Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Paano Ko Maaabot ang mga Tunguhin Ko?

Paano Ko Maaabot ang mga Tunguhin Ko?

KABANATA 39

Paano Ko Maaabot ang mga Tunguhin Ko?

Alin sa tatlo ang gusto mo?

□ Higit na kumpiyansa

□ Mas maraming kaibigan

□ Mas masayang buhay

ALAM mo bang puwedeng mapasaiyo ang tatlong ito? Paano? Kung magtatakda ka ng mga tunguhin at aabutin ang mga ito. Pag-isipan ang sumusunod:

Higit na kumpiyansa. Kapag nagtakda ka ng maliliit na tunguhin at naabot mo ang mga ito, lalakas ang loob mo na magkaroon ng malalaking tunguhin. Hindi ka rin matatakot na harapin ang mga hamon sa araw-araw​—gaya ng panggigipit ng mga kasama.

Mas maraming kaibigan. Masarap kasama ang mga may goal​—alam kung ano ang gusto nila sa buhay at handang kumilos para maabot ito.

Mas masayang buhay. Nakakabagot kung maghihintay ka lang na may mangyari sa buhay mo. Pero kapag may goal ka at naabot mo ito, magiging masaya ka kasi may nagawa ka. O, handa ka na ba? Makakatulong sa iyo ang sumusunod na pahina! a

✔ 1 PUMILI

1. Mag-isip ng posibleng mga tunguhin. I-enjoy ang hakbang na ito! Isulat lang ang lahat ng maiisip mo. Subukang magsulat ng kahit sampu.

2. Timbangin ang mga tunguhin mo. Alin ang pinaka-exciting? Alin ang pinaka-challenging? Alin ang talagang maipagmamalaki mong maabot? Tandaan, karaniwan nang kung ano ang pinakamahalaga sa iyo, iyon ang pinakamagandang tunguhin mo.

3. Magtakda ng priyoridad. Lagyan ng numero ang mga tunguhin ayon sa iyong priyoridad.

✔ 2 MAGPLANO

Gawin ang sumusunod sa bawat tunguhing napili mo:

Ilista ang iyong tunguhin.

Mag-aral ng sign language para makapagturo ng Bibliya sa mga bingi

Magtakda ng deadline. Kung wala kang deadline, hanggang pangarap na lang ang tunguhin mo!

Hulyo 1

Planuhin ang kailangan mong gawin.

Mga Hakbang

1. Bumili ng diksyunaryo.

2. Matuto ng sampung bagong senyas bawat linggo.

3. Panoorin ang mga binging nagsesenyas.

4. Magtanong sa iba kung tama ang aking pagsenyas.

Isipin ang posibleng mga hadlang. Isipin din kung ano ang solusyon.

Posibleng hadlang

Walang nagsa-sign language sa lugar namin

Mangako sa sarili. Mangakong gagawin mo ang iyong buong makakaya para maabot ang iyong tunguhin. Pirmahan ito at lagyan ng petsa.

Ang solusyon ko

Mag-download ng mga video ng sign language sa www.dan124.com.

․․․․․ ․․․․․

Pirma Petsa

✔ 3 KUMILOS!

Magsimula agad. Tanungin ang sarili, ‘Ano ang puwede kong gawin sa araw na ito para masimulan kong abutin ang goal ko?’ Kahit hindi pa detalyado ang plano mo, puwede mo na itong simulan. Sinasabi ng Bibliya na “ang naghihintay sa pagtigil ng hangin ay di kailanman makapaghahasik ng kanyang binhi. At ang nag-aalala sa patak ng ulan ay di makapag-aani.” (Mangangaral [o, Eclesiastes] 11:4, Magandang Balita Biblia) Mag-isip ng puwede mong gawin ngayon​—kahit maliit na bagay lang​—at gawin ito.

Tingnan araw-araw ang listahan mo ng mga tunguhin. Ipaalala sa sarili kung bakit mahalaga ang bawat tunguhin. Lagyan ng ✔ ang bawat hakbang sa listahan kapag nagawa mo na ito (o isulat ang petsa kung kailan mo ito natapos).

Gamitin ang iyong imahinasyon. Isiping naabot mo na ang iyong tunguhin. Hindi ba ang saya? Pagkatapos, balikan ang bawat hakbang na kailangan mong gawin. Ngayon, isiping ginagawa mo na ang bawat hakbang hanggang sa maabot mo ang iyong tunguhin. Nakakatuwa, hindi ba? Sige, simulan mo na!

[Talababa]

a Ang mga mungkahi rito ay magagamit hindi lang sa maliliit na tunguhin, kundi pati sa mas malalaking tunguhin.

TEMANG TEKSTO

“Ang mga plano ng masikap ay tiyak na magdudulot ng kapakinabangan.”​—Kawikaan 21:5.

TIP

Huwag masiraan ng loob kung hindi mo masunod nang eksakto ang plano mo. Basta maging mapamaraan ka para maabot ang iyong goal.

ALAM MO BA . . . ?

Kung mas malaki ang tunguhin mo, mas masaya kapag naabot mo ito!

ANO SA PALAGAY MO?

● Praktikal bang pagsabay-sabayin ang napakaraming tunguhin?​—Filipos 1:10.

● Sa pagtatakda ng mga tunguhin, kailangan mo bang planuhin ang bawat minuto ng buhay mo?​—Filipos 4:5.

[Blurb sa pahina 283]

“Nakakainip kung wala kang pinagkakaabalahan o inaasahan. Pero ang saya kung may mga tunguhin kang inaabot!”​—Reed

[Kahon/Larawan sa pahina 283]

Sampol na mga Tunguhin

Pakikipagkaibigan Makipagkaibigan sa hindi ko kaedaran. Ibalik ang dating pagkakaibigan.

Kalusugan Mag-ehersisyo nang kahit 90 minuto bawat linggo. Matulog nang walong oras gabi-gabi.

Paaralan Makakuha ng mas mataas na grade sa math. Gawin ang tama kapag may nagyayaya sa akin na gumawa ng kalokohan.

Kaugnayan sa Diyos Basahin ang Bibliya sa loob ng 15 minuto araw-araw. Ibahagi ang paniniwala ko sa isang kaklase sa linggong ito.

[Larawan sa pahina 284, 285]

Ang tunguhin ay parang plano ng gusali​—kailangan mong kumilos para hindi ka hanggang plano lang