Bakit Ayaw Akong Tigilan ng mga Bata?
Kabanata 19
Bakit Ayaw Akong Tigilan ng mga Bata?
Ang paraan ng paglakad ng batang lalaki ay madaling mahalata. Nababahala at hindi nakatitiyak sa sarili, kitang-kitang siya’y naguguluhan sa kaniyang bagong kapaligiran. Ang mas nakatatandang mga estudyante ay madaling nakapansin sa kaniya bilang isang baguhang bata sa paaralan. Sa loob lamang ng ilang sandali ay napaliligiran na siya ng mga kabataang nagsimulang tumuligsa sa kaniya nang may kahalayan! Namumula ang mga tainga, tumakas siya sa pinakamalapit na kanlungan—ang kasilyas. Dinig na dinig ang malakas na tawanan.
ANG panliligalig, panunukso at pag-iinsulto sa iba ay ang mga walang-awang pampalipas-oras ng maraming kabataan. Kahit noong mga panahon ng Bibliya, ang ilang mga kabataan ay nagpakita ng bahid ng kalupitang ito. Halimbawa, isang grupo ng mga kabataang lalaki ay minsang nanlibak kay propeta Eliseo. Bilang paghamak sa kaniyang tungkulin, ang mga kabataan ay walang-galang na sumigaw: “Umahon ka, ikaw na kalbo ang ulo! Umahon ka, ikaw na kalbo ang ulo!” (2 Hari 2:23-25) Sa ngayon, maraming kabataan ang katulad ding mahilig na gumawa ng nakaiinsulto, nakasasakit na mga pangungusap tungkol sa iba.
“Ako ang pinakabansot sa aming ikasiyam na gradong klase,” naaalala ng isa sa mga autor ng Growing Pains in the Classroom. “Ang pagiging pinakamatalino at pinakamaliit na bata sa kuwarto ay isang kapaha-pahamak na kombinasyon para sa junior high: yaong mga ayaw umatake sa akin sa pagiging isang bansot ay umaatake naman sa akin sa pagiging isang matalino. Karagdagan sa aking pagiging ‘apat ang mata,’ tinawag din akong ‘naglalakad na diksiyunaryo,’ at 800 iba pang mga panlalait [nakasasakit na mga salita].” Ang may-akda ng The Loneliness of Children ay nagsususog pa: “Ang mga batang may pisikal na kapintasan, depekto sa pagsasalita, o kakaibang hitsura o kilos ay madaling maging biktima ng panunukso ng ibang mga bata.”
Kung minsan ang mga kabataan ay nagtatanggol sa sarili sa
pagsali sa walang-awang paligsahan: ang pagpapaulan ng masasakit na pang-iinsulto (madalas ay may kinalaman sa mga magulang ng iba) sa isa’t isa. Subalit ang maraming kabataan ay walang kaya sa harap ng panliligalig ng kasamahan. Ang isang kabataan ay nakaaalaala na may mga araw, na dahilan sa panunukso at panliligalig ng mga kaeskuwela, takot na takot siya at hindi maligaya na anupa’t ‘parang naduduwal siya.’ Hindi niya maharap na mabuti ang kaniyang pag-aaral dahil sa pag-aalala sa gagawin sa kaniya ng ibang mga estudyante.Hindi Biru-birong Bagay
Nakaranas ka na bang maging biktima ng kawalang-awa ng kasamahan? Kung gayon, maaaliw kang malaman na hindi ito isang biru-birong bagay sa Diyos. Isaalang-alang ang ulat ng Bibliya sa isang piging na isinaayos upang ipagdiwang ang paghiwalay sa suso ng anak ni Abraham na si Isaac. Maliwanag na naiinggit sa mamanahin ni Isaac, ang nakatatandang anak ni Abraham, si Ismael, ay nagsimulang “tumuya” kay Isaac. Ngunit sa halip na maging mabait na pagbibiro, ang panunukso ay humantong sa ‘pag-uusig.’ (Galacia 4:29) Ang ina ni Isaac, si Sara, sa gayon ay nakadama ng galit sa panunukso. Minalas niya iyon bilang isang lantarang paghamak sa layunin ng Diyos na magluwal ng isang “binhi,” o Mesiyas, sa pamamagitan ng kaniyang anak, si Isaac. Sa kahilingan ni Sara, si Ismael at ang kaniyang ina ay pinaalis sa sambahayan ni Abraham.—Genesis 21:8-14.
Gayundin naman, hindi biru-birong bagay kapag ang mga kabataan ay may masamang hangaring ligaligin ka—lalo na kung ginagawa nila iyon dahilan sa nagsisikap kang mamuhay nangHebreo 11:36) Sila’y nararapat papurihan sa kanilang katapangan sa pagtitiis ng gayong kahihiyan!
ayon sa mga alituntunin ng Bibliya. Ang mga kabataang Kristiyano, halimbawa, ay kilala sa kanilang pagsasabi sa iba ng kanilang pananampalataya. Subalit, tulad ng sinabi ng isang grupo ng kabataang mga saksi ni Jehova: “Ang mga bata sa paaralan ay nanunukso sa amin sapagkat nangangaral kami sa bahay-bahay, at kami’y kanilang kinukutya dahil doon.” Oo, tulad ng mga tapat na lingkod ng Diyos noong sinaunang panahon, maraming mga kabataang Kristiyano ang tumanggap ng “pag-uusig sa pamamagitan ng panunuya.” (Kung Bakit Nila Ginagawa Iyon
Gayumpaman, marahil ay mag-iisip ka kung papaano ka titigilan ng iyong mga tagapagpahirap. Una, isaalang-alang kung bakit nagkakaroon ng panunukso. “Maging sa pagtawa man ang puso ay nagiging mapanglaw,” ang sabi ng Bibliya sa Kawikaan 14:13. Nagkakaroon ng pagtatawanan kapag ang isang grupo ng kabataan ay may nililigalig na iba. Subalit hindi sila ‘masayang nagsisiawit dahil sa kagalakan ng puso.’ (Isaias 65:14) Madalas na ang pagtawa ay isa lamang pagtatakip ng pagkaligalig sa kalooban. Sa likod ng pagtatapang-tapangan, ang tagapagpahirap ay maaaring sa katunayan ay nagsasabing: ‘Ayaw namin sa aming sarili, pero ang panghihiya sa iba ay nakagiginhawa sa amin.’
Ang paninibugho ay nagiging dahilan din ng pag-atake. Alalahanin ang ulat ng Bibliya tungkol sa isang tinedyer na si Jose, na ang kaniyang sariling mga kapatid ay tumuligsa sa kaniya sapagkat siya ang paborito ng kaniyang ama. Ang matinding paninibugho ay umakay hindi lamang sa bibigang pang-aabuso kundi maging sa pag-iisip na pumatay! (Genesis 37:4, 11, 20) Katulad din sa ngayon, ang isang estudyanteng may pambihirang talino o paborito ng mga guro ay nakapupukaw ng paninibugho ng kaniyang mga kasamahan. Ang pang-iinsulto ay waring nagpapakitang ‘hindi siya ganoong kagaling.’
Ang kawalan ng seguridad, paninibugho, at mababang pagtingin sa sarili ay samakatuwid siyang madalas na dahilan ng panlilibak. Bakit, kung gayon, iwawala mo ang iyong pagpapahalaga sa sarili dahil lamang sa ang ilang mga kabataan ay nagwala ng sa kanila?
Pagpigil sa Panliligalig
“Maligaya ang tao na . . . hindi lumalakad sa payo ng mga balakyot,” ang sabi ng mang-aawit. (Awit 1:1) Ang pagsali sa panlilibak upang mailihis ang atensiyon mula sa iyong sarili ay magpapahaba lamang ng patuluyang pang-iinsulto. Ang payo na “Huwag gumanti ng masama sa masama. . . . Patuloy na daigin ninyo ng mabuti ang masama” ay maka-Diyos.—Roma 12:17-21.
Ang Eclesiastes 7:9 ay nagsasabi pa: “Huwag kang madaling magalit, sapagkat ang galit ay nagpapahinga sa sinapupunan ng mga mangmang.” Oo, bakit mo iintindihing mabuti ang panunukso? Totoo, masakit kapag tinutukso ka ng isa tungkol sa iyong anyo o pinagtatawanan ang iyong mga pilat sa mukha. Gayumpaman, ang mga sinasabi, bagaman hindi magandang pakinggan, ay hindi naman laging may masamang hangarin. Kaya kung ang isa ay walang kamalay-malay—o kahit na sinasadya—na nasaling ang damdamin mo, bakit ka masasaktan? Kung ang sinabi naman ay hindi masagwa o malaswa, pagtawanan na lamang iyon. May “panahon para sa pagtawa,” at ang paghihinanakit sa pagbibiro ay maaaring labis naman.—Eclesiastes 3:4.
Subalit papaano kung ang panunukso ay malupit o mapanira pa nga? Tandaan na ang mga manunuya ay nagnanais na masiyahan sa iyong reaksiyon, pagtawanan ang iyong paghihirap ng loob. Ang pagganti, pagiging mapagtanggol sa sarili, o pag-iyak ay malamang na lalong mag-udyok sa kaniya upang ipagpatuloy ang panliligalig. Bakit mo siya bibigyan ng kasiyahan na makita kang nagagalit? Ang pinakamabuting paraan ng pagsangga sa mga insulto ay ang hindi pagbibigay-pansin sa mga ito.
Si Haring Solomon ay nagsabi pa: “Gayundin, huwag mong ilaan ang iyong puso sa lahat ng salita na sinasabi ng mga tao [“Huwag ka rin namang makinig sa lahat ng sinasabi ng mga tao”—Today’s English Version], baka marinig mong isinusumpa ka ng iyong alipin. Sapagkat madalas ding nalalaman ng iyong sariling puso na ikaw man ay sumumpa rin sa mga iba.” (Eclesiastes 7:21, 22) Ang ‘pagdibdib’ sa mga mapang-aglahing salita ng mga manunuya ay mangangahulugan ng labis na pag-aalala sa kanilang paghatol sa iyo. Ang kanila bang paghatol ay may katibayan? Si apostol Pablo ay walang-katarungang inatake ng naninibughong mga kasamahan, ngunit sumagot siya: “Datapuwat sa ganang akin ay isang bagay na totoong maliit ang ako’y siyasatin ninyo o ng hukuman ng tao. . . . Ang nagsisiyasat sa akin ay si Jehova.” (1 Corinto 4:3, 4) Ang relasyon ni Pablo kay Jehova ay gayon na lamang kung kaya taglay niya ang tiwala at panloob na kalakasan upang makayanan ang di-makatarungang mga pag-atake.
Pagpapasikat ng Iyong Liwanag
Kung minsan ikaw ay tinutukso dahil sa iyong paraan ng pamumuhay bilang isang Kristiyano. Si Jesu-Kristo man ay kinailangang magtiis ng gayong “pag-alipusta.” (Hebreo 12:3) Si Jeremias din ay “naging katatawanan buong maghapon” dahilan sa buong tapang na pagsasalita tungkol sa mensahe ni Jehova. Totoong walang-lubay ang panliligalig anupa’t pansamantalang naiwala ni Jeremias ang kaniyang sigla. “Hindi ko na siya [Jehova] babanggitin, at hindi na ako magsasalita sa kaniyang pangalan,” ang disisyon niya. Gayunman, ang kaniyang pag-ibig sa Diyos at sa katotohanan ang sa wakas ay nagbunsod sa kaniya upang mapaglabanan ang kaniyang takot.—Jeremias 20:7-9.
Ang ilang mga kabataan sa ngayon ay nakadama rin ng gayong panghihina ng loob. Nasasabik na matigil na ang panunukso, ang ilan ay sumubok na itago ang katotohanang sila’y mga Kristiyano. Subalit ang pag-ibig sa Diyos ang madalas na sa wakas ay nagpapakilos sa mga ito na mapagtagumpayan ang kanilang takot at ‘mapasikat ang kanilang liwanag’! (Mateo 5:16) Ang isang tinedyer na lalaki, halimbawa, ay nagsabi: “Nabago ang aking palagay. Tumigil ako sa maling pangmalas na ang pagiging isang Kristiyano ay isang pabigat na mahirap dalhin at nagsimulang malasin iyon bilang isang bagay na dapat ipagmapuri.” Ikaw man ay maaaring “magmalaki” sa pribilehiyong makilala ang Diyos at sa paggamit sa iyo upang tumulong sa iba.—1 Corinto 1:31.
Gayunman, huwag nawang lumikha ng pagkagalit sa pamamagitan ng palaging pamimintas sa iba o sa pagbibigay sa iba ng impresyon na sa akala mo’y mas mataas ka sa kanila. Kapag nagkaroon ng pagkakataong masabi ang iyong pinaniniwalaan,1 Pedro 3:15) Ang iyong reputasyon ng mabuting asal ay maaaring siyang iyong pinakamahalagang proteksiyon samantalang ikaw ay nasa paaralan. Bagaman hindi nagugustuhan ng iba ang iyong magiting na paninindigan, madalas na sila’y may-pagkainggit na gagalang sa iyo dahil doon.
isagawa iyon, ngunit sa paraang may “kahinahunan at taimtim na paggalang.” (Ang isang batang babaing si Vanessa ay niligalig ng isang grupo ng mga batang babae na anupa’t sinasaktan siya, itinutulak siya, inihuhulog ang kaniyang hawak na mga aklat—para lamang lumikha ng pag-aaway. Binuhusan pa man din siya ng ínuming tsokolate sa ulo at sa kaniyang malinis na puting damit. Gayunman ay hindi siya napadala sa panggagalit. Makaraan ang ilang panahon, nakita ni Vanessa ang lider ng grupong iyon sa isang kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova! “Galit ako sa iyo . . . ,” ang sabi ng dating mapang-api. “Gusto kong makitang magalit ka kahit minsan lang.” Gayumpaman, ang kaniyang labis na pagnanais na malaman ang dahilan ng pananatili ng kahinahunan ni Vanessa ang nag-udyok sa pagtanggap niya ng isang pag-aaral sa Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. “Naakit ako sa aking natutuhan,” ang pagpapatuloy niya, “at bukas ay babautismuhan ako.”
Kaya huwag hayaang ang “pag-alipusta” ng iyong mga kasamahan ay makasira ng iyong espiritu. Kapag angkop, daanin mo na lamang sa pagtawa. Gantihan ng mabuti ang masama. Iwasang magatungan ang pag-aaway, at darating ang panahon na ang iyong mga tagapagpahirap ay hindi na gaanong makasusumpong ng kasiyahan sa panlilibak sa iyo, sapagkat “sa “kakulangan ng gatong ay namamatay ang apoy.”—Kawikaan 26:20.
Mga Tanong para sa Talakayan
◻ Papaano minamalas ng Diyos silang tumutukso nang walang-awa sa iba?
◻ Ano ang madalas na nasa likod ng panliligalig ng mga kabataan?
◻ Papaano mo mababawasan o mapipigil man din ang panunuya?
◻ Bakit mahalaga na “pasikatin [mo] ang iyong liwanag” sa paaralan, kahit na ang iba ay tumutukso sa iyo?
◻ Anong mga hakbangin ang maaari mong kunin upang mapangalagaan mo ang iyong sarili sa pandarahas sa paaralan?
[Blurb sa pahina 155]
Sa likod ng pagtatapang-tapangan, ang tagapagpahirap ay maaaring sa katunayan ay nagsasabing: ‘Ayaw namin sa aming sarili, pero ang panghihiya sa iba ay nakapag- papaligaya sa amin’
[Kahon sa pahina 152]
Papaano Ko Maiiwasan ang Magulpi?
‘Isinasapanganib mo ang iyong buhay kapag ikaw ay pumapasok.’ Iyan ang sabi ng maraming mga estudyante. Subalit ang pagdadala ng sandata ay kamangmangan at umaakay ng gulo. (Kawikaan 11:27) Papaano, kung gayon, maipagtatanggol mo ang iyong sarili?
Alamin at iwasan ang mapanganib na mga lugar. Ang mga pasilyo, nakasaradong mga hagdanan, at mga locker rooms ay tunay na mga dako ng gulo sa ilang mga paaralan. At ang pinakapopular ay ang mga kasilyas bilang dakong pulungan para sa pag-aaway at sa paggamit ng droga na dahil dito’y minamabuti pa ng maraming mga kabataan na magtiis na lamang kaysa pumasok dito.
Mag-ingat sa iyong pakikisama. Madalas na napapasubo sa away ang isang kabataan dahil lamang sa siya’y nakisama sa masamang grupo. (Tingnan ang Kawikaan 22:24, 25.) Siyempre pa, ang hindi pagbati sa iyong mga kaeskuwela ay magpapalayo sa kanila o magpapagalit sa kanila. Kung ikaw ay palakaibigan at mapitagan sa kanila, baka sakaling tigilan ka na.
Lumayo sa pag-aaway. Iwasang “hamunin ang isa’t isa sa isang labanan.” (Galacia 5:26, talababa) Kahit na ikaw ang nanalo sa pag-aaway, ang iyong kalaban ay maghihintay lamang ng mabuting pagkakataon para sa muling paglalaban. Kaya sa pasimula pa lamang ay ipakipag-usap mo na ang pag-iwas sa pag-aaway. (Kawikaan 15:1) Kung ang pakikipag-usap ay hindi naging mabisa, lumisan—o tumalilis pa nga—mula sa isang marahas na komprontasyon. Tandaan, “Ang buháy na aso ay mas maigi kaysa isang patay na leon.” (Eclesiastes 9:4) Bilang huling paraan, kunin ang anumang makatuwirang kaparaanan na kakailanganin upang ipagsanggalang at ipagtanggol ang sarili.—Roma 12:18.
Makipag-usap sa iyong mga magulang. “Bihirang isumbong ng [mga kabataan] sa kanilang mga magulang ang kanilang takot sa paaralan, dahil sa pangambang baka isipin ng mga magulang na sila’y duwag o kaya’y sumbatan sila dahil sa hindi makaharap sa mga mapang-api.” (The Loneliness of Children) Subalit kadalasan nang ang pakikialam ng isang magulang ay siya lamang paraan upang pahintuin ang gulo.
Manalangin sa Diyos. Hindi ginagarantiyahan ng Diyos na ikaw ay hindi masasaktan. Subalit mabibigyan ka niya ng katapangan na harapin ang pakikipagkomprontasyon at ng karunungang kinakailangan upang palamigin ang situwasyon.—Santiago 1:5.
[Larawan sa pahina 151]
Maraming kabataan ang biktima ng panliligalig ng kasamahan
[Larawan sa pahina 154]
Ang manunuya ay nagnanais na pagtawanan ang iyong paghihirap ng loob. Ang pagganti, o pag-iyak ay lalo pang mag-uudyok sa higit pang panliligalig
[Larawan sa pahina 156]
Daanin mo na lamang sa pagtawa kapag tinutukso