Paano Ko Madadaig ang Lungkot Ko?
KABANATA 13
Paano Ko Madadaig ang Lungkot Ko?
“Kapag may mabigat na problema ang mga kaibigan ko, naroon ako para tulungan sila. Pero ang hindi nila alam, pag-uwi ko sa bahay, umiiyak akong mag-isa sa kuwarto.”—Kellie.
“Kapag malungkot ako, gusto kong mapag-isa. Kaya kahit may magyaya sa akin, nagdadahilan ako. Kayang-kaya kong itago sa pamilya ko na malungkot ako. Akala nila okey lang ako.”—Rick.
KATULAD ka rin ba ni Kellie o ni Rick? Kung oo, huwag mo agad isiping may problema sa iyo. Ang totoo, lahat tayo ay nalulungkot paminsan-minsan, kahit nga ang mga tapat na lalaki at babae sa Bibliya.—1 Samuel 1:6-8; Awit 35:14.
Minsan, alam mo kung bakit ka malungkot, pero minsan, hindi. “Puwedeng bigla ka na lang malungkot, kahit wala kang problema. Ewan ko ba, pero ganun!” ang sabi ni Anna, 19.
Anuman ang dahilan—o kahit wala naman talagang dahilan—ano ang puwede mong gawin kapag nadadaig ka ng lungkot? Subukan ang sumusunod:
1. Ipakipag-usap ito. Nang magkapatung-patong ang trahedya, sinabi ni Job: “Ako ay magsasalita sa kapaitan ng aking kaluluwa!”—Job 10:1.
Kellie: “Kapag nasasabi ko sa iba ang nararamdaman ko, gumagaan ang loob ko, kasi may nakakaalam na ng pinagdadaanan ko. May maghahagis na sa akin ng lubid para iahon ako sa bangin!”
Mungkahi: Isulat ang pangalan ng kaibigan na mapaghihingahan mo ng loob kapag lungkot na lungkot ka.
․․․․․
2. Isulat ito. Kapag nadadaig ka ng lungkot, subukang daanin sa sulat ang nadarama mo. Sa ilan sa mga awit ni David, ipinahayag niya ang kaniyang matinding kalungkutan. (Awit 6:6) Kung gagawin mo ito, ‘maiingatan mo ang praktikal na karunungan at ang kakayahang mag-isip.’—Kawikaan 3:21.
Heather: “Kapag malungkot ako, ang gulo ng isip ko, kaya idinadaan ko ito sa sulat. Nakakabawas ng lungkot yung mailabas mo ang damdamin mo at maintindihan ito.”
pahina 93 at mag-isip ng mas mabuting paraan kung paano mo haharapin ang mahihirap na sitwasyon. Makakabawas ito ng kalungkutan mo.
Mungkahi: Gamitin ang tsart sa3. Ipanalangin ito. Sinasabi ng Bibliya na kung ipapanalangin mo ang mga bagay na gumugulo sa isip mo, ‘ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ay magbabantay sa iyong puso at sa iyong kakayahang pangkaisipan.’—Filipos 4:6, 7.
Esther: “Hindi ko talaga maisip kung bakit ako nalulungkot. Nahihirapan na ’ko, kaya humingi ako ng tulong kay Jehova. Ngayon, hindi na ako malungkot. Malaking tulong talaga ang panalangin!”
Mungkahi: Tularan ang nasa Awit 139:23, 24 kapag nananalangin. Ibuhos kay Jehova ang iyong niloloob, at hilingin mong tulungan kang malaman kung bakit ka nalulungkot.
Malaking tulong din ang Salita ng Diyos, ang Bibliya. Kung lagi mong iisipin ang mga pampatibay mula sa mga ulat ng Bibliya, mas magiging positibo ka. (Awit 1:1-3) Makakatulong sa pagbabasa mo ng Bibliya ang pag-aaral sa mga “Mabuting Halimbawa” mula sa bawat tomo ng aklat na ito. Sa pahina 227, Tomo 2, makikita mo kung paano napaglabanan ni apostol Pablo ang mga negatibong damdaming nadarama niya kung minsan dahil sa di-kasakdalan.
Kapag Hindi Pa Rin Mawala ang Iyong Kalungkutan
Sinabi ni Ryan, “May mga araw na ayaw ko nang bumangon sa higaan para harapin ang isa na namang walang-kuwentang araw.” May clinical depression si Ryan, at hindi siya nag-iisa. Lumilitaw sa mga pag-aaral na mga 25 porsiyento ang dumaranas ng depresyon sa panahon ng kabataan.
Ano ba ang ilang sintomas ng depresyon? Kapansin-pansing pagbabago sa mood at paggawi pati na sa kaugalian sa pagkain at pagtulog, pagbubukod ng sarili, kawalan ng interes sa
halos lahat ng gawain, pagkadama ng kawalang-halaga, at sobrang paninisi sa sarili.Siyempre, halos lahat naman ay dumaranas ng isa o higit pa sa mga sintomas na ito paminsan-minsan. Pero kung mga ilang linggo mo na itong nararanasan, puwede kang magpasama sa magulang mo para magpa-checkup. Masusuri ng mga doktor kung may clinical depression ka. a
Kung may clinical depression ka, hindi ka dapat mahiya. Marami ang nagtiis nang mahabang panahon sa kanilang kondisyon, pero bumuti ang pakiramdam nila matapos magpagamot—at napakalaking ginhawa ang nadama nila! Pero depresyon man o hindi ang dahilan ng iyong kalungkutan, tandaan ang nakaaaliw na mga salita sa Awit 34:18: “Si Jehova ay malapit sa mga wasak ang puso; at yaong mga may espiritung nasisiil ay inililigtas niya.”
Paano kung parang hindi mo na kaya ang lungkot at naiisip mong magpakamatay?
[Talababa]
a May mga kabataang nag-iisip magpakamatay dahil matagal na panahon na silang nalulungkot. Kung naiisip mo iyan, makipag-usap ka agad sa isang adulto na pinagkakatiwalaan mo.—May higit pang impormasyon sa Kabanata 14 ng aklat na ito.
TEMANG TEKSTO
“Si Jehova ay malapit sa mga wasak ang puso; at yaong mga may espiritung nasisiil ay inililigtas niya.”—Awit 34:18.
TIP
Kapag nalulungkot ka, isulat kung ano ang nagiging epekto nito sa iyo at kung ano sa tingin mo ang nagpapalungkot sa iyo. Sa susunod na buwan, basahin mo ito. Ganoon pa rin ba ang nadarama mo o OK ka na? Isulat kung ano ang nakatulong sa iyo.
ALAM MO BA . . . ?
OK lang umiyak, kahit lalaki ka. Minsan, inamin ni Haring David: “Sa gabi, ang aking higaan at unan ay basang-basa ng luha.”—Awit 6:6, Contemporary English Version.
ANG PLANO KONG GAWIN!
Para gumanda ang mood ko, ang mga aktibidad na puwede kong gawin ay ․․․․․
Ang mga kaibigan na gusto kong makasama kapag nalulungkot ako ay sina ․․․․․
Ang mga gusto kong itanong sa (mga) magulang ko hinggil sa bagay na ito ay ․․․․․
ANO SA PALAGAY MO?
● Nakakabuti ba ang pag-iyak?
● Paano nakakatulong ang pakikihalubilo para makayanan mo ang lungkot?
[Blurb sa pahina 96]
“Kapag malungkot ako, iniiwasan kong ibukod ang sarili ko. Kahit na kung minsan ay kailangan kong mapag-isa para makapag-isip-isip at makaiyak, alam kong kailangan kong makihalubilo sa iba, para hindi ko maisip ang anumang nagpapalungkot sa akin.”—Christine
[Chart/Mga larawan sa pahina 93]
Worksheet
Para Mabawasan ang Iyong Lungkot
Sagutan ang chart
Sitwasyon
Minamaliit ako ng titser ko
Di-mabuting gawin
Hindi ko na pagbubutihin ang pag-aaral ko sa klase niya
Mas mabuting gawin
Clue: Tingnan ang Kabanata 20 ng aklat na ito
Sitwasyon
Binabale-wala ako ng kaibigan ko
Di-mabuting gawin
Sisiraan ko siya
Mas mabuting gawin
Clue: Tingnan ang Kabanata 10 ng Tomo 2
Sitwasyon
Maghihiwalay na ang mga magulang ko
Di-mabuting gawin
Magtatanim ako ng sama ng loob sa kanila
Mas mabuting gawin
Clue: Tingnan ang Kabanata 4 ng aklat na ito
Sitwasyon
․․․․․
Di-mabuting gawin
․․․․․
Mas mabuting gawin
․․․․․
Sitwasyon
․․․․․
Di-mabuting gawin
․․․․․
Mas mabuting gawin
․․․․․
[Larawan sa pahina 95]
Sa pagsisikap mo at sa tulong ng iba, makakaahon ka rin sa matinding kalungkutan