Pag-inom ng Alak—Bakit Hindi?
Kabanata 33
Pag-inom ng Alak—Bakit Hindi?
‘MALI bang uminom ng alak? Talaga bang nakasasama ito? O mali lamang iyon para sa akin pero tama naman para sa mga matatanda?’ Ang mga tanong na ito ay maaaring sumagi sa inyong isipan. Kung sa bagay, maaaring ang iyong mga magulang ay nagpapakalabis sa pag-inom. Maraming mga kabataang tulad mo (sa kabila ng legal na edad) ay umiinom. Ang mga panoorin sa TV at pelikula ay nagpapaging kaakit-akit niyaon.
Kapag ginamit nang katamtaman lamang, ang alkohol ay tunay na maaaring maging isang pinanggagalingan ng kasiyahan. Ang Bibliya ay kumikilala na ang alak ay nagpapasaya ng puso o nakapagpapagana sa pagkain. (Eclesiastes 9:7) Gayunman, kapag mali ang pagkagamit, ang alkohol ay nakagagawa ng malulubhang problema mula sa pagiging kalaban ng mga magulang, mga guro, at mga pulis hanggang sa maagang kamatayan. Gaya ng sabi ng Bibliya: “Ang alak ay manunuya, ang matapang na alak ay manggugulo, at sinumang napaliligaw sa kaniya ay hindi pantas.” (Kawikaan 20:1) Mahalaga, kung gayon, na gumawa ka ng isang responsableng disisyon may kinalaman sa pag-inom ng alak.
Subalit gaano nga ba ang talagang nalalaman mo tungkol sa alkohol at sa mga epekto nito? Ang sumusunod na pagsubok ay makatutulong. Markahan lamang ng Tama o Mali ang mga sumusunod:
1. Ang mga inuming de-alkohol ay karaniwang pampasigla ․․․․․․․․ ____
2. Ang alkohol anumang dami niyaon ay nakapipinsala sa katawan ․․․ ____
3. Ang lahat ng inuming may alkohol—alak na matapang, alak ng ubas, serbesa—ay sumasama sa iyong daluyan ng dugo sa parehong bilis ․․․․․․․․․․․․․․․․․ ____
4. Mabilis na mawawala ang pagkalasing kung iinom siya ng kapeng walang gatas o maliligo sa malamig na tubig ․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․ ____
5. Ang alkohol sa magkaparehong dami ay may kaparehong epekto sa lahat ng umiinom ․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․ ____
6. Ang pagkalasing ay katulad din ng alkoholismo ․․․․․․․․․․․․․․․․․․․ ____
7. Ang alkohol at iba pang pampakalmang mga gamot (gaya ng barbiturates) kapag magkasabay na ininom ay tumitindi ang epekto ng bawat isa ․․․․․․․ ____
8. Ang pagpapalit-palit ng iniinom ay tutulong upang ang isa ay hindi malasing ․․ ____
9. Tinutunaw ng katawan ang alkohol na gaya lamang ng pagkain ․․․․․․․․․․․․․․․․․ ____
Ngayon ay ihambing ang iyong mga sagot sa ibinigay sa pahina 270. Napatunayan mo bang mali ang ilang pangmalas mo sa alkohol? Kung oo, unawain na ang kawalan ng alam may kinalaman sa alkohol ay maaaring magsangkot ng iyong buhay. Ang Bibliya ay nagbababala sa atin na kapag mali ang gamit ng alkohol ito’y “kumakagat na parang ahas, at naglalabas ng lason na parang ulupong.”—Kawikaan 23:32.
Si John, halimbawa, ay isang tinedyer na may asawa na. Isang gabi, pagkatapos ng pakikipag-away sa kaniyang batang asawa, siya’y galit na galit na umalis ng bahay, na handang maglasing. Pagkatapos na laguking lahat ang isang buong kalahating litro ng vodka, siya’y nawalan ng malay. Kung hindi dahil sa pagsisikap ng mga doktor at mga nars, namatay na sana si John. Maliwanag na hindi niya natatalos na ang biglaang paglagok sa isang dami ng alkohol ay maaaring makamatay. Ang kawalang-alam ay muntik nang maging dahilan ng kaniyang buhay.
Ang Epekto Pagkatapos
Ito ang isa sa pinakatraidor na epekto ng alkohol. Ang alkoholKawikaan 31:6, 7) Ang isang kabataang si Paul, halimbawa, ay naglasing upang matakasan ang problema ng pamilya. “Natutuhan ko agad na ang pag-inom ay isang paraan upang mawala ang kaigtingang kinasasangkutan ko,” ang pagbabalik-alaala niya. “Nakapagpapahinahon iyon ng aking isipan.”
ay nakapagpapalungkot, hindi nakapagpapasigla. Ang waring kasiglahang iyong nadarama pagkatapos uminom ay nangyayari sapagkat ang alkohol ay nagpapatamlay, o nagpapababa, ng iyong antas ng pagkabalisa. Ikaw ay nagiging mahinahon, hindi gaanong nababalisa, hindi gaanong nababahala kaysa noong bago ka uminom. Kapag tama lamang ang nainom, ang alkohol ay maaaring makatulong nang bahagya sa isa na ‘malimutan ang kaniyang kabalisahan.’ (Wala namang masamang naidulot, hindi ba? Mayroon! Ang alkohol ay may epekto pagkatapos. Pagkaraan ng mga ilang oras, kapag lumipas na ang nakapagpapakalmang epekto ng alkohol, ang antas ng pagkabalisa ay nagbabalik—ngunit hindi nagbabalik sa normal. Iyon ay mas mataas na antas kaysa noong bago ka uminom! Nadarama mong higit kang nababalisa o higit na ninenerbiyos kaysa noon. Ang pagpapalipas ng epekto ng alkohol ay tumatagal hanggang 12 oras. Totoo, kung ikaw ay iinom uli, ang iyong antas ng pagkabalisa ay muling bababa. Subalit pagkalipas uli ng ilang mga oras, tataas iyon, sa pagkakataong ito ay mas mataas pa kaysa dati! At sa gayo’y nagiging isang masamang bisyo ng paulit-ulit na artipisyal na mga pagtaas at higit pang mga pagbaba.
Kaya sa bandang huli, ang alkohol ay hindi talagang magpapababa ng iyong pagkabalisa. Makapagpapataas pa nga iyon. At kapag lumipas na ang alkohol, ang iyong mga problema ay naririyan pa rin.
‘Pagkabansot’ sa Emosyon
Ang iba ay nag-aangkin na ang alkohol ay nakatutulong sa kanila upang makakilos nang mas mahusay. Si Dennis, halimbawa, ay totoong mahiyain at nahihirapan siyang makiharap kahit sa simpleng pakikipag-usap lamang. Subalit may natuklasan siya. “Pagkaraan ng ilang mga pag-inom ay lumalakas na ang loob ko,” ang sabi niya.
Ang problema ay na ang isa ay nagiging maygulang, hindi sa pamamagitan ng pag-iwas sa mahihirap na mga situwasyon, gaya ng ginawa ni Dennis, kundi sa pagharap sa mga yaon. Ang pagkatuto na makayanan ang mga problema sa panahon ng kabataan ay isa lamang pagsasanay para sa higit pang mga pagsubok na darating sa buhay. Napatunayan ni Dennis sa gayon na, sa wakas, ang pansamantalang epekto ng alkohol ay hindi nakatulong sa kaniya na mapagtagumpayan ang pagkamahiyain. “Kapag lumipas na ang alkohol, balik uli ako sa aking lungga,” ang ulat niya. Kumusta naman ngayon, pagkaraan ng mga taon? Nagpapatuloy si Dennis: “Hindi ko kailanman natutuhan na makipag-usap sa mga tao sa aking talagang kakayahan. Marahil ay ‘nabansot’ na ako sa ganitong paraan.”
Totoo rin ito sa paggamit ng alkohol bilang isang saklay may kinalaman sa kaigtingan. Si Joan, na gumawa nito bilang isang tinedyer, ang umaamin: “Kamakailan, sa isang maigting na situwasyon naisip ko: ‘Mabuti siguro na uminom ako ngayon.’ Inaakala mo na mas makakayanan mo ang isang situwasyon sa pamamagitan ng pag-inom.” Hindi gayon!
Ang isang artikulo na nalathala sa New York State Journal of Medicine ay nagsasabi: “Kapag ang droga [kasali na ang alkohol] ay naging siyang paraan ng pagpapagaang ng mabibigat na mga situwasyon—sa akademiko, sosyal, o pakikipagkapuwa-tao—ang pangangailangan na matutuhan ang pakikisama sa iba ay nawawala. Ang mga epekto ay maaaring hindi naman kaagad madama hanggang sa magkaedad, kapag kailangan na ang pakikisama madalas na ito’y nagiging mahirap, na iniiwan ang indibiduwal na nag-iisa sa emosyonal na paraan.” Mas higit na makabubuti pa ang
harapin at pakitunguhan ang mga problema at mabibigat na situwasyon nang tuwiran!“Hindi Niya Tinanggap Iyon”
Isaalang-alang ang halimbawa ni Jesu-Kristo. Sa huling gabi ng kaniyang makalupang buhay, si Jesus ay nagtiis ng katakut-takot na pagpapahirap. Pagkatapos na ipagkanulo at arestuhin, si Jesus ay nagtiis ng sunud-sunod na mga tanong na kung saan siya’y inakusahan ng pagsisinungaling. Sa wakas, pagkaraan ng walang-tulog na gabing iyon, siya’y ibinigay upang ipako.—Marcos 14:43–15:15; Lucas 22:47–23:25.
Si Jesus pagkaraan ay binigyan ng isang bagay na makapagpapahupa ng kaniyang damdamin—isang nakapagpapabago-ng-kondisyong inumin na magpapangyaring maging madali para sa kaniya na maharap ang ganitong mabigat na situwasyon. Ang Bibliya ay nagpapaliwanag: “Sinubukan nilang dulutan siya ng alak na hinaluan ng mirra, datapuwat hindi niya tinanggap iyon.” (Marcos 15:22, 23) Ibig ni Jesus na taglay niya ang lahat ng kaniyang mga pandamdam. Ibig niyang harapin ang mabigat na situwasyong ito nang buong katapatan. Hindi siya tumakas! Pagkaraan, gayunman, nang alukin ng katamtamang dami ng walang-halong matamis na alak upang pawiin ang kaniyang uhaw, tumanggap si Jesus.—Juan 19:28-30.
Kung ihahambing, ang iyong mga problema, mga kagipitan o kaigtingan, ay walang panama. Subalit matututuhan mo pa rin ang
isang mahalagang aral mula sa karanasan ni Jesus. Sa halip na gumamit ng isang nakapagpapabago-ng-kondisyong inumin (gaya ng alkohol) upang harapin ang mga problema, mga kagipitan, at mahihirap na kalagayan, mas makabubuti para sa iyo na harapin ang mga iyon nang tuwiran. Mientras maraming karanasan ang iyong natatamo sa pagharap sa mga suliranin ng buhay, mas magiging mahusay ka sa paglutas sa mga yaon. Lálaki kang may isang malusog na kalagayan sa emosyon.Kapag sumapit ka na sa hustong gulang, kung gustuhin mo man o hindi na uminom paminsan-minsan—at sa katamtaman lamang—ay magiging isang disisyon para sa iyo (at marahil sa iyong mga magulang) na gawin. Hayaang iyon ay maging isang may-kabatirang disisyon, isang matalinong disisyon. Kung pinili mong huwag uminom, wala kang dapat ihingi ng paumanhin. Subalit kapag ikaw ay nasa hustong gulang na at nagdisisyong uminom, uminom nang wasto. Huwag kailanman iinom bilang pagtakas o para lamang magkaroon ng artipisyal na katapangan. Ang payo ng Bibliya ay simple lamang at tuwiran: “Ang alak ay magpapagaslaw at magpapahangal sa iyo. Isang kamangmangan ang magpakalasing.”—Kawikaan 20:1, Today’s English Version.
Mga Tanong para sa Talakayan
◻ Bakit ang maraming kabataan ay nasasangkot sa pag-inom ng inuming may alkohol?
◻ Ano ang ilan sa mga maling palagay tungkol sa alkohol?
◻ Ano ang mga kapanganiban sa pagsasama ng pagmamaneho at ng pag-inom?
◻ Ano ang mga kapanganiban ng paggamit ng alkohol para lamang matakasan ang mga problema?
◻ Ano ang dapat gawin ng isang kabataan kapag siya’y napaharap sa mga problema, at bakit?
[Blurb sa pahina 268]
Ang pag-inom ay maaaring makabitag sa isang kabataan sa isang masamang bisyo ng paulit-ulit na artipisyal na mga pagtaas at higit pang mga pagbaba
[Blurb sa pahina 271]
“Hindi ko kailanman natutuhan na makipag-usap sa mga tao sa aking talagang kakayahan. Marahil ay ‘nabansot’ na ako sa ganitong paraan.”—Isang kabataang lalaki na umabuso sa alkohol bilang isang tinedyer
[Kahon sa pahina 264]
‘Kung Bakit Kami Nagsimulang Uminom’
Isang interbiyu sa ilang dating mga manginginom na tinedyer
Tagapagpanayam: Bakit ka uminom ng alak?
Bill: Para sa akin, sa pasimula ay dahil sa barkada na kinabibilangan ko. Iyon ang bagay na “in” na gawin, lalo na kung weekends.
Dennis: Nagsimula akong uminom nang ako’y mga edad 14. Ang tatay ko ay medyo malakas uminom. Laging may inuman sa bahay. Bilang isang bata nakita kong ang pag-inom ay isang bagay na pangsosyalan. Sa gayon, nang ako’y lumaki-laki na, napasama ako sa isang magaslaw na barkada. Uminom ako noon upang tanggapin ng ibang mga kabataan.
Mark: Napasama ako sa isport. Siguro ay nagsimula akong uminom nang ako’y 15 taon kasama ng iba sa basketball team. Iyon ay isang, sa palagay ko’y, pag-uusyoso lamang.
Joan: Naapektuhan akong mabuti ng aking napanood sa TV. Lagi kong nakikitang umiinom ang mga gumaganap. Mukhang napakasarap.
Paul: Alkoholiko ang aking tatay. Nakita kong ang dahilan kung bakit maraming problema ay ang alkoholismo. Sinikap kong tumakas mula roon. Sa kabaligtaran, iyon ang naging dahilan kung bakit ako napabaling sa pag-inom.
Joan: Hindi naman laging umiinom ang aking mga magulang. Subalit natatandaan ko ang isang bagay sa aking tatay, sa mga pagtitipon lagi niyang ipinagmamalaki kung gaano siya karaming uminom. Parang namana ko ang gayong ugali—na iniisip na naiiba ako. Minsan ako at ang aking mga kaibigan ay nag-inuman. Mga ilang oras din na uminom kami. Pero walang epekto iyon sa akin na di-gaya ng iba. Iniisip kong, ‘Tulad lamang ako ni Itay.’ Marahil ang kaniyang ugali tungkol sa alkohol ay nakaapekto sa akin.
Tagapagpanayam: Subalit bakit ang marami ay umiinom hanggang sa malasing?
Mark: Iyan ang dahilan kung bakit kami umiinom—para malasing. Hindi ko iniintindi anuman ang lasa.
Tagapagpanayam: Ah, kaya ka umiinom ay dahil sa epekto nito?
Mark: Oo.
Harry: Ganoon din ang masasabi ko. Iyon ay katulad ng pag-akyat sa hagdan. Sa bawat pag-inom mo ikaw ay tumutungo sa mas mataas—ang sumunod na baytang ng hagdan.
[Kahon sa pahina 270]
Mga Sagot sa Pagsubok na Tama o Mali (Pahina 263)
1. MALI. Ang alkohol ay karaniwan nang nagpapatamlay. Nakapagpapasigla iyon sa paraang pinananamlay, o pinabababa, ang iyong antas ng kabalisahan, na nagpapangyari sa iyong maging relaks, hindi gaanong nag-aalala kaysa bago ka uminom.
2. MALI. Ang pag-inom nang katamtaman lamang o kaunting alkohol ay walang masamang idinudulot sa katawan. Gayumpaman, ang patuluyang pag-inom nang marami ay makapipinsala ng puso, utak, atay, at iba pang mga sangkap.
3. MALI. Ang mga alak na matapang ay karaniwan nang sumasama nang mas mabilis kaysa sa alak ng ubas o serbesa.
4. MALI. Ang kape ay makapagpapagising sa iyo, at ang malamig na tubig ay makababasâ lamang sa iyo, pero ang alkohol ay nagpapatuloy sa iyong daluyan ng dugo hanggang sa iyon ay tunawin ng iyong atay sa bilis na mga kalahating onsa ng alkohol por ora.
5. MALI. Maraming bagay, gaya ng timbang ng iyong katawan at maging kung ikaw ay kumain na o hindi, ay makaiimpluwensiya sa magiging epekto ng alkohol sa iyo.
6. MALI. Ang kalasingan ay naglalarawan ng resulta ng labis na pag-inom. Ang alkoholismo ay nakikilala sa pamamagitan ng kawalan ng pagpipigil sa pag-inom. Gayunman, hindi lahat ng nalalasing ay isang alkoholiko, at hindi lahat ng alkoholiko ay nalalasing.
7. TAMA. Kapag inihalo sa alkohol, ang ilang droga ay nagdaragdag nang malaki sa karaniwang reaksiyon na inaasahan sa alkohol o sa mismong droga lamang. Halimbawa, ang pagsasama ng alkohol at tranquilizers o pampakalma ay magbubunga ng matinding withdrawal symptoms, pagkawalang-malay, at maging ng kamatayan. Samakatuwid, ang isang pag-inom at ang isang pilduras ay may mas matinding epekto kaysa sa iyong inaakala. Tunay, ang epekto ng droga ay nagiging tatlong ulit, apat na ulit, sampung ulit, o maging higit pa!
8. MALI. Ang pagkalasing ay isang resulta ng kabuuan ng nainom na alkohol, maging iyon man ay sa gin, whiskey, vodka, o anuman.
9. MALI. Ang alkohol ay hindi kailangang tunawing dahan-dahan na tulad ng nararapat sa karamihan ng ibang pagkain. Sa halip, mga 20 porsiyento ang kapagdaka’y lumulusot sa mga bumabalot sa tiyan tungo sa daluyan ng dugo. Ang iba ay pumupunta mula sa tiyan tungo sa maliit na bituka, at mula roon iyon ay sumasama sa daluyan ng dugo.
[Kahon/Mga Larawan sa pahina 266, 267]
Pagmamaneho at Pag-inom—Isang Nakamamatay na Kombinasyon
“Ang pagmamaneho nang lasing ay siyang nangungunang dahilan ng kamatayan ng mga kabataan na edad 16-24,” ang sabi ng 1984 Report on the National Conference for Youth on Drinking and Driving. Ang totoo, “ang isang tinedyer ay apat na beses ang kalamangan na magkaroon ng aksidenteng may kaugnayan sa alkohol kaysa sa ibang mga nagmamaneho.” (Just Along for the Ride) Ang ganoong di-kinakailangang madugong kamatayan ay sa isang bahagi dahilan sa pananatili ng maraming haka-haka tungkol sa epekto ng alkolhol. Narito ang ilan sa mga karaniwang halimbawa:
HAKA-HAKA: Ligtas pa rin ang pagmamaneho kung dalawang bote lamang ng serbesa ang iyong nainom.
KATOTOHANAN: “Ang alkohol sa dalawang 12-onsang bote ng serbesa na ininom sa wala pang isang oras ay makapagpapabagal sa pagpepreno ng isang nagmamaneho nang ika-2/5 ng isang segundo—na mangangahulugang isang sasakyang tumatakbo sa bilis na 90 kilometro por ora ay patuloy na tatakbo pa nang 10 metro bago mapahinto—na kaypala’y siyang kaibahan ng pagkabangga at pagkaligtas.”—Development of a Traffic Safety and Alcohol Program for Senior Adults, ni James L. Malfetti, Ed.D., at Darlene J. Winter, Ph.D.
HAKA-HAKA: Okey lang ang magmaneho basta hindi ka nakakaramdam ng kalasingan.
KATOTOHANAN: Mapanganib ang umasa sa kung ano ang iyong nararamdaman. Ang alkohol ay nagdudulot ng maling akala sa iyong kakayahan, na nag-aakalang kaya ng nakainom ang kaniyang katawan, samantalang ang totoo ay nabawasan ang kaniyang kakayahan.
Kung papaanong iyon ay mapanganib kaninuman na pagsamahin ang pag-inom at pagmamaneho, mas peligroso para sa mga kabataan. Ang pamamaraan ng pagmamaneho ng mga kabataang umiinom ay “mas madaling sumamâ kaysa sa mga may edad sa dahilang sila’y mas mga baguhan at hindi laging isinasagawa iyon. Sa maikli, ang karamihan sa mga tinedyer ay mga walang-karanasang driver at walang karanasang manginginom, at lalong walang karanasan sa pagsasama ng pag-inom at pagmamaneho.”—Senior Adults, Traffic Safety and Alcohol Program Leader’s Guide, ni Darlene J. Winter, Ph.D.
Mas kaunting alkohol lamang ang kailangan upang malasing ang kabataan kaysa sa may edad. Karaniwan nang mas magaang ang mga kabataan kaysa sa may edad, at habang bumababa ang timbang ng isa, mas kakaunting tubig mayroon sa kaniyang katawan na hahalo sa alkohol na ininom niya. Habang tumataas ang pagiging puro ng alkohol sa iyong daluyan ng dugo, lalong madali kang malasing.
“Ang matalino ay nakakakita ng kasamaan at nagkukubli, ngunit dinaraanan ng musmos at nagtitiis.” (Kawikaan 22:3) Ngayong naibigay na ang kapanganiban ng pagsasama ng pag-inom at pagmamaneho, “matalino” ka kung ipangangako mo sa iyong sarili na hindi mo pagsasamahin ang dalawa. Hindi lamang maiiwasan mo ang nakalulumpo—o nakamamatay—na mga kapinsalaan kundi gayon din nakapagpapakita ka ng paggalang sa buhay ng iba.
Magiging kapasiyahan mo rin na (1) huwag kailanman sasakay sa isang kotse na ang nagmamaneho ay nakainom at (2) huwag kailanman papayagang magmeho ang isang kaibigan kung siya’y nakainom. Maaaring ikasamâ ng loob ito ng iyong kaibigan, subalit pasasalamatan ka niya kapag nagbalik na siya sa kaniyang katinuan.—Ihambing ang Awit 141:5.
[Mga Larawan]
Huwag kailanman sasakay sa isang kotse na ang nagmamaneho ay nakainom, at huwag kailanman papayagang magmaneho ang isang kaibigan kung siya’y nakainom
[Mga Larawan sa pahina 262]
Ang mga kasamahan, telebisyon, at kung minsan maging ang mga magulang man ay nakaiimpluwensiya sa mga kabataan na magsimulang uminom
[Larawan sa pahina 265]
Ang alkohol, kapag mali ang pagkagamit, ay maaaring ‘tumuklaw na parang ahas’
[Mga Larawan sa pahina 269]
Ang pag-inom at pagmamaneho ay madalas na ito ang bunga