Sa Di-Inaasahan ay Naging Alagad
Kapitulo 45
Sa Di-Inaasahan ay Naging Alagad
NAKATATAKOT ang tanawin nang dumating si Jesus sa katihan! Dalawang lalaking may pambihirang kabagsikan ang nanggaling sa karatig na sementeryo at tumakbong patungo sa kaniya. Sila’y inaalihan ng mga demonyo. Yamang isa sa kanila ay marahil lalong higit na marahas kaysa roon sa isa at mas matagal nang nililigalig ng mga demonyo, siya ang pinagtuunan ng pansin.
Matagal na ring ang kaawa-awang taong ito ay namumuhay nang hubo’t hubad doon sa mga puntod. Patuluyan, araw at gabi, siya’y sumisigaw at sinusugatan niya ang kaniyang sarili ng mga bato. Siya’y totoong marahas kung kaya walang sinumang may lakas ng loob na dumaan sa lugar na iyon. Tinangka na siya’y gapusin, ngunit kaniyang kinakalag ang mga tanikala at ang bakal na nakatali sa kaniyang mga paa. Walang sinuman na may lakas na sumupil sa kaniya.
Samantalang palapit kay Jesus ang taong iyon at nanikluhod sa kaniyang mga paa, siya’y pinasigaw ng mga demonyo na sumusupil sa kaniya: “Ano ang pakialam ko sa iyo, Jesus, ikaw na Anak ng Kataas-taasang Diyos? Kita’y aking pinanunumpa alang-alang sa Diyos na huwag mo akong pahirapan.”
“Lumabas ka sa taong iyan, ikaw na karumal-dumal na espiritu,” ang patuloy na sinabi ni Jesus. Ngunit pagkatapos ay itinanong ni Jesus: “Ano ba ang pangalan mo?”
“Ang pangalan ko ay Pulutong, sapagkat marami kami,” ang sagot. Ang mga demonyo ay natutuwa na makita ang mga paghihirap niyaong kanilang inaalihan, maliwanag na sila’y natutuwa na magpulu-pulutong upang mapasukan nila ang mga biktima nila taglay ang may karuwagang espiritu ng pang-uumog. Subalit nang mapaharap sila kay Jesus, kanilang ipinamanhik na huwag silang ihagis sa kalaliman. Muli na namang nakita natin na si Jesus ay may dakilang kapangyarihan; nagawa niyang supilin kahit na ang karumal-dumal na mga demonyo. Isinisiwalat din nito na alam ng mga demonyo na balang araw sila ay ihahagis sa kalaliman kasama ang kanilang lider, si Satanas na Diyablo, bilang sa wakas kahatulan ng Diyos sa kanila.
Isang kawan ng mga 2,000 baboy ang nanginginain sa karatig-pook sa bundok. Kaya’t ang sabi ng mga demonyo: “Paparoonin mo kami sa mga baboy, upang kami ay makapasok sa kanila.” Marahil ang mga demonyo ay nakakakuha ng isang uri ng di-likas, sadistikong katuwaan sa pagpasok nila sa katawan ng mga kinapal na laman. Nang sila’y payagan ni Jesus na makapasok sa mga baboy, lahat ng 2,000 ito ay nagpanakbuhan hanggang sa mahulog sa bangin at malunod sa dagat.
Nang ito’y makita ng mga tagapag-alaga ng mga baboy, dagling ibinalita nila iyon sa siyudad at sa mga bayan sa labas. Kaya naman, ang mga tao ay nagsilabas upang tingnan kung ano ang nangyari. Nang sila’y dumating, nakita nila ang taong nilabasan ng mga demonyo. Aba, siya’y nakabihis na at nasa katinuan na ng kaniyang pag-iisip, nakaupo sa may paanan ni Jesus!
Ang mismong mga nakasaksi ay nagsalaysay kung papaano pinagaling ang taong iyon. Kanila ring ibinalita sa mga tao ang tungkol sa nakalalagim na kamatayan ng mga baboy. Nang ito’y mapakinggan ng mga tao, sila’y lubhang nangatakot, at kanilang ipinakiusap kay Jesus na umalis na roon sa kanilang lugar. Kaya naman si Jesus ay sumunod sa kagustuhan nila at sumakay na sa bangka. Ang dating inaalihan ng demonyo ay nakiusap kay Jesus na payagan siyang sumama na sa kanila. Subalit ang sabi ni Jesus: “Umuwi ka na sa iyong mga kamag-anak at ibalita sa kanila ang lahat ng bagay na ginawa para sa iyo ni Jehova at ang kaniyang awa na ipinakita sa iyo.”
Karaniwan nang sinasabihan ni Jesus ang mga taong kaniyang pinagagaling na huwag sabihin iyon sa kaninuman, palibhasa’y ayaw naman niya na manghinuha ang mga tao batay sa sobra-sobrang mga pagbabalita. Subalit ang pagpupuwerang ito ay angkop sapagkat ang taong dating inaalihan ng demonyo ay magpapatotoo sa gitna ng mga tao na ngayo’y baka hindi na magkaroon si Jesus ng pagkakataon na makausap. Isa pa, ang pagkanaroroon ng taong iyon ay magbibigay patotoo tungkol sa kapangyarihan ni Jesus na gumawa ng mabuti, upang salungatin ang anumang di-mabuting ulat na maaaring kumalat dahil sa pagkalunod ng mga baboy.
Bilang pagsunod sa tagubilin ni Jesus, ang taong dating inaalihan ng demonyo ay umalis. Siya’y nagsimulang mangaral sa buong Decapolis ng lahat ng mga bagay na ginawa para sa kaniya ni Jesus, at labis-labis na nanggilalas ang mga tao. Mateo 8:28-34; Marcos 5:1-20; Lucas 8:26-39; Apocalipsis 20:1-3.
▪ Bakit nga kaya ang pansin ay nakatuon doon sa isa lamang sa mga inalihan ng demonyo gayong dalawa ang naroroon?
▪ Ano ang nagpapakita na alam ng mga demonyo ang tungkol sa pagbubulid sa kanila sa kalaliman sa hinaharap?
▪ Bakit, tila nga, gusto ng mga demonyo na pumasok sa mga tao at mga hayop?
▪ Bakit ipinuwera ni Jesus ang taong dating inaalihan ng demonyo, at iniutos sa kaniya na ibalita sa iba ang Kaniyang ginawa para sa kaniya?