Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Bakit Nagdadalamhati Ako Nang Ganito?

Bakit Nagdadalamhati Ako Nang Ganito?

KABANATA 16

Bakit Nagdadalamhati Ako Nang Ganito?

Bagaman ang kabanatang ito ay partikular nang tungkol sa pagkamatay ng isang magulang, ang mga simulain dito ay kapit din kung namatayan ka ng ibang kapamilya o malapít na kaibigan.

“Nang mamatay si Mama, gumuho ang mundo ko. Siya ang nagbubuklod sa pamilya namin.”​—Karyn.

ANG pagkamatay ng magulang ang isa sa pinakamasakit na karanasan sa buhay. Malamang na hindi mo maipaliwanag ang magkakahalong emosyon na nadama mo. Ganito ang sabi ni Brian na 13 anyos nang mamatay ang kaniyang ama sa atake sa puso, “Nang gabing malaman namin iyon, wala kaming magawa kundi mag-iyakan at magyakapan.” Ganito naman ang naalala ni Natalie na sampung taóng gulang nang mamatay ang kaniyang ama sa kanser: “Wala akong naramdaman, kasi hindi ko alam kung ano ang dapat kong maramdaman. Namanhid ako.”

Iba-iba ang epekto sa mga tao ng pagkamatay ng mahal sa buhay. Gaya ng sinasabi ng Bibliya, ang “bawat isa” ay may “sariling salot at . . . sariling kirot.” (2 Cronica 6:29) Ngayon, pag-isipan sandali ang epekto sa iyo ng pagkamatay ng iyong magulang. Ilarawan sa ibaba (1) ang naramdaman mo nang malaman mong namatay ang iyong magulang at (2) ang nararamdaman mo ngayon. a

1 ․․․․․

2 ․․․․․

Malamang na makita sa sagot mo na kahit paano ay bumubuti na ang pakiramdam mo. Normal naman iyan. Hindi ibig sabihin na nakakalimutan mo na ang iyong magulang. Sa kabilang banda, baka naman hindi pa rin nagbabago ang nararamdaman mo o mas tumindi pa nga. Baka pabagu-bago ang damdamin mo gaya ng mga alon sa dagat na taas-baba at pagkatapos ay bigla na lang humahampas sa dalampasigan. Normal din iyan​—kahit pa maraming taon na ang lumipas. Pero paano mo makakayanan ang iyong pagdadalamhati?

Sige, umiyak ka lang. Ang pag-iyak ay nakakabawas sa kirot ng pagdadalamhati. Gayunman, baka pareho kayo ng iniisip ni Alicia na 19 anyos nang mamatay ang kaniyang nanay. Sinabi niya, “Kung iiyak ako, baka isipin ng iba na wala akong pananampalataya.” Pero pag-isipan ito: Si Jesu-Kristo ay sakdal na tao na may matibay na pananampalataya sa Diyos. Pero “lumuha” siya nang makita niya ang mga naulila ng namatay niyang mahal na kaibigang si Lazaro. (Juan 11:35) Kaya walang masama sa pag-iyak. Hindi ibig sabihin nito na wala kang pananampalataya! Sinabi ni Alicia: “Bandang huli, umiyak na ako nang umiyak. Araw-araw.” b

Huwag sisihin ang iyong sarili. “Lagi akong umaakyat sa kuwarto ni Nanay para halikan siya bago matulog,” ang sabi ni Karyn na 13 anyos nang mamatay ang kaniyang nanay. “Isang beses ko ’yung hindi nagawa, kinabukasan, namatay si Nanay. Alam kong hindi ko naman dapat sisihin ang sarili ko sa pagkamatay ni Nanay, pero na-guilty ako na hindi ko siya pinuntahan nang gabing iyon. Bago pa naman bumiyahe si Tatay para sa trabaho, ipinagbilin niya sa amin ni Ate si Nanay. Kaso tinanghali kami ng gising. Nang puntahan ko si Nanay, hindi na siya humihinga. Sising-sisi ako, kasi okey naman siya nang umalis si Tatay!”

Gaya ni Karyn, baka nakokonsiyensiya ka sa mga bagay na hindi mo nagawa. Baka sumbatan mo ang iyong sarili. ‘Sana pinilit ko si Tatay na magpatingin sa doktor.’ ‘Sana pinuntahan ko agad si Nanay.’ Kung gumugulo sa isip mo ang mga bagay na tulad nito, tandaan: Normal lang na manghinayang sa mga bagay na hindi mo nagawa. Ang totoo, gagawin mo naman talaga iyon kung alam mo lang ang mangyayari. Pero hindi mo alam. Kaya hindi ka dapat ma-guilty. Hindi mo kasalanan ang pagkamatay ng iyong magulang! c

Sabihin sa iba ang nadarama mo. Sinasabi ng Kawikaan 12:25: “Ang mabuting salita ay nagpapasaya.” (Ang Biblia) Kung itatago mo ang iyong pagdadalamhati, mahihirapan ka. Pero kung sasabihin mo ito sa isa na pinagtitiwalaan mo, puwede siyang pagmulan ng “mabuting salita” na kailangang-kailangan mo.

Makipag-usap sa Diyos. Malamang na mas gumaan ang pakiramdam mo kapag ‘ibinuhos mo ang iyong puso’ sa Diyos na Jehova sa panalangin. (Awit 62:8) Hindi ito basta ‘terapi’ para bumuti ang pakiramdam mo. Kapag nananalangin ka, lumalapit ka sa “Diyos ng buong kaaliwan, na umaaliw sa [atin] sa lahat ng [ating] kapighatian.” (2 Corinto 1:3, 4) Isang bagay na ginagamit ng Diyos para aliwin tayo ay ang kaniyang Salita, ang Bibliya. (Roma 15:4) Puwede kang gumawa ng listahan ng mga teksto na talagang nakakaaliw sa iyo. d

Hindi madaling mapawi ang pagdadalamhati. Pero tinitiyak sa atin ng Bibliya na sa bagong sanlibutang ipinangako ng Diyos, “hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man.” (Apocalipsis 21:3, 4) Kung lagi mong iisipin ang gayong mga pangako, mas makakayanan mo ang pagkamatay ng iyong magulang.

[Mga talababa]

a Kung hindi mo pa kaya, saka mo na lang sagutin ang mga tanong.

b Huwag mong isiping kailangan mong umiyak para magdalamhati. Iba’t iba ang paraan ng pagdadalamhati ng mga tao. Ang mahalaga, kung naiiyak ka, isipin mong iyon ay “panahon ng pagtangis.”​—Eclesiastes 3:4.

c Kung nakokonsiyensiya ka pa rin, sabihin mo ito sa iyong naiwang magulang o ibang adulto. Sa paglipas ng panahon, makakapag-isip ka nang mas malinaw.

d Ang ilan ay naaliw sa mga tekstong ito: Awit 34:18; 102:17; 147:3; Isaias 25:8; Juan 5:28, 29.

TEMANG TEKSTO

“Papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.”​—Apocalipsis 21:4.

TIP

Isulat mo ang mga bagay na naaalala mo tungkol sa namatay mong magulang. Malaking tulong ito para maka-recover ka.

ALAM MO BA . . . ?

Ang pag-iyak ay hindi kahinaan. Kahit nga ang magigiting na lalaking sina Abraham, Jose, at David ay nagdalamhati at lumuha.​—Genesis 23:2; 50:1; 2 Samuel 1:11, 12; 18:33; Juan 11:35.

ANG PLANO KONG GAWIN!

Kapag parang hindi ko na makayanan ang lungkot, ang gagawin ko ay ․․․․․

Ang mga gusto kong itanong sa magulang ko na nabubuhay pa hinggil sa bagay na ito ay ․․․․․

ANO SA PALAGAY MO?

● Bakit magandang balikan mo ang masasayang alaala kasama ng iyong magulang na namatay na?

● Bakit makakabuting isulat mo ang nararamdaman mo kapag nagdadalamhati ka?

[Blurb sa pahina 112]

“Sinasarili ko ang nadarama ko. Siguro kung naging open ako, hindi ako masyadong nahirapan. Mas madali ko sanang nakayanan iyon.”​—David

[Kahon/Larawan sa pahina 113]

CHANTELLE

“Mga limang taóng pinahirapan ng sakit si Daddy. Nagpakamatay siya noong 16 ako. Walang itinago sa amin si Mommy. Hiningi pa nga niya ang opinyon namin ni Kuya para sa libing ni Daddy. Malaking tulong iyon para makayanan namin ang sitwasyon. Sa tingin ko, ayaw rin naman ng mga bata na wala silang kaalam-alam sa mga nangyayari​—lalo na kung sa mga seryosong bagay gaya nito. Pagtagal-tagal, naging open na rin ako tungkol sa pagkamatay ni Daddy. Kapag gusto kong umiyak, pupunta lang ako sa isang lugar o sa isang kaibigan. Ang masasabi ko: Kapag kailangan mo ng kausap, lumapit ka sa iyong mga kapamilya at kaibigan. Kung gusto mong magdalamhati, sige lang.”

[Kahon/Larawan sa pahina 113, 114]

LEAH

“Na-stroke si Mama nung 19 ako at namatay siya pagkaraan ng tatlong taon. Alam kong kailangan kong magpakatatag. Kailangan ako ni Daddy. Mula pagkabata, nandiyan si Mama kapag may sakit ako o ’pag masama ang pakiramdam ko. Tandang-tanda ko pa kapag idinadampi niya sa akin ang kamay niya para alamin kung may lagnat ako. Ang sakit-sakit kapag naaalala kong wala na siya. Pinipigil ko yung feelings ko, pero hindi maganda ’yon. Kaya minsan, titingin ako ng mga pictures namin para maiyak ako. Malaking tulong din ang pakikipag-usap sa mga kaibigan ko. Nangangako ang Bibliya na ang mga namatay ay bubuhaying muli sa paraiso. (Juan 5:28, 29) Kapag lagi kong iniisip na magkikita ulit kami ni Mama​—at kung ano ang dapat kong gawin para nandun ako kapag binuhay siya​—nababawasan ang sakit.”

[Kahon/Larawan sa pahina 114]

BETHANY

“Sana natatandaan kong sinabi ko kay Daddy na ‘I love you.’ Alam kong nasabi ko ’yun, hindi ko lang matandaan. Limang taon lang ako nang mamatay siya. Na-stroke si Daddy habang natutulog at isinugod siya sa ospital. Pagkagising ko, sinabi na lang sa akin na wala na si Daddy. Noong una, hindi ko kayang pag-usapan ang tungkol sa kaniya. Pero unti-unti, natutuwa na rin akong makinig sa mga kuwento tungkol sa kaniya kasi lalo ko siyang nakikilala. Ang masasabi ko lang sa mga namatayan ng magulang, pahalagahan n’yo ang bawat sandaling nakasama n’yo sila at isulat ang lahat ng alaala ninyo para hindi n’yo iyon malimutan. Patatagin ang inyong pananampalataya para naroon kayo sa bagong sanlibutan ng Diyos kapag binuhay muli ang inyong magulang.”

[Kahon sa pahina 116]

Worksheet

Isulat ang Naiisip Mo

Isulat ang masasayang sandali noong kasama mo ang iyong magulang. ․․․․․

Isulat kung ano sana ang gusto mong sabihin sa magulang mo kung buháy pa siya. ․․․․․

Kung may nakababata kang kapatid na nagi-guilty sa pagkamatay ng magulang ninyo, ano ang sasabihin mo sa kaniya para maaliw siya? (Makakatulong din ito para maging timbang ka sa halip na sisihin ang sarili mo.) ․․․․․

Isulat ang dalawa o tatlong bagay na gusto mong malaman tungkol sa namatay mong nanay o tatay. Pagkatapos, itanong ito sa naiwan mong magulang. ․․․․․

Basahin ang Gawa 24:15. Paano nakakatulong sa iyo ang talatang iyan sa Bibliya na makayanan ang pagkamatay ng iyong magulang? ․․․․․

[Larawan sa pahina 115]

Ang pagdadalamhati ay parang alon na bigla na lang humahampas sa dalampasigan