Katapatan—Talaga Bang Ito ang Pinakamabuting Patakaran?
Kabanata 27
Katapatan—Talaga Bang Ito ang Pinakamabuting Patakaran?
IKAW ba ay natukso nang magsinungaling? Sinabi ni Donald sa nanay niya na tapós na niyang linisin ang kaniyang kuwarto bagaman, sa totoo lang ay, itinago niya ang lahat sa ilalim ng kaniyang kama. Si Richard ay gumawa rin ng ganitong kababaw na dahilan upang lokohin ang kaniyang mga magulang. Sinabi niya na bumagsak ang kaniyang marka, hindi dahil sa tamad siyang mag-aral, kundi dahil sa ‘mahirap makasundo ang kaniyang guro.’
Ang ganitong mga taktika ay madalas mahalata ng mga magulang at iba pang maygulang na tao. Pero hindi humahadlang ito sa maraming kabataan na kahit paano’y sikapin pa ring magsinungaling, pilipitin ang katotohanan, o tahasang mandaya kapag waring ito ay pakikinabangan. Kung sa bagay, hindi laging mahinahon ang pakikitungo ng mga magulang sa suliranin. Kaya kapag naatraso ka ng dalawang oras sa pag-uwi, parang natutukso kang magsabi na naging matrapik dahil sa isang aksidente, sa halip na sabihin sa iyong magulang ang nakahihiyang katotohanan—na talagang nalibang ka sa oras.
Ang paaralan ay maaaring magharap ng isa pang hamon sa katapatan. Ang mga estudyante ay nadadamihan sa kanilang homework. Madalas ay mahigpit ang pagpapaligsahan. Sa Estados Unidos lamang, ayon sa mga surbey ay mahigit kalahati ng lahat ng estudyante ang nandaraya o nakapandaya na. Ngunit bagaman tila naaakit ka ring magsinungaling, at ito ang paraan para madaling makalusot, talaga bang sulit ang pandaraya?
Pagsisinungaling—Bakit Hindi Sulit
Baka sa oras na yaon ay kapakipakinabang ang magsinungaling upang makaiwas sa parusa. Ngunit may babala ang Bibliya: “Ang nagsasalita ng mga kasinungalingan ay hindi makatatakas.” (Kawikaan 19:5) Malamang na mabunyag ang kasinungalingan at maparusahan ka rin. Kaya lalong magagalit ang iyong mga magulang hindi lamang dahil sa una mong kasalanan kundi dahil sa nagsinungaling ka pa sa kanila!
Kumusta ang pandaraya sa paaralan? Sinabi ng isang guidance counselor: “Ang sinumang estudyante na nandaraya sa paaralan ay nanganganib na puminsala sa kaniyang hinaharap na mga pagkakataon sa pag-aaral at pagtatrabaho.”
Totoo, waring marami nga ang nakalulusot. Baka nga makapasa ka dahil sa pandaraya, pero ano ang epekto nito sa hinaharap? Tiyak na sasang-ayon ka na kamangmangan ang mandaya sa inyong klase sa paglangoy. Sino ba ang gustong maiwan sa tuyong lupa gayong lahat ay nagkakatuwaan sa
tubig! At sakaling may magtulak sa iyo sa swimming pool, ang pandaraya mo ang maglulunod sa iyo!Kumusta ang pandaraya sa matematika o pagbasa? Totoo, ang resulta—sa pasimula—ay maaaring di-gaanong dramatiko na gaya ng nabanggit. Subalit, kung hindi mo napasulong ang iyong saligang mga kakayahan sa pag-aaral, baka “malunod” ka sa paghahanap ng trabaho! At ang diploma na nakuha mo sa pandaraya ay hindi magiging mabisang salbabida para sa iyo. Sinasabi ng Bibliya: “Ang pagtatamo ng kayamanan sa pamamagitan ng sinungaling na dila ay singaw na tinatangay na paroo’t parito.” (Kawikaan 21:6) Ang alinmang bentaha na dulot ng pagsisinungaling ay agad naglalahong gaya ng bula. Mas mabuti talaga kung uupo ka at mag-aaral, imbis na magsinungaling at mandaya sa paaralan! “Ang mga pag-iisip ng masipag ay tiyak na patungo sa kasaganaan,” sabi ng Kawikaan 21:5.
Ang Pagsisinungaling at ang Iyong Budhi
Ang dalagitang si Michelle ay may kasinungalingang nagparatang sa kaniyang kapatid na binasag nito ang paborito niyang abubot, bagaman napilitan din siyang umamin sa magulang na siya’y nagsinungaling. “Nabahala talaga ako,” paliwanag ni Michelle. “Nagtiwala sa akin ang mga magulang ko, pero nilokoRoma 2:14, 15) Si Michelle ay inusig ng kaniyang budhi.
ko sila.” Idinidiin nito kung papaanong ang budhi ay inilakip ng Diyos sa tao. (Kung sa bagay, puwedeng pabayaan ng isa ang kaniyang budhi. Subalit mientras nagsisinungaling siya, lalo lamang siyang nagiging manhid sa kasalanan—‘hineherohan ang kaniyang budhi ng wari’y bakal na nagbabaga.’ (1 Timoteo 4:2) Talaga bang gusto mong magkaroon ng isang manhid na budhi?
Ang Pangmalas ng Diyos sa Pagsisinungaling
“Ang sinungaling na dila” ay isa sa mga bagay na “ipinagtatanim ni Jehova.” (Kawikaan 6:16, 17) Kasi, si Satanas na Diyablo mismo ang “ama ng kasinungalingan.” (Juan 8:44) At hindi pinalalampas ng Bibliya ang di-umano’y mga maliliit na kasinungalingan (white lies). “Alinmang kasinungalingan ay hindi sa katotohanan.”—1 Juan 2:21.
Kaya ang katapatan ay dapat maging patakaran ng lahat ng gustong maging kaibigan ng Diyos. Nagtatanong ang ika-15 Awit: “O Jehova, sino ang makapanunuluyan sa iyong tabernakulo? Sino ang tatahan sa iyong banal na bundok?” (Aw 15 Bersikulo 1) Isaalang-alang natin ang sagot na ibinibigay sa sumusunod na apat na bersikulo:
“Siyang lumalakad nang walang kapintasan at gumagawa nang matuwid at nagsasalita ng katotohanan sa kaniyang puso.” (Aw 15 Bersikulo 2) Ganito ba ang isang maninikwat o isang mandaraya? Ito ba ay isa na nagsisinungaling sa kaniyang magulang o isang mapagpaimbabaw? Mahirap mangyari! Kaya kung gusto mong maging kaibigan ng Diyos, dapat kang maging matapat, hindi lamang sa kilos kundi maging sa iyong puso din naman.
“Siyang hindi naninirang-puri ng kaniyang dila. Ni gumagawa man ng kasamaan sa kaniyang kaibigan, ni dumudusta man sa kaniyang kapuwa.” (Aw 15 Bersikulo 3) Mahilig ka bang makibarkada sa mga kabataan na nagbibitiw ng malulupit, masasakit na komento tungkol sa iba? Linangin ang tibay ng loob na kailangan upang maiwasan ang pakikibahagi sa gayong usapan.
“Sa kaniyang mga mata ay nasisiphayo ang masama, ngunit nagbibigay-puri sa mga natatakot kay Jehova. Siyang sumusumpa sa kaniyang sariling ikasasama, at hindi nagbabago.” (Aw 15 Bersikulo 4) Huwag makikipagkaibigan sa mga kabataan na sinungaling, mandaraya, mahilig sa kahalayan; aasa sila na gagaya ka rin sa kanila. Ganito ang obserbasyon ng binatang si Bobby: “Ipahahamak ka ng isang kaibigan na hihikayat sa iyo na magsinungaling. Hindi siya kaibigan na mapagkakatiwalaan.” Humanap ng mga kaibigan na may paggalang sa mga pamantayan ng katapatan.—Ihambing ang Awit 26:4.
Napansin mo ba na pinahahalagahan, o ‘pinapupurihan’, ni Jehova ang mga tapat sa kanilang salita? Baka nangako ka na tutulong sa bahay sa Sabadong ito, pero inanyayahan ka na magbasketbol sa hapong yaon. Wawaling-halaga mo ba ang iyong pangako at sasama sa iyong mga kaibigan, na iniiwan ang trabaho sa iyong mga magulang, o tutuparin mo ba ang iyong salita?
“Siyang hindi naglalabas ng kaniyang salapi sa patubo, ni kumukuha man ng suhol laban sa walang sala. Siyang gumagawa ng mga bagay na ito ay hindi makikilos kailanman.” (Aw 15 Bersikulo 5) Hindi ba totoo na kasakiman ang pangunahing sanhi ng pandaraya at panloloko? Ang mga estudyante na nandaraya sa eksamen ay sakim sa matataas na marka kahit na hindi naman sila nag-aral. Ang mga tumatanggap ng suhol ay mas nagpapahalaga sa pera kaysa sa katarungan.
Totoo, baka sabihin ng iba na maraming pulitiko at negosyante ang yumayaman sa pandaraya. Subalit gaano katatag ang tagumpay ng mga taong ito? Sumasagot ang Awit 37:2: “Sapagkat sila’y malalantang gaya ng damo, at matutuyong gaya ng sariwang damo.” Hindi man sila mahuli o mapahiya, hindi rin sila makaiiwas sa paghatol ni Jehova. Gayunman, ang mga kaibigan ni Jehova ay “hindi makikilos kailanman.” Tinitiyak ang kanilang walang-hanggang kinabukasan.
Paglinang sa “Isang Mabuting Budhi”
Kaya, hindi ba may matibay na dahilan na iwasan ang alinmang uri ng pagsisinungaling? Sinabi ni apostol Pablo tungkol sa sarili at sa kaniyang mga kasama: “Naniniwala kaming lubos na kami ay may mabuting budhi.” (Hebreo 13:18) Ganito rin ba kasensitibo ang iyong budhi sa kasinungalingan? Kung hindi, sanayin ito sa pamamagitan ng pag-aaral ng Bibliya at mga babasahin sa Bibliya na gaya ng Ang Bantayan at Gumising!
Ganito ang ginawa ni Bobby, at mabuti ang mga resulta. Natuto siya na huwag magtakip ng mga kasalanan sa pamamagitan ng sala-salabat na kasinungalingan. Inuudyukan siya ng budhi na lumapit sa kaniyang magulang at tapatang makipag-usap sa kanila tungkol sa mga suliranin. Kung minsan ang ibinubunga nito ay pagdisiplina sa kaniya. Sa kabila nito, inaamin niya na ‘mas nakahihinga siya nang maluwag’ dahil sa pagiging matapat.
Ang pagsasalita ng katotohanan ay hindi laging madali. Pero ang isa na disididong magsabi ng katotohanan ay mananatiling malinis ang budhi, magkakaroon ng mabuting ugnayan sa kaniyang tunay na mga kaibigan, at higit sa lahat, pribilehiyo niya na maging “panauhin” sa tabernakulo ng Diyos. Kaya nga, ang katapatan ay hindi lamang pinakamabuting patakaran, ito ang tamang patakaran para sa lahat ng Kristiyano.
Mga Tanong Para sa Talakayan
◻ Ano ang ilan sa mga situwasyon na kung saan nakatutukso ang magsinungaling?
◻ Bakit hindi sulit ang magsinungaling o mandaya? Mailalarawan mo ba ito buhat sa personal na obserbasyon o karanasan?
◻ Papaano pinipinsala ng isang sinungaling ang kaniyang budhi?
◻ Basahin ang Awit 15. Papaano kumakapit ang mga bersikulo sa isyu ng katapatan?
◻ Papaano malilinang ng kabataan ang isang malinis na budhi?
[Blurb sa pahina 213]
‘Ang sinumang estudyante na nandaraya sa paaralan ay nanganganib na puminsala sa hinaharap na mga pagkakataon’
[Blurb sa pahina 216]
Hindi pinalalampas ng Bibliya ang di-umano’y mga maliliit na kasinungalingan (white lies)
[Larawan sa pahina 214]
Karaniwan nang nahahalata ng mga magulang ang mabababaw na dahilan sa pagiging masuwayin