Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Naaadik Na ba Ako sa mga Gadyet?

Naaadik Na ba Ako sa mga Gadyet?

KABANATA 36

Naaadik Na ba Ako sa mga Gadyet?

“Love na love ko ang pagtetext! The best talaga ’to. Hindi kumpleto ang araw ko kung hindi ako nakapagtext.”​—Alan.

NOONG tin-edyer pa ang mga magulang mo, high tech na para sa kanila ang telebisyon at radyo. Ang mga telepono noong panahon nila, telepono lang talaga​—de-kable at boses lang ang naitatawid. Masyadong makaluma? Ganiyan ang palagay ni Anna. “Noong panahon nina Daddy at Mommy, wala pang makabagong teknolohiya. Ngayon lang nga sila nasasanay gumamit ng cellphone!” ang sabi niya.

Sa ngayon, puwede kang makipag-usap, makinig sa musika, manood, maglaro ng games, mag-e-mail, kumuha ng litrato, at mag-Internet​—gamit lang ang isang gadyet na kasya sa bulsa mo. Dahil lumaki kang may computer, cellphone, TV, at Internet, baka isipin mong wala namang masama kung magbababad ka sa mga ito. Pero baka sa tingin ng mga magulang mo, naaadik ka na. Kung paalalahanan ka nila, huwag mo itong balewalain at isiping napag-iiwanan lang sila ng panahon. Sinabi ng matalinong si Haring Solomon: “Kapag ang isa ay sumasagot sa isang bagay bago niya marinig iyon, kamangmangan ito sa kaniya.”​—Kawikaan 18:13.

Nagtataka ka ba kung bakit nag-aalala ang mga magulang mo? Sagutin ang sumusunod na mga tanong para malaman mo kung naaadik ka na nga sa mga gadyet gaya ng cellphone o computer.

‘Naaadik Na ba Ako?’

Ayon sa isang ensayklopidiya, ang adiksiyon ay ang “nakagawian at walang-patumanggang paggawi na hindi kaya o ayaw ihinto kahit may masamang resulta.” Himayin natin ang kahulugang nabanggit. Basahin ang mga komento sa ibaba at tingnan kung nasabi o nagawa mo rin ang mga iyon. Pagkatapos, sagutan ang mga tanong.

Walang-patumanggang paggawi. “Nauubos ang oras ko sa mga video game. Kulang na nga ako sa tulog eh. Ito na lang din ang gusto kong pag-usapan. Halos hindi na ako nakakasama sa pamilya ko at parang nahibang na ako sa mundo ng computer game.”​—Andrew.

Sa tingin mo, ilang oras sa isang araw ang makatuwirang gamitin sa cellphone, TV, o computer? ․․․․․

Sa tingin ng mga magulang mo, ilang oras ang makatuwirang gamitin? ․․․․․

Ilang oras bawat araw ang ginagamit mo sa pagtetext, panonood ng TV, pag-a-upload ng mga litrato at comment sa Web site, paglalaro ng video game, at iba pa? ․․․․․

Kung babalikan mo ang mga sagot mo, masasabi mo bang sobra-sobra na ang panahon mo sa mga ito?

□ Oo □ Hindi

Hindi kaya o ayaw huminto. “Lagi akong nakikita ng mga magulang ko na nagtetext, at sabi nila hindi na raw tama ang ginagawa ko. Ang totoo, madalang pa nga akong magtext kaysa sa ibang mga kabataan. Siyempre, kumpara sa mga magulang ko, mas madalas akong magtext. Pero unfair naman kung ikukumpara ako sa kanila​—40 na sila, 15 pa lang ako.”​—Alan.

Nasabihan ka na ba ng mga magulang o kaibigan mo na sobra-sobra na ang panahong ginagamit mo sa cellphone, TV, o computer?

□ Oo □ Hindi

Hindi mo ba kaya o ayaw mong kontrolin ang paggamit mo sa mga ito?

□ Oo □ Hindi

Masamang resulta. “Panay ang text ng mga kaibigan ko​—kahit nagmamaneho sila. Delikado ’yun!”​—Julie.

“Noong first time akong magka-cellphone, wala na akong ibang inatupag kundi magtext o tumawag. Nakaapekto iyon sa kaugnayan ko sa pamilya ko at ilang kaibigan. Ngayon, ’yun ang napapansin ko sa ibang mga kaibigan ko. Kapag nag-uusap kami, palagi nilang sinasabi: ‘Teka lang, may nagtext.’ Isang dahilan iyan kung bakit hindi ako masyadong close sa kanila.”​—Shirley.

Nagtetext ka ba sa oras ng klase, Kristiyanong pagpupulong, o habang nagmamaneho?

□ Oo □ Hindi

Kapag kausap mo ang pamilya mo o mga kaibigan, madalas ka bang magpaalam para sumagot ng e-mail, tawag, o text?

□ Oo □ Hindi

Madalas ka bang napupuyat at hindi masyadong nakakapag-aral dahil dito?

□ Oo □ Hindi

Sa tingin mo, kailangan mo na bang gumawa ng mga pagbabago? Kung oo, subukan ang sumusunod.

Kung Paano Magiging Balanse

Kung gumagamit ka ng computer, cellphone, o iba pang gadyet, itanong sa sarili ang apat na tanong sa ibaba. Ang pagsunod sa payo ng Bibliya at sa ilang simpleng tagubilin ay makakatulong sa iyo na maging balanse sa paggamit ng mga ito.

Ano ang nilalaman nito? “Maging laman ng inyong isip ang mga bagay na karapat-dapat at kapuri-puri: mga bagay na totoo, marangal, matuwid, malinis, kaibig-ibig, at kagalang-galang.”​—Filipos 4:8, Magandang Balita Biblia.

Gamitin ang iyong gadyet para kumustahin, balitaan, at patibayin ang iyong pamilya at mga kaibigan.​—Kawikaan 25:25; Efeso 4:29.

X Huwag magkalát ng tsismis, magpadala ng mahahalay na text o picture, o manood ng malalaswang video.​—Colosas 3:5; 1 Pedro 4:15.

Kailan ko ito ginagamit? “Sa lahat ng bagay ay may takdang panahon.”​—Eclesiastes 3:1.

Limitahan ang oras na ginagamit mo sa pagtawag at pagtetext, panonood ng TV, o paglalaro ng video game.

X Huwag ubusin ang oras sa cellphone, TV, o computer na dapat sana’y para sa pamilya mo at mga kaibigan, pag-aaral, o pagsamba.​—Efeso 5:15-17; Filipos 2:4.

Sino ba ang mga “kasama” ko? “Huwag kayong palíligaw. Ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na mga ugali.”​—1 Corinto 15:33.

Gamitin ang cellphone at computer para patibayin ang pakikipagkaibigan mo sa mga taong makakatulong sa iyo na magkaroon ng magandang pag-uugali.​—Kawikaan 22:17.

X Huwag isipin na hindi ka mahahawa sa ugali, pagsasalita, at pag-iisip ng mga nakaka-e-mail at nakaka-text mo, at ng mga napapanood mo sa TV, video, o Internet.​—Kawikaan 13:20.

Gaano karaming panahon ang nauubos ko? ‘Tiyakin ang mga bagay na higit na mahalaga.’​—Filipos 1:10.

Irekord ang dami ng oras na ginagamit mo sa cellphone, TV, at computer.

X Huwag magwalang-bahala kapag napapansin ng mga kaibigan o magulang mo na nauubos na ang oras mo sa mga ito.​—Kawikaan 26:12.

Tungkol sa timbang na paggamit ng cellphone, TV, at computer, maganda ang sinabi ni Andrew, na nabanggit kanina: “Okey ang mga gadyet​—kung hindi mo uubusin ang oras mo sa mga ito. Ngayon, hindi ko na hinahayaang mailayo ako nito sa aking pamilya at mga kaibigan.”

MARAMI KA PANG MABABASA TUNGKOL SA PAKSANG ITO SA TOMO 2, KABANATA 30

SA SUSUNOD NA KABANATA

Paano mo makukumbinsi ang mga magulang mo na payagan kang mag-enjoy?

TEMANG TEKSTO

“Huwag kang magpakarunong sa iyong sariling paningin. Matakot ka kay Jehova at lumayo ka sa kasamaan.”​—Kawikaan 3:7.

TIP

Para makontrol mo ang paggamit ng cellphone, sabihin sa mga kaibigan mo na may mga pagkakataong hindi ka agad makakasagot sa kanilang text, e-mail, o tawag.

ALAM MO BA . . . ?

Lahat ng personal na picture at comment na in-upload mo sa isang Web site, puwedeng ma-access ng kompanyang aaplayan mo at ng iba pa kahit maraming taon na ang lumipas.

ANG PLANO KONG GAWIN!

Kung nahihirapan akong kontrolin ang paggamit ko ng ․․․․․, lilimitahan ko ang ․․․․․ paggamit nito ng oras bawat linggo.

Ang mga gusto kong itanong sa (mga) magulang ko hinggil sa bagay na ito ay ․․․․․

ANO SA PALAGAY MO?

● Bakit hindi mo agad mapapansin kung adik ka na sa mga gadyet gaya ng cellphone, TV, o computer?

● Ano ang puwedeng mangyari kung hindi mo makokontrol ang paggamit sa mga ito?

[Blurb sa pahina 262]

“Maraming nakatulong sa akin para maalis ang pagkaadik ko sa TV. Pinilit kong bawasan ang panonood ko. Lagi kong inilalapit kay Mama ang problema ko pagdating dito. At nanalangin ako nang madalas.”​—Kathleen

[Larawan sa pahina 263]

Kontrolado mo ba ang gadyet mo o ikaw ang kontrolado nito?