucas 13:22–14:16; Juan 1:29.
▪ Ano ang ipinakita ni Jesus na kailangan para sa kaligtasan, at bakit marami ang nasarhan ng pinto sa labas?
▪ Sino ang “huli” na naging una, at ang “una” na naging huli?
▪ Bakit kaya sinabing ibig ni Herodes na patayin si Jesus?
▪ Bakit hindi mangyayaring ang isang propeta’y patayin sa labas ng Jerusalem?