Pinawi ni Jesus ang Dalamhati ng Isang Biyuda
Kapitulo 37
Pinawi ni Jesus ang Dalamhati ng Isang Biyuda
PAGKATAPOS pagalingin ang utusan ng opisyal ng hukbo, si Jesus ay umalis patungong Nain, isang lunsod na mahigit 32 kilometro sa timog-kanluran ng Capernaum. Ang kaniyang mga alagad at isang malaking pulutong ang sumama sa kaniya. Marahil ay maggagabi na nang dumating sila sa labas ng bayan ng Nain. Dito nila nasalubong ang isang prusisyon ng libing. Ang bangkay ng isang binata ay binubuhat palabas ng lunsod upang ilibing.
Ang kalagayan ng ina ay totoong kalunus-lunos, yamang siya ay isang biyuda at ito ang kaniyang kaisa-isang anak. Nang mamatay ang kaniyang asawa, siya ay naaliw ng bagay na may naiwan sa kaniya na isang anak na lalaki. Ang kaniyang mga pag-asa, hangarin, at mga ambisyon ay pawang nakasentro sa kinabukasan ng kaniyang anak. Subalit ngayon ay wala nang aaliw sa kaniya. Gayon na lamang katindi ang kaniyang dalamhati habang ang mga taong-bayan ay sumasama sa kaniya sa dakong paglilibingan.
Nang makita ni Jesus ang babae, ang kaniyang puso ay naantig ng kaniyang labis na kalungkutan. Kaya buong kabaitan, gayunma’y may katatagan na nagbibigay ng pagtitiwala, sinabi niya sa babae: “Huwag kang tumangis.” Ang kaniyang pamamaraan at pagkilos ay nakatawag-pansin sa karamihan. Kaya nang siya ay lumapit at hinipo ang kabaong ng patay, ang mga nagdadala ay tumigil. Ang lahat marahil ay nagtaka kung ano ang gagawin niya.
Totoo na nakita niyaong mga kasama ni Jesus na makahimalang pinagaling niya ang maraming tao sa kanilang mga karamdaman. Subalit maliwanag na hindi pa nila nakita siya na nagbangon ng sinuman mula sa mga patay. Magagawa kaya niya ang gayong bagay? Pinatutungkol sa katawan, si Jesus ay nagsabi: “Binata, sinasabi ko sa iyo, Magbangon ka!” At ang binata ay naupo! Siya ay nagsimulang magsalita, at siya’y ibinigay ni Jesus sa kaniyang ina.
Nang makita ng mga tao na ang binata ay talagang buháy, sila’y nagsabi: “Lumitaw sa gitna natin ang isang dakilang propeta.” Ang iba ay nagsabi: “Ibinaling ng Diyos ang kaniyang pansin sa kaniyang bayan.” Karakarakang ang balita tungkol sa kahanga-hangang gawang ito ay kumalat sa buong Judea at sa buong palibot ng lupain.
Si Juan Bautista ay nasa bilangguan pa, at ibig niyang maalaman pang higit ang mga nagawa ni Jesus. Ipinagbigay-alam sa kaniya ng alagad ni Juan ang tungkol sa mga himalang ito. Ano ang kaniyang naging tugon? Lucas 7:11-18.
▪ Ano ang nangyayari habang palapit si Jesus sa Nain?
▪ Papaano naapektuhan si Jesus ng kaniyang nakita, at ano ang ginawa niya?
▪ Papaano tumugon ang mga tao sa himala ni Jesus?