Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Hindi ba Ako Puwedeng Magkaroon ng Kaunting Privacy?

Hindi ba Ako Puwedeng Magkaroon ng Kaunting Privacy?

KABANATA 15

Hindi ba Ako Puwedeng Magkaroon ng Kaunting Privacy?

Lagyan ng ✔ ang posibleng maging reaksiyon mo sa sumusunod na mga sitwasyon:

1. Nasa loob ka ng kuwarto mo at nakasara ang pinto. Basta na lang pumasok ang kapatid mo nang hindi muna kumakatok.

□ ‘OK lang. Kung minsan, ganun din ako.’

□ ‘Nakakainis! Paano kung nagbibihis ako?’

2. Kauuwi mo lang. Ang daming tanong ng mga magulang mo. “Saan ka galing? Sino’ng kasama mo? Ano’ng ginawa ninyo?”

□ ‘OK lang. Sinasabi ko naman sa kanila ang lahat.’

□ ‘Ano ba ’yan! Wala talaga silang tiwala sa akin!’

NOONG bata ka, malamang na hindi gaanong mahalaga sa iyo ang privacy. Kapag basta na lang pumapasok ang kapatid mo sa iyong kuwarto, hindi ka naman naiinis. Kapag nagtatanong ang mga magulang mo, sumasagot ka naman agad. Dati, alam nila ang lahat tungkol sa iyo. Pero ngayon, gusto mo nang magkaroon ng privacy. “May mga bagay na gusto ko lang sarilinin,” ang sabi ni Corey, 14. Tingnan natin kung kailan posibleng pagmulan ng problema ang kagustuhan mong magkaroon ng privacy.

Kapag Gusto Mong Mapag-isa

Maraming dahilan kung bakit gusto mong mapag-isa. Baka gusto mo lang na “magpahinga nang kaunti.” (Marcos 6:31) O gaya ng ipinayo ni Jesus sa kaniyang mga alagad, kung gusto mong manalangin, maaaring “pumasok ka sa iyong pribadong silid at, pagkasara ng iyong pinto, manalangin ka sa iyong Ama.” (Mateo 6:6; Marcos 1:35) Kaya lang, baka iba ang isipin ng mga magulang mo kapag isinara mo ang iyong kuwarto! At baka hindi maintindihan ng mga kapatid mo na gusto mo lang na mapag-isa.

Ang puwede mong gawin. Imbes na makipagtalo, gawin ang sumusunod:

● Magtakda ng ilang tuntunin tungkol sa iyong privacy na mapagkakasunduan ninyo ng mga kapatid mo. Kung kailangan, magpatulong sa mga magulang ninyo. a

● Sikaping unawain ang pananaw ng mga magulang mo. “Kung minsan, panay ang tanong ng mga magulang ko,” ang sabi ni Rebekah, 16. “Pero sa totoo lang, kung ako ang magulang, lagi ko ring tatanungin ang anak ko​—sa dami ba naman ng tukso ngayon!” Gaya ni Rebekah, naiintindihan mo ba kung bakit nag-aalala ang mga magulang mo?​—Kawikaan 19:11.

● Tanungin ang sarili: ‘Binibigyan ko ba ng dahilan ang mga magulang ko para pagdudahan ako? Masyado ba akong malihim kaya minamanmanan pa nila ako?’ Kung ang sagot mo sa mga tanong na ito ay hindi, pero parang duda pa rin ang mga magulang mo, kausapin sila sa mahinahon at magalang na paraan. Makinig na mabuti sa kanila, at siguraduhing wala kang ginagawang nagiging sanhi ng problema.​—Santiago 1:19.

Kapag Pumipili ng Kaibigan

Habang nagbibinata o nagdadalaga, natural lang na makipagkaibigan ka. Natural din lang na mag-usisa ang mga magulang mo kung sino ang mga kaibigan mo at kung ano ang ginagawa ninyo. Pero baka sa tingin mo, masyado na silang naghihigpit. “Sana naman makapagtext ako at makapag-e-mail nang hindi ako maya’t mayang tinatanong kung sino’ng ka-text o ka-e-mail ko,” ang sabi ni Amy, 16.

Ang puwede mong gawin. Para hindi kayo magkaproblema ng magulang mo pagdating sa mga kaibigan mo, subukan ang sumusunod:

● Ipakilala ang mga kaibigan mo sa iyong mga magulang. Kasi kung wala silang ideya kung sino ang mga kaibigan mo, baka manmanan ka nila. Ayaw mo iyon, hindi ba? Tandaan, miyentras kilala nila ang mga kaibigan mo, mas magiging kampante sila.

● Magpakatotoo ka: ‘Ano ba talaga ang gusto ko​—magkaroon ng privacy o magsekreto?’ Sinabi ni Brittany, 22: “Kung nasa poder ka ng mga magulang mo at nag-aalala sila sa iyo, ang isipin mo, ‘Wala akong ginagawang masama kaya wala akong dapat ilihim.’ Pero kung kailangan mong maglihim, aba, baka nga may itinatago ka.”

Ikaw at ang Privacy Mo

Ngayon, mag-isip ng ilang solusyon sa partikular na mga sitwasyong may kaugnayan sa privacy mo. Sagutin ang mga tanong na kasunod ng bawat hakbang:

Hakbang 1: Alamin ang isyu. Sa anong sitwasyon kailangan mo ng higit na privacy?

․․․․․

Hakbang 2: Isaalang-alang ang iniisip ng mga magulang mo. Ano kaya ang ikinababahala nila?

․․․․․

Hakbang 3: Humanap ng solusyon. Ano kaya ang ginagawa mo na nakakadagdag sa problema? Anong pagbabago ang puwede mong gawin tungkol dito? Ano naman ang gusto mo sanang gawin ng mga magulang mo?

․․․․․

Hakbang 4: Makipag-usap. Isulat kung paano mo sisimulan ang pakikipag-usap sa iyong mga magulang tungkol sa privacy.

․․․․․

SA SUSUNOD NA KABANATA

Namatayan ka ba ng magulang? Ano ang puwede mong gawin para maibsan ang kirot?

[Talababa]

a May higit pang impormasyon sa Kabanata 6 ng aklat na ito.

TEMANG TEKSTO

“Gawin mo ang iyong buong makakaya na iharap sa Diyos ang iyong sarili bilang sinang-ayunan, manggagawa na walang anumang ikinahihiya.”​—2 Timoteo 2:15.

TIP

Kapag nakikipag-usap sa mga magulang mo tungkol sa iyong privacy, huwag daanin sa reklamo, kasi parang sinasabi mong mali sila. Sa halip, ipaliwanag sa kanila kung bakit mahalaga sa iyo ang privacy. Kung ganito ang gagawin mo, mas makakaisip kayo ng solusyon.

ALAM MO BA . . . ?

Kapag open ka sa mga magulang mo, mas pagtitiwalaan ka nila.

ANG PLANO KONG GAWIN!

Para magtiwala (o muling magtiwala) sa akin ang mga magulang ko, ang gagawin ko ay ․․․․․

Ang mga gusto kong itanong sa (mga) magulang ko hinggil sa bagay na ito ay ․․․․․

ANO SA PALAGAY MO?

● Bakit may karapatan ang mga magulang mo na alamin ang nangyayari sa buhay mo?

● Kung masasanay kang makipag-usap nang maayos sa mga magulang mo, paano ito makakatulong sa iyo sa hinaharap kapag nakikipag-usap sa ibang adulto?

[Blurb sa pahina 108]

“Ayaw ng mga magulang na may mangyaring masama sa iyo, kaya kung minsan, parang nakikialam na sila sa iyong privacy. Parang unfair. Pero sa totoo lang, kung magulang din ako, malamang na gawin ko rin ’yun.”​—Alana

[Larawan sa pahina 109]

Ang tiwala ay parang suweldo​—kailangan mong magsikap para makuha ito