Tama Kaya ang Pakikipagtalik Muna Bago ang Kasal?
Kabanata 23
Tama Kaya ang Pakikipagtalik Muna Bago ang Kasal?
‘KUNG nag-iibigan kayo sa isa’t isa, tama ba iyon? O dapat na maghintay muna hanggang sa kayo’y makasal?’ ‘Ako’y birhen pa. May diperensiya ba sa akin?’ Napakarami ng ganitong mga tanong sa gitna ng mga kabataan.
Gayunman, “Bihirang-bihira sa isang kabataan ang hindi pa nakararanas makipagtalik samantalang tinedyer pa,” ang pagwawakas ng Alan Guttmacher Institute sa ulat nito noong 1981. “Walo sa bawat 10 lalaki at pito sa bawat 10 babae ang nagsasabing nakipagtalik na samantalang tinedyer pa.”
‘At bakit naman hindi?’ marahil itatanong mo. Kung sa bagay, natural lang naman na magnais kang makadama na ikaw ay minamahal. At yamang ikaw ay bata pa, ang silakbo ng iyong damdamin ay gayon na lamang katindi anupa’t mahirap nang paglabanan. Isa pa, nariyan ang impluwensiya ng iyong mga kasamahan. Maaaring sabihin nila sa iyo na ang pagtatalik bago ang kasal ay nakaaaliw at na kapag talagang minamahal mo ang isa, natural lamang na gusto mong maging malapít. Ang ilan ay nagsasabi pa man din na ang pakikipagtalik ay nagpapatunay sa iyong pagiging tunay na lalaki at tunay na babae. Dahil ayaw mong masabing ikaw ay naiiba, napapalagay ka ngayon sa kagipitan upang subukan din ang relasyong seksuwal.
Naiiba sa karaniwang opinyon, hindi lahat ng kabataan ay nagmamadaling isuko ang kanilang kapurihan. Kuning halimbawa ang isang dalagang nagngangalang Esther. Siya’y nagpapatingin noon sa doktor nang walang anu-ano ay tanungin siya: “Ano ang ginagamit mong contraceptive?” Nang sagutin siya ni Esther na, “Wala akong ginagamit na anuman,” ang kaniyang doktor ay napabulalas: “Ano! Ibig mo bang magdalantao? Papaano ka makatitiyak na hindi ka magdadalantao kung hindi ka gagamit ng anuman?” Sumagot si Esther: “Sapagkat hindi naman ako nakikipagtalik!”
Napatitig sa kaniya ang kaniyang doktor na hindi makapaniwala. “Hindi ito kapani-paniwala,” ang sabi niya. “Ang mga batang 13 taóng gulang ay naparirito at sila’y hindi na mga ‘dalaga.’ Ikaw ay isang pambihirang tao.”
Ano ang dahilan at naging “pambihira” si Esther? Sinunod niya ang paalaala ng Bibliya: “Subalit ang katawan ay hindi para sa pakikiapid [kasali na ang pakikipagtalik bago ang kasal] . . . Magsitakas kayo sa pakikiapid.” (1 Corinto 6:13, 18) Oo, nakilala niyang ang pakikipagtalik bago ang kasal ay isang malubhang pagkakasala laban sa Diyos! “Ito ang kalooban ng Diyos,” ang sabi ng 1 Tesalonica 4:3, “na kayo’y lumayo sa pakikiapid.” Subalit, bakit ipinagbawal ng Bibliya ang pakikipagtalik bago ang kasal?
Mga Huling-Wakas
Kahit sa panahon ng Bibliya, ang ilan ay nagsasagawa ng pakikipagtalik bago ang kasal. Ang isang imoral na babae ay maaaring mag-anyaya sa isang kabataang lalaki upang magpakasawa, na nagsasabing: “Parito ka, tayo’y magpakasiya sa pagsisintahan hanggang sa kinaumagahan; magpakasaya tayo sa mga pagsisintahan.” (Kawikaan 7:18) Ang Bibliya, gayunman, ay nagbabala na ang kasiyahang tinamasa ngayon ay maaaring magdulot ng kalungkutan kinabukasan. “Sapagkat buhat sa mga labi ng masamang babae ay patuloy na tumutulo ang pulot, at ang kaniyang bibig ay madulas kaysa langis,” ang puna ni Solomon. “Ngunit,” ang patuloy niya, “ang huling-wakas ay mapait kaysa ahenho; matalas na parang tabak na may talim sa magkabila.”—Kawikaan 5:3, 4.
Ang isang posibleng maging epekto ay ang pagkahawa sa isang sakit na nakukuha sa pakikipagtalik. Gunigunihin ang lungkot kapag pagkaraan ng ilang mga taon ay napag-alaman mong ang karanasan sa sekso ang naging dahilan ng hindi na maibabalik na kapinsalaan, maaaring hindi na pag-aanak o isang malubhang problema sa kalusugan! Katulad ng ibinababala ng Kawikaan 5:11: “Ikaw ay manangis sa iyong kinabukasan pagka ang iyong laman at ang iyong katawan ay natunaw.” Ang pagtatalik bago ang kasal ay nagbubunga rin ng pagkakaroon ng anak sa pagkakasala (tingnan ang pahina 184-5), aborsyon, at di-napapanahong pag-aasawa—na may masakit na bungang dulot ng bawat isa. Oo, ang isa na nagsasagawa ng pakikipagtalik bago ang kasal ay tunay na ‘nagkakasala sa kaniyang sariling katawan.’—1 Corinto 6:18.
Sa pagkaalam ng mga kapanganibang ito, si Dr. Richard Lee ay sumulat sa Yale Journal of Biology and Medicine: “Ipinagmamalaki natin sa mga kabataan ang tungkol sa ating dakilang pagtatagumpay sa pagsugpo sa pagdadalantao at panlunas sa mga sakit na benereo na niwawalang-bahala ang pinakamapagkakatiwalaan at espesipiko, ang pinakamura at di-nakalalasong panlaban sa kapuwa pagdadalantao at sakit benereo—ang sinauna, marangal, at malusog na kalagayan ng pagiging birhen.”
Pagkadama ng Kasalanan at Kabiguan
Napatunayan pa rin ng maraming kabataan na ang pakikipagtalik bago ang kasal ay naging mapait na kabiguan. Ang resulta? Pagkadama ng kasalanan at kabawasan ng paggalang sa sarili. Ang 23-taóng-gulang na si Dennis ay umamin: “Iyon ay isang malaking pagkabigo—walang nadaramang kabutihan o init ng pagmamahal na siyang nararapat. Sa halip ay dumagok sa akin ang pagkatalos ng kamalian ng aming ginawa. Hiyang-hiya ako sa aking kakulangan ng pagpipigil sa sarili.” Ipinagtapat ng isang dalaga: “Natauhan ako sa isang nakasusuklam na kalagayan. . . . Natapos ang kasayahan at parang ako’y maysakit, walang
halaga, at nakapandidiri. Hindi rin nakabuti sa aking pakiramdam nang marinig ko siyang nagsasabi, ‘Bakit naman hindi mo ako pinigil bago naging huli ang lahat?’”Ang gayong mga reaksiyon ay hindi pambihira, sang-ayon kay Dr. Jay Segal. Pagkatapos na suriin ang seksuwal na mga gawain ng 2,436 na mga estudyante sa kolehiyo, ganito ang kaniyang konklusyon: “Ang di-nakasisiya at bigong unang [seksuwal na pakikipagtalik] mga karanasan ay nakahihigit kaysa sa mga kasiya-siya at kapana-panabik na karanasan sa proporsiyong halos dalawa sa isa. Natatandaan kapuwa ng mga lalaki at babae na sila’y nabigo.” Tanggapin natin, kahit na ang mga mag-asawa kung minsan ay mayroon din ng ganitong mga suliranin kung tungkol sa sekso. Subalit sa pag-aasawa, na may tunay na pagmamahalan at mga sumpaan, ang gayong mga problema ay nalulutas.
Ang Kabayaran ng Walang Patumanggang Sekso
Ang ilang mga kabataan ay hindi nakadarama ng anumang pagkabagabag sa pakikipagsiping, at dahil dito’y wala silang ibang hinahanap kundi kasiyahan sa sekso, na naghahangad ng pakikipagsiping sa iba’t ibang katalik. Ang tagapagsaliksik na si Robert Sorensen, sa kaniyang pagsusuri sa seksuwalidad ng mga kabataan, ay nakapansin na ang mga kabataang ito ay nagbabayad sa kanilang pagiging walang patumangga sa sekso. Ang sulat ni Sorensen: “Sa aming personal na mga interbiyu, ang marami [mga kabataang may iba’t ibang katalik] ay nagsisiwalat . . . na sila’y naniniwalang sila’y walang gaanong layunin sa buhay at
kasiyahan sa sarili.” Apatnapu’t anim na porsiyento sa mga ito ang sumang-ayon sa pahayag na, “Sa aking paraan ng pamumuhay sa ngayon, ang karamihan sa aking mga abilidad ay nasasayang.” Napag-alaman pa rin ni Sorensen na ang mga kabataang ito na may iba’t ibang katalik ay nag-ulat ng mababang “pagtitiwala at pagpapahalaga sa sarili.”Iyo’y katulad lamang ng sinasabi sa Kawikaan 5:9: Silang nagsasagawa ng imoralidad ay ‘nagbibigay sa iba ng [kanilang] karangalan.’
Kinabukasan Pagkatapos
Minsang ang dalawa ay nagkaroon ng bawal na relasyon, madalas na nagbabago ang kanilang tingin sa isa’t isa. Ang isang lalaki ay nakapapansing hindi na kasintindi tulad ng dati ang kaniyang nadarama sa babae; ang tingin niya sa kaniya’y hindi na gaanong kaakit-akit. Ang babae naman, sa kabilang dako, ay nakadaramang siya’y pinagsamantalahan lamang. Alalahanin ang ulat ng Bibliya tungkol sa isang kabataang lalaki na si Amnon at kung gaano ang kaniyang pagnanasa sa malinis na dalagang si Tamar. Gayunman, pagkatapos na masipingan siya, “kinapootan siya ni Amnon na may mahigpit na poot.”—2 Samuel 13:15.
Ang isang babaing nagngangalang Maria ay may katulad na karanasan. Pagkatapos na magkaroon ng seksuwal na relasyon, inamin niya: “Kinamuhian ko ang aking sarili (dahil sa aking kahinaan), at kinamuhian ko rin ang aking kasintahan. Sa katunayan, ang seksuwal na relasyong iyon na ang akala namin ay lalong maglalapit sa amin ay tumapos sa aming ugnayan. Ni hindi ko gustong makita siyang muli.” Oo, sa pakikipagtalik bago ang kasal, ang dalawa ay tumawid sa isang linya na doo’y hindi na sila muling makababalik!
Si Paul H. Landis, isang iginagalang na tagapagsaliksik sa larangan ng buhay pampamilya, ay nakapapansin: “Ang pansamantalang epekto [ng pakikipagtalik bago ang kasal] ay maaaring upang patibayin ang relasyon, subalit ang pangmatagalang epekto nito ay maaaring naiiba.” Tunay, ang dalawang nagtalik na ay mas malamang na maghiwalay kaysa sa nagpigil na gawin yaon!
Ang dahilan? Ang bawal na pagtatalik ay nagbubunga ng pagseselos at di-pagtitiwala. Inamin ng isang kabataan: “Ang ilang mga lalaki, kapag sila’y nakipagsiping, ay nag-iisip ng ganito pagkatapos, ‘kung nagawa niya ito sa akin maaaring gawin din niya ito sa iba.’ Sa katunayan, ganoon din ang aking nadama. . . . Gayon na lamang ang aking pagseselos at pag-aalinlangan, at paghihinala.”Gaano kalayo nito sa tunay na pag-ibig, na “hindi naninibugho, . . . hindi nag-uugaling mahalay, hindi hinahanap ang sariling kapakanan.” (1 Corinto 13:4, 5) Ang pag-ibig na nagtatayo ng isang nagtatagal na relasyon ay hindi batay sa bulag na kapusukan.
Ang mga Kapakinabangan ng Kalinisan—Kapayapaan at Paggalang-sa-Sarili
Gayunman, ang pananatiling malinis ay may nagagawa pa kaysa sa basta matulungan lamang ang kabataan na iwasan ang kahila-hilakbot na mga kapinsalaan. Ang Bibliya ay nagsabi ng tungkol sa isang dalaga na nanatiling malinis sa kabila ng matinding pag-ibig niya sa kaniyang kasintahan. Bilang resulta, buong pagmamalaki niyang masasabi: “Ako’y isang kuta, at ang aking mga suso ay parang mga moog niyaon.” Hindi siya tulad sa isang ‘bumubukas na pinto’ na madaling ‘nabubuksan’ sa ilalim ng imoral na kagipitan. Sa moral na paraan, siya’y nakatayong tulad sa di-maaakyat na kuta na may di-mararating na mga tore! Karapat-dapat siyang tawaging “ang busilak na isa” at maaari niyang masabi tungkol sa kaniyang mapapangasawa ang ganito, “Ako nga’y naging sa harap ng kaniyang mga mata ay parang nakasusumpong ng kapayapaan.” Ang kaniyang pagkakaroon ng kapayapaan ng isip ang nakatulong sa pagkakontento nilang dalawa.—Awit ni Solomon 6:9, 10; 8:9, 10.
Si Esther, ang malinis na babaing nabanggit na, ay may katulad na panloob na kapayapaan at pagpapahalaga-sa-sarili. Ang sabi niya: “Anong buti ng aking pakiramdam sa aking sarili. Kahit na ako ay nililibak ng aking mga kasamahan sa trabaho, minamalas ko ang aking kalinisan na tulad sa isang brilyante, mahalaga sapagkat ito’y lubhang pambihira.” Karagdagan pa, ang mga kabataang tulad ni Esther ay hindi ginagambala ng maruming konsiyensiya. “Wala nang bubuti pa sa pagkakaroon ng isang malinis na konsiyensiya sa harap ni Jehovang Diyos,” ang sabi ni Stefan, isang 19-anyos na Kristiyano.
‘Subalit papaano magkakakilala nang husto ang dalawa kung hindi sila magtatalik?’ ang tanong ng ilang mga kabataan.
Pagpapatibay ng Walang Kupas na Pagmamahalan
Ang basta pakikipagtalik lamang ay hindi makahuhubog ng isang permanenteng relasyon; ni ang pagpapahayag ng pagmamahal, tulad ng paghalik. Ang isang dalagang si Ann ay nagbababala: “Natutuhan ko mula sa karanasan na kung minsan ay masyado kang nagiging malapit sa pisikal nang wala pa sa panahon.” Kapag ang dalawa ay gumugugol ng kanilang panahon sa labis na pagpapakita ng pagmamahalan sa isa’t isa, nawawala ang mas mahahalagang pag-uusap. Sa gayon ay maaaring magbulag-bulagan sila sa malulubhang problema na maaaring lumitaw pagkatapos makasal. Nang magsimula si Ann na makipag-date sa ibang lalaki—siya ring napangasawa niya—nag-ingat siya na huwag maging masyadong malapit sa pisikal. Ang paliwanag ni Ann: “Ginugol namin ang aming panahon sa paglutas ng mga problema
at pag-uusap sa aming mga tunguhin sa buhay. Nakilala ko kung anong uri ng tao ang aking mapapangasawa. Pagkatapos ng kasal, mayroon pa palang mga kasiya-siyang sorpresa.”Mahirap ba para kay Ann at sa kaniyang kasintahan na ipakita ang pagpipigil-sa-sarili? “Oo, mahirap!” inamin ni Ann. “Ako’y isang likas na mapagmahal na tao. Subalit pinag-usapan namin ang kapanganiban at nagtulungan kami sa isa’t isa. Kapuwa namin ibig na paluguran ang Diyos at huwag dungisan ang aming nalalapit na pagpapakasal.”
Subalit hindi ba makatutulong para sa mga bagong asawang lalaki o babae na magkaroon muna ng seksuwal na karanasan bago magpakasal? Hindi, kundi sa kabaligtaran, malimit na binabawasan nito ang matalik na pagsasamahan bilang mag-asawa! Sa mga relasyong bago ang kasal, ang pagpapahalaga ay nasa pagbibigay-kasiyahan sa sarili, ang pisikal na bahagi ng sekso. Pinarurupok ang paggalang sa isa’t isa sa pamamagitan ng walang-pagpipigil na kapusukan. Minsang masanay na sa ganitong sakim na kilos, mahirap na itong sugpuin at sa wakas ay magwawasak sa pagsasama.
Subali’t sa pag-aasawa, ang malinis na pagtatalik ay nangangailangan ng kahinahunan, pagpipigil-sa-sarili. Ang pansin ay kailangang sa pagbibigay, ‘pagbibigay ng seksuwal na kaukulan sa isa,’ sa halip na pagkuha. (1 Corinto 7:3, 4) Ang pananatiling malinis ay tumutulong sa iyo na mapaunlad ang gayong pagpipigil-sa-sarili. Tinuturuan ka nito na unahin ang kapakanan ng iba kaysa sa iyong sariling kagustuhan. Alalahanin din, na ang kasiyahang pangmag-asawa ay hindi lamang nakasalalay sa pisikal na bahagi nito. Ang sosyologong si Seymour Fisher ay nagsasabi na ang seksuwal na pagtugon ng isang babae ay depende rin sa pagkakaroon niya ng “damdamin ng pagkamatalik, pagkamalapi̇́t, at pagkamapananaligan” at gayundin sa “kakayahan [ng asawang lalaki] na makiisa sa kaniyang asawa, at . . . kung gaano kalaki ang pagtitiwala niya sa kaniya.”
Kapansin-pansin, sa pagsusuri sa 177 may asawang babae,Oseas 4:11.
tatlong-kapat sa mga nakipagtalik bago ang kasal ang nag-ulat ng seksuwal na mga suliranin sa loob ng unang dalawang linggo pagkakasal. Bukod pa roon, ang lahat ng nag-ulat ng nagtatagal na seksuwal na suliranin “ay may karanasan din ng pakikipagtalik bago ang kasal.” Ipinakita pa ng pagsasaliksik na ang mga nakipagtalik bago ang kasal ay makalawang beses na malamang na magkasala ng pangangalunya pagkatapos ng kasal! Gaano nga katotoo ang mga salita sa Bibliya na: “Ang pakikiapid ay nag-aalis ng mabuting hangarin.”—Kung gayon, ‘aanihin mo ang iyong itinanim.’ (Galacia 6:7, 8) Magtanim ka ng kapusukan at mag-aani ka nang saganang pag-aalinlangan at kawalan ng katiwasayan. Subalit kung nagtatanim ka ng pagpipigil-sa-sarili, aani ka ng katapatan at katiwasayan. Si Esther, na nabanggit na, ay maligayang namumuhay bilang may-asawa sa loob ng maraming taon na ngayon. Ang sabi ng kaniyang asawa, “Iyon ay hindi maipaliwanag na kaligayahan na makapiling ang aking asawa at malamang kami’y para sa isa’t isa lamang. Walang maaaring ipalit sa pagkadamang ito ng pagtitiwala.”
Silang naghintay hanggang makasal ay nagtatamasa rin ng kapayapaan ng isip, sa pagkaalam na sila’y nakalulugod sa Diyos. Gayunman, ang pananatiling malinis sa mga panahong ito ay napakahirap. Ano ang makatutulong sa iyo na gawin ito?
Mga Tanong para sa Talakayan
◻ Gaano kalaganap ang pakikipagtalik bago ang kasal sa mga kabataang kilala mo? Lumilikha ba ito ng anumang mga problema o kagipitan para sa iyo?
◻ Ano ang ilan sa mga negatibong huling-wakas ng pakikipagtalik bago ang kasal? May kilala ka bang sinumang kabataan na nagdusa sa ganitong paraan?
◻ Ang birth control ba ang sagot sa problema ng pagdadalantao ng kabataan?
◻ Bakit ang ilan ay nakadarama ng pagkakasala at pagkabigo pagkatapos isagawa ang bawal na pakikipagtalik?
◻ Inaakala mo ba na ang relasyong seksuwal ay makatutulong sa isang di-kasal na maging mas malapit sa isa’t isa? Bakit ganiyan ang sagot mo?
◻ Papaano magkakakilalang mabuti ang dalawa samantalang nagde-date?
◻ Ano sa palagay mo ang mga kapakinabangan ng pananatiling malinis hanggang sa makasal?
[Blurb sa pahina 182]
“Bihirang-bihira sa isang kabataan ang hindi pa nakararanas makipagtalik samantalang tinedyer pa.”—The Alan Guttmacher Institute
[Blurb sa pahina 187]
“Iyon ay isang malaking pagkabigo—walang nadaramang kabutihan o init ng pagmamahal na siyang nararapat”
[Blurb sa pahina 190]
Sa pagtatalik bago ang kasal, ang dalawa ay tumawid sa isang linya na doo’y hindi na sila muling makababalik!
[Kahon/Larawan sa pahina 184, 185]
‘Hindi Maaaring Mangyari sa Akin Iyon!’—Ang Suliranin ng Pagdadalantao ng Kabataan
“Mahigit na isa sa 10 tinedyer ang nagdadalantao taun-taon, at tumataas pa ang bilang. Kung hindi magbabago ang kalakaran, apat sa 10 kabataang mga babae ang magdadalantao sa pinakakaunti’y minsan habang sila’y tinedyer pa.” Iyan ang ulat ng Teenage Pregnancy: The Problem That Hasn’t Gone Away. At anong uri ng mga babae ang nagdadalantao? Ang sabi ng magasing Adolescence: “Ang mga nag-aaral nang mga batang babae na nagdadalantao ay mula sa lahat ng antas ng pamumuhay . . . Lahat ng lahi, lahat ng paniniwala, at sa lahat ng panig ng bansa, sa nayon at sa lunsod.”
Iilang batang babae ang aktuwal na may gustong magdalantao. Sa kaniyang kilalang pagsusuri sa 400 nagdadalantaong tinedyer, si Frank Furstenberg, Jr. ay nakapansin na “marami ang paulit-ulit na bumanggit ng ganitong pahayag sa interbiyu, ‘Hindi ko akalaing mangyayari iyon sa akin.’”
Subalit sa pagkamasid na ang ilan sa kanilang mga kaibigan ay nagtamasa ng seksuwal na relasyon nang hindi nagdadalantao, ang ilang mga batang babae ay nag-akalang magagawa rin nila iyon. Sinasabi pa rin ni Furstenberg: “Ang ilan ay bumanggit na hindi nila akalaing sila’y posibleng magdalantao ‘agad-agad.’ Ang iba ay nag-akala na kung ‘paminsan-minsan’ lamang na sila’y magkakaroon ng seksuwal na relasyon ay hindi sila magdadalantao . . . Habang nagtatagal na hindi sila naglilihi, lalo namang inilalagay nila ang kanilang sarili sa kapanganiban.”
Ang katotohanan ay, kailanman at ang isa ay gumawa ng seksuwal na relasyon siya’y maaaring magdalantao. (Sa isang grupo ng 544 na mga babae, ‘halos sangkalima ang nagdalantao sa loob ng anim na buwan pagkatapos na magsimulang makisiping.’) Marami, tulad ng dalagang-inang si Robin, ang kusang hindi gumagamit ng birth control. Natakot si Robin—tulad ng maraming kabataan—na ang paggamit ng pilduras para sa birth control ay makapipinsala sa kaniyang kalusugan. Inamin pa niya: “Para sa akin kung ako’y gagamit ng birth control, para ko na ring inamin sa aking sarili na ako’y nagkakasala. Hindi ko magagawa iyan. Kaya ipinikit ko na lang ang aking mga mata sa aking ginagawa at umasa
na lamang na sana’y walang mangyari.”Ang gayong pangangatuwiran ay karaniwan sa mga dalagang-ina. Sa pagsusuri ni Furstenberg, “halos kalahati sa mga tinedyer ang nagsabing napakahalaga para sa isang babae ang maghintay na makasal muna bago makipagtalik . . . Walang alinlangan na may kitang-kitang pagkakaiba sa kanilang sinasabi at ginagawa . . . Natutuhan nila ang isang uri ng pamantayan subali’t kabaligtaran naman ang pamumuhay nila.” Ang emosyonal na pagkakasalungatang ito “ay lalong nagpahirap para sa mga babaing ito na aktuwal na harapin ang mga bunga ng kanilang pangseksuwal na kaasalan.”
Kahit ang paggamit ng birth control ay hindi gumagarantiya na ang isang babae ay makaiiwas sa pagiging dalagang-ina. Ang aklat na Kids Having Kids ay nagpapaalaala sa atin: “Ang bawat pamamaraan ay may kaniyang kabiguan. . . . Kahit na ang di-kasal na mga tinedyer ay regular na gumagamit ng pamamaraan ng birth control . . . 500,000 [sa E.U.] pa rin ang nagdadalantao bawat taon.” Isang 16-na-taóng dalagang-ina na ang pangalan ay Pat ay ganito ang panangis: “Sinunod ko nang buong katapatan ang pag-inom ng [mga pilduras sa birth control]. Natitiyak kong hindi ako nakalimot kahit isang araw.”
“Huwag kayong padaya,” ang babala ng Bibliya. “Ang Diyos ay hindi napabibiro. Sapagkat anuman ang inihahasik ng tao, ito rin ang aanihin niya.” (Galacia 6:7) Ang pagdadalantao ay isa lamang sa mga paraan na ang isa ay makaaani ng di-kanais-nais na bunga mula sa pakikiapid. Mabuti na lamang, at ang mga dalagang-ina, katulad din ng ibang nabitag sa imoralidad, ay makababalik at makalalapit sa Diyos nang may pagsisising tulad ni Haring David, na nanalangin: “Hugasan mo akong lubos sa aking kasamaan, at linisin mo ako sa aking kasalanan.” (Awit 51:2) Pagpapalain ng Diyos ang pagsisikap ng mga nagsising ito na mapalaki ang kanilang mga anak “sa disiplina at pangkaisipang-patnubay ni Jehova.”—Efeso 6:4.
Mas mabuti, gayunman, na iwasan ang pakikipagtalik bago ang kasal! Huwag kayong padaya sa kanila na nagsasabing malulusutan mo iyon.
[Larawan sa pahina 183]
Kasunod ng imoral na pakikipagtalik, ang isang kabataan ay nakadaramang siya’y pinagsamantalahan o hinamak pa nga
[Larawan sa pahina 186]
Ang seksuwal na nakahahawang mga sakit ay madalas na bunga ng pakikipagtalik bago ang kasal
[Larawan sa pahina 188]
Ang labis na pagpapakita ng pagmamahal ay maglalantad sa dalawa sa kapanganibang moral at nababawasan ang mahalagang pag-uusap
[Larawan sa pahina 189]
Ang kaligayahang pangmag-asawa ay depende hindi lamang sa pisikal na relasyon ng mag-asawa kundi higit pa roon