Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Paano Ako Magkakaroon ng Mabubuting Kaibigan?

Paano Ako Magkakaroon ng Mabubuting Kaibigan?

KABANATA 8

Paano Ako Magkakaroon ng Mabubuting Kaibigan?

“Kapag galít ako, gusto kong may mapaghihingahan. Kapag malungkot ako, gusto kong may magpapasaya sa akin. Kapag masaya naman ako, gusto ko may ka-share ako. Napakahalaga sa akin ng mga kaibigan.”​—Brittany.

SINASABING kailangan ng maliliit na bata ng mga kalaro, pero kapag kabataan ka na, kailangan mo na ng mga kaibigan. Ano ang kaibahan ng kalaro at ng kaibigan?

Ang kalaro, isa na lagi mong nakakasama.

Ang kaibigan, hindi lamang isa na lagi mong nakakasama, kundi isa na kapareho mo ng prinsipyo.

Bukod diyan, sinasabi ng Bibliya na “ang tunay na kaibigan ay umiibig sa lahat ng panahon, at isang kapatid na ipinanganganak kapag may kabagabagan.” (Kawikaan 17:17) Ganiyan ang samahan ng tunay na magkaibigan, hindi ng basta magkalaro lang!

Ang totoo, habang lumalaki ka, kailangan mo ng mga kaibigang

1. Maganda ang ugali

2. Sumusunod sa pamantayan ng Bibliya

3. May mabuting impluwensiya

Ang tanong, Paano ka makakahanap ng ganiyang mga kaibigan? Isa-isa nating talakayin ang mga ito.

Mabuting Kaibigan #1​—Maganda ang Ugali

Ang dapat mong malaman. Hindi lahat ay tunay na kaibigan. Sinasabi ng Bibliya na “may mga magkakasamang nagsisiraan.” (Kawikaan 18:24) Hindi ka makapaniwala? Pag-isipan ito: Nagkaroon ka na ba ng “kaibigan” na nagsamantala sa kabaitan mo? O kaya’y isa na nanira sa iyo o nagkalat ng tsismis tungkol sa iyo? Puwedeng masira ang tiwala mo sa kaibigan dahil diyan. a Laging tandaan, di-bale nang kakaunti ang iyong kaibigan, basta’t tunay naman!

Ang puwede mong gawin. Pumili ng mga kaibigan na may mga katangiang karapat-dapat tularan.

“Natutuwa ang lahat sa kaibigan kong si Fiona. Gusto kong maging katulad niya at magkaroon din ng magandang reputasyon. Hanga ako sa mga gaya niya.”​—Yvette, 17.

Subukan ito.

1. Basahin ang Galacia 5:22, 23.

2. Tanungin ang sarili, ‘Ang mga kaibigan ko ba ay may mga katangiang kabilang sa “bunga ng espiritu”?’

3. Isulat ang pangalan ng malalapít mong kaibigan. Sa kabila, isulat kung sa anong ugali sila kilalá.

Pangalan

․․․․․

Ugali

․․․․․

Mungkahi: Kung puro negatibong ugali ang naisulat mo, panahon na siguro para humanap ka ng mas mabubuting kaibigan!

Mabuting Kaibigan #2​—Sumusunod sa Pamantayan ng Bibliya

Ang dapat mong malaman. Kung desperado kang magkaroon ng kaibigan, baka kahit sino na lang ang piliin mo. Sinasabi ng Bibliya: “Siyang nakikipag-ugnayan sa mga hangal ay mapapariwara.” (Kawikaan 13:20) Ang salitang “hangal” ay hindi tumutukoy sa mabababa ang grades o mahina ang ulo. Sa halip, sila ang mga taong hindi tumatanggap ng katuwiran at lumilihis sa moral na pamantayan​—mga kaibigang hindi mo kailangan!

Ang puwede mong gawin. Sa halip na basta makipagkaibigan kung kani-kanino, maging mapamili. (Awit 26:4) Hindi naman ibig sabihin nito na magtatangi ka. Ibig lang sabihin, dapat marunong kang mag-obserba para ‘makita mo ang pagkakaiba sa pagitan ng matuwid at ng balakyot [o, masama], sa pagitan ng isa na naglilingkod sa Diyos at ng isa na hindi naglilingkod sa kaniya.’​—Malakias 3:18.

“Buti na lang tinulungan ako ng mga magulang ko na makahanap ng mga kaibigan​—mga kaedad ko na mahusay ang espirituwalidad.”​—Christopher, 13.

Sagutan ito:

Kapag kasama ko ang mga kaibigan ko, nag-aalala ba ako na baka pilitin nila akong gumawa ng mga bagay na alam kong mali?

□ Oo

□ Hindi

Takót ba akong ipakilala sa mga magulang ko ang aking mga kaibigan dahil baka hindi sila magustuhan ng mga magulang ko?

□ Oo

□ Hindi

Mungkahi: Kung oo ang sagot mo sa mga tanong sa itaas, humanap ka ng mga kaibigang sumusunod sa mga pamantayan ng Bibliya​—mga taong may mabubuting halimbawa bilang Kristiyano.

Mabuting Kaibigan #3​—May Mabuting Impluwensiya

Ang dapat mong malaman. Sinasabi ng Bibliya: “Ang masasamang kasama’y nakasisira ng magagandang ugali.” (1 Corinto 15:33, Magandang Balita Biblia) Sinabi ng kabataang si Lauren: “Tanggap ako ng mga kaeskuwela ko hangga’t sumusunod ako sa ipinapagawa nila. Wala akong kaibigan noon kaya ginaya ko na lang din sila para maging in ako.” Na-realize ni Lauren na kung sunud-sunuran ka sa pamantayan ng iba, para kang pawn sa larong chess na naipupuwesto saanman nila gusto. Hindi mo kailangan ang ganiyang mga kaibigan!

Ang puwede mong gawin. Putulin ang pakikipagkaibigan sa mga taong ginagawa kang sunud-sunuran sa kanilang istilo ng pamumuhay. Kapag ginawa mo ito, baka mabawasan ang mga kaibigan mo; pero tataas naman ang respeto mo sa sarili at magkakaroon ka ng mas mabubuting kaibigan​—mga kaibigang may mabuting impluwensiya.​—Roma 12:2.

“Mahinahon at madamayin ang kaibigan kong si Clint, kaya napapatibay niya talaga ako.”​—Jason, 21.

Sagutan ito:

Ginagaya ko ba ang hindi disenteng pananamit, pagsasalita, o pagkilos ng mga kaibigan ko para maging “in” ako sa kanila?

□ Oo

□ Hindi

Nahihila ba ako ng mga kaibigan ko na pumunta sa kuwestiyunableng mga lugar?

□ Oo

□ Hindi

Mungkahi: Kung oo ang sagot mo sa mga ito, humingi ng payo sa mga magulang mo o sa iba pang may-gulang na adulto. Kung isa kang Saksi ni Jehova, puwede kang magpatulong sa isang Kristiyanong elder sa pagpili ng mga kaibigang may mabuting impluwensiya.

MARAMI KA PANG MABABASA TUNGKOL SA PAKSANG ITO SA TOMO 2, KABANATA 9

SA SUSUNOD NA KABANATA

Binubuyo ka ba ng isang naturingang kaibigan​—o ng sarili mo mismo​—na gumawa ng masama? Paano mo ito mapaglalabanan?

[Talababa]

a Siyempre, lahat ay nagkakamali. (Roma 3:23) Kaya kapag nasaktan ka ng isang kaibigan pero talagang nagsisi siya, tandaan na “ang pag-ibig ay nagtatakip ng maraming kasalanan.”​—1 Pedro 4:8.

TEMANG TEKSTO

“May kaibigang mas malapít pa kaysa sa isang kapatid.”​—Kawikaan 18:24.

TIP

Sundin mo ang mga utos at payo ng Diyos, at makikipagkaibigan sa iyo ang mga taong masunurin din sa Diyos. Sila ang pinakamabuting uri ng mga kaibigan!

ALAM MO BA . . . ?

Hindi nagtatangi ang Diyos, pero mapamili siya sa magiging mga ‘panauhin sa kaniyang tolda.’​—Awit 15:1-5.

ANG PLANO KONG GAWIN!

Ang gagawin ko para magkaroon ako ng mabubuting kaibigan ay ․․․․․

Ang ilang mas matanda sa akin na gusto kong maging kaibigan ay sina ․․․․․

Ang mga gusto kong itanong sa (mga) magulang ko hinggil sa bagay na ito ay ․․․․․

ANO SA PALAGAY MO?

● Anu-anong katangian ang gustung-gusto mo sa isang kaibigan, at bakit?

● Anu-anong katangian ang kailangan mong pasulungin para maging mas mabuti kang kaibigan?

[Blurb sa pahina 60]

“Nang pagsabihan ako ng mga magulang ko na layuan ang barkada ko, ayaw ko dahil sila lang ang gusto kong maging kaibigan. Pero maganda naman ang payo ng mga magulang ko, at nang makapag-isip-isip ako, na-realize ko na marami pa palang mas mabubuting kaibigan.”​—Cole

[Kahon sa pahina 61]

Subukan Ito

Makipag-usap sa iyong mga magulang tungkol sa pakikipagkaibigan. Tanungin sila tungkol sa naging mga kaibigan nila noong kabataan pa sila. May pinagsisihan ba sila sa naging pagpili nila ng mga kaibigan? Kung mayroon, bakit sila nagsisi? Tanungin sila kung paano mo maiiwasan ang ilan sa mga naging problema nila.

Ipakilala ang mga kaibigan mo sa iyong mga magulang. Kung nag-aalangan ka, tanungin ang iyong sarili, ‘Bakit kaya?’ May mga hindi ba magugustuhan ang mga magulang mo sa iyong mga kaibigan? Kung oo, kailangan mong maging mas maingat sa pagpili ng mga kaibigan.

Maging mabuting tagapakinig. Ipakita sa kaibigan mo na nagmamalasakit ka sa kaniya.​—Filipos 2:4.

Maging mapagpatawad. Tandaan na walang taong perpekto. “Tayong lahat ay natitisod nang maraming ulit.”​—Santiago 3:2.

Huwag mo silang “sakalin.” Hindi ka dapat laging nakabuntot sa kaibigan mo. Dumarating ang mga tunay na kaibigan kapag kailangan mo sila.​—Eclesiastes 4:9, 10.

[Larawan sa pahina 63]

Kung sunud-sunuran ka sa pamantayan ng iba para lang maging “in,” para kang pawn sa larong chess na naipupuwesto saanman nila gusto