Bakit Ayaw Akong Unawain ng Aking mga Magulang?
Kabanata 2
Bakit Ayaw Akong Unawain ng Aking mga Magulang?
NATURAL lamang na naisin nating maunawaan tayo. At kung ang iyong mga magulang ay mapunahin sa—o hindi interesado sa—mga bagay na ibig mo o iniisip mong mahalaga, makadarama ka ng pagkasiphayo.
Ang may 16-na-taóng gulang na si Robert ay nakadamang hindi nauunawaan ng kaniyang ama ang napipili niyang musika. “Wala siyang ginagawa kundi ang sumigaw at sabihing, ‘Patayin mo iyan!’” ang sabi ni Robert. “Kaya pinatay ko iyon at hindi rin ako nakinig pati sa kaniya.” Ang maraming kabataan ay kagaya rin niyang nagkukulong na lamang sa kanilang sariling pribadong daigdig kapag ang pang-unawa ng magulang ay waring nawawala. Sa isang masusing pag-aaral sa mga kabataan, 26 na porsiyentong mga kabataan ang umamin, “Sinisikap kong palaging makalayo sa tahanan.”
Isang malaking pagitan, o puwáng, sa gitna ng mga kabataan at mga magulang ang umiiral sa maraming mga tahanan. Ano ang dahilan nito?
“Lakas” Laban sa “Ulong May Uban”
Ang Kawikaan 20:29 ay nagsasabi: “Ang kaluwalhatian ng mga binata [o mga dalaga] ay ang kanilang kalakasan.” Ang tibay na ito, o “lakas,” gayunman, ang siyang maglalagay ng batayan para sa lahat ng pagkakasalungatan sa gitna mo at ng iyong mga magulang. Ang kawikaan ay nagpapatuloy: “At ang kagandahan ng matanda ay ang ulong may uban.” Maaaring hindi naman literal na ‘may uban’ ang iyong mga magulang, subalit sila’y mas matatanda at minamalas nila ang buhay sa naiibang paraan. Nauunawaan nila na hindi lahat ng pangyayari sa buhay ay may maligayang wakas. Ang mapait na personal na karanasan ay maaaring magpahinahon sa dating ideyalismong taglay nila noong mga bata pa. Dahilan sa karunungang ito bunga ng karanasan—“ulong may uban,” wika nga—maaaring hindi sila makibahagi sa iyong sigasig sa isang bagay.
Ang sabi ng batang si Jim: “Ang aking mga magulang (inianak sa panahon ng pagbagsak ng kabuhayan) ay nakadarama na ang salapi ay dapat na ipunin upang ibili ng mga bagay na mahalaga. Ngunit ako’y nabubuhay sa ngayon. . . . Gustung gusto kong maglakbay.” Oo, sa pagitan ng “lakas” ng kabataan at ng “ulong may uban” ng mga magulang naroroon ang isang malaking puwáng. Ang maraming pamilya sa gayon ay nagkakabaha-bahagi kung tungkol sa mga isyu gaya ng damit at pag-aayos, asal sa kaibang sekso, paggamit ng droga at alkohol, pagtatakda ng oras, mga kasama, at mga pang-araw-araw na gawain. Ang puwáng na iyan sa pagitan ng matatanda at ng mga kabataan ay maaaring lagyan ng tulay. Ngunit bago mo asahang maunawaan ka ng iyong mga magulang, unawain mo muna sila.
Ang mga Magulang ay mga Tao Rin
“Noong ako’y bata pa, ang buong akala ko si Inay ay ‘sakdal’ at wala ni anumang mga kahinaan at damdaming taglay ko,” ang sabi ni John. Pagkatapos ang kaniyang mga magulang ay naghiwalay, iniwan ang kaniyang ina upang mag-alaga sa pitong anak nang nag-iisa. Ang kapatid ni John na si April ay gumugunita: “Naaalaala ko pa na nakikita ko siyang umiiyak dahil sa pagkasiphayo na maipagpatuloy ang mga bagay-bagay. Noon ko natanto na mali pala ang aming pangmalas. Hindi niya kayang gawin ang lahat ng bagay sa tamang panahon at tamang paraan. Nakita namin na siya man ay may pakiramdam at isang tao rin.”
Sa pagkilala na ang iyong mga magulang ay mga karaniwang tao lamang na may pakiramdam na tulad ng sa iyo ay isang malaking hakbang tungo sa pagkaunawa mo sa kanila. Halimbawa, maaaring sila’y makadama ng takot na baka hindi nila kayo
mapalaki sa wastong paraan. O, palibhasa’y labis na nababahala sa mga panganib sa moral at mga tukso na iyong kinakaharap, baka iyan ang dahilan kung bakit paminsan-minsan ay lumalabis sila sa ilang mga bagay. Maaari rin namang sila’y nakikipaglaban sa pisikal, pinansyal, o emosyonal na kahirapan. Ang isang ama, halimbawa, ay baka kinayayamutan niya ang kaniyang trabaho ngunit kailanman ay hindi siya nagrereklamo. Kaya kapag ang kaniyang anak ay nagsasabing, “Hindi ako makatiis sa aming paaralan,” hindi katakataka na sa halip na makiramay, bumubulyaw siya, “Ano ba ang nangyayari sa iyo? Wala namang kabagay-bagay iyan!”Magpakita ng “Personal na Interes”
Papaano mo, kung gayon, malalaman ang nararamdaman ng iyong mga magulang? Sa pamamagitan ng “pagpapakita ng personal na interes hindi lamang sa iyong sariling kapakanan, kundi pati sa kapakanan ng iba.” (Filipos 2:4) Bakit hindi mo tanungin ang iyong ina kung papaano siya noong siya’y tinedyer. Ano ang kaniyang pakiramdam, ang kaniyang mga tunguhin? “Malamang,” sabi ng magasing ’Teen, “na kung nadarama niyang ikaw ay interesado, at nakababatid ng mga dahilan ng ilan sa kaniyang nararamdaman, sisikaping niyang mabatid din ang sa iyo.” Walang alinlangang gayundin ang iyong ama.
Kung magkakaroon ng di-pagkakaunawaan, huwag maging padalus-dalos sa pagpaparatang sa iyong mga magulang na sila’y walang pakiramdam. Tanungin ang sarili: ‘Masama ba ang pakiramdam ng aking magulang o nag-aalala kaya siya sa isang bagay? Nasaktan kaya siya sa aking walang-pakundangang gawi o salita? Hindi kaya nila naunawaan ang ibig kong sabihin?’ (Kawikaan 12:18) Ang pagpapakita ng gayong empatiya ay isang mabuting pasimula ng pag-aalis ng generation gap. Ngayon ay alam mo na ang iyong gagawin upang maunawaan ka ng iyong mga magulang! Gayumpaman, maraming mga kabataan ang nagpapangyaring labis na pahirapin ito. Papaano?
Pagkakaroon ng Dobleng Pamumuhay
Ang 17-taóng-gulang na si Vickie ay nagsasagawa nito sa pamamagitan ng lihim na pakikipag-date sa isang lalaki na laban sa kagustuhan ng kaniyang mga magulang. Basta natitiyak niyang hindi mauunawaan ng kaniyang mga magulang ang kaniyang nadarama para sa kaniyang kasintahan. Natural, ang puwáng sa pagitan nila ay lumaki. “Kapuwa namin pinahihirapan ang aming mga sarili,” sabi ni Vickie. “Nayayamot akong umuwi ng bahay.” Naipasiya niyang mag-asawa na lamang—anuman iyon basta makalayo lamang sa tahanan!
Maraming mga kabataan ang sa katulad na paraan ay may dobleng pamumuhay—ginagawa ang mga bagay na hindi alam o ipinagbabawal ng kanilang mga magulang—at pagkatapos ay dumaraing na ang kanilang mga magulang ay ‘hindi nakauunawa sa kanila’! Mabuti na lamang, si Vickie ay natulungan ng isang mas nakatatandang kapatid na babaing Kristiyano na nagsabi sa kaniya: “Vickie, isaisip mo ang iyong mga magulang . . . Pinalaki ka nila. Kung hindi mo nakakayanan ang relasyong ito, gaano pa kaya sa isang tao na kasing-edad mo na ni hindi nagmahal sa iyo ng 17 taon?”
Pinag-aralang mabuti ni Vikie ang kaniyang sarili. Natanto niya na tama ang kaniyang mga magulang at na ang kaniyang puso ang mali. Tinapos niya ang kaniyang relasyon sa kaniyang kasintahan at nagsimulang tapusin din ang pagkakasira nila ng kaniyang mga magulang. Kung ikaw man ay may itinatagong mahalagang bahagi ng iyong pamumuhay sa iyong mga magulang, hindi kaya panahon na ngayon upang magtapat ka sa kanila?—Tingnan ang nakalakip na “Papaano Ko Sasabihin sa Aking mga Magulang?”
Gamitin ang Panahon sa Pakikipag-usap
‘Iyon ang pinakamabuting panahong ginugol ko na kasama si Itay!’ sabi ni John nang siya at ang kaniyang ama ay maglakbay. “Hindi pa ako kailanman nakaranas na makagugol ng anim na oras kasama niya nang kami lamang dalawa sa tanang buhay ko. Anim na oras papunta, at anim na oras pabalik. Walang radyo sa kotse. Talagang nag-usap kami nang husto. Para bang noon ay tinuklas namin ang isa’t isa. Mayroon pa palang taglay siya na higit sa aking akala. Naging magkaibigan kami.” Bakit hindi
subuking makipag-usap ding mabuti sa iyong inay o itay—nang palagian?Makatutulong din ang pakikipagkaibigan sa ibang mga may edad na. Naaalaala ni Vickie: “Tunay na wala akong kahilig-hilig na makisama sa mga matatanda na. Ngunit sinisikap kong laging sumama sa aking mga magulang kung sila’y nakikisalamuha sa ibang matatanda. Sumapit ang panahon na nagustuhan ko na ring makipagkaibigan sa kanila na kasing-edad ng aking mga magulang, at ito’y lalong nagpalawak ng aking pangmalas sa buhay. Mas naging madali ang pakikipag-usap sa aking mga magulang. Ang kapaligiran sa tahanan ay sumulong nang gayon na lamang.”
Ang pakikisalamuha sa mga taong may higit na karanasan ay hahadlang din sa iyo na magkaroon ng isang makitid, limitadong pangmalas sa buhay, na maaaring mangyari kung ikaw ay mananatiling nakikisama lamang sa iyong mga kaedad.—Kawikaan 13:20.
Ipakipag-usap ang Iyong Nadarama
“Nagsasalita ako mula sa aking puso at taimtim na ipinakikipag-usap ang kaalaman na nagmumula sa aking mga labi,” ang sabi ng batang si Elihu. (Job 33:3, The Holy Bible in the Language of Today, ni William Beck) Ganoon ka rin bang makipag-usap sa iyong mga magulang kapag nagtatalo tungkol sa mga bagay tulad ng pananamit, pagtatakda ng oras, o musika?
Inakala ng batang si Gregory na ang kaniyang nanay ay totoong di-makatuwiran. Nakayanan niya ang mainit na pagkakasalungatan sa gitna nila sa pamamagitan ng pananatiling malayo sa kanilang tahanan kailan pa ma’t maaari. Gayunman ay sumunod siya sa pangaral ng ilang mga Kristiyanong matatanda. Ang sabi niya, “Sinimulan kong sabihin kay Inay ang aking nadarama. Sinabi ko sa kaniya kung bakit ibig kong gawin ang mga bagay-bagay at hindi basta ipinalalagay na alam na niya. Madalas na binubuksan ko ang aking puso at ipinaliliwanag na hindi ko naman gustong gumawa ng mali at kung gaano kasakit sa akin kapag tinatrato niya akong parang isang batang paslit. Sa panahong iyon ay nagsimulang maunawaan niya ako at unti-unting bumuti ang mga bagay-bagay.”
Matutuklasan mo ngayon na ang pagsasalitang ‘tuwiran mula
sa puso’ ay maaaring makalutas sa maraming di-pagkakaunawaan.Pakikitungo sa mga Di-Pagkakasundo
Subalit hindi naman ito nangangahulugan na ang iyong mga magulang ay agad-agad mamalasin ang mga bagay ayon sa iyong pananaw. Kaya kailangang supilin mo ang iyong emosyon. “Inihihinga ng mangmang ang buong galit [simbuyo] niya, ngunit ang pantas ay nagpipigil at tumitiwasay.” (Kawikaan 29:11) May pagkamahinahong ipakipag-usap ang kabutihan ng iyong palagay. Manatili sa isyu sa halip na ipakipagtalong “lahat naman ay gumagawa nito!”
May mga pagkakataong ang iyong mga magulang ay magsasabi nang hindi. Hindi ito nangangahulugang hindi ka nila nauunawaan. Marahil ay nais nilang iwasan lamang ang kapahamakan. “Istrikto sa akin ang aking nanay,” ang pag-amin ng isang 16-na-taóng gulang na batang babae. “Naiinis ako kapag sinasabi niyang hindi ko puwedeng gawin ang isang bagay, o [na kailangang ako’y] nasa bahay na sa itinakdang oras. Ngunit ang totoo, siya ay tunay na nangangalaga lamang. . . . tinitingnan niya ang aking kapakanan.”
Ang katiwasayan at pagmamahal na idinudulot ng pagkakaunawaan ng isa’t isa sa pamilya ay hindi kayang maipaliwanag ng mga salita. Pinapangyayari nito ang tahanan na isang kanlungan sa panahon ng kabagabagan. Ngunit nangangailangan ng tunay na pakikipagpunyagi sa bahagi ng bawat nasasangkot.
Mga Tanong para sa Talakayan
◻ Bakit ang mga kabataan at ang mga magulang ay madalas na di-nagkakaunawaan?
◻ Papaanong ang pagkakaroon ng mas mabuting pagkaunawa sa iyong mga magulang ay makaaapekto sa iyong pangmalas sa kanila?
◻ Papaano mo higit na mauunawaan ang iyong mga magulang?
◻ Bakit ang pagkakaroon ng dobleng pamumuhay ay lalong makapagpapalaki ng puwang sa pagitan mo at ng iyong mga magulang?
◻ Bakit pinakamabuti na malaman ng iyong mga magulang kapag ikaw ay may malubhang problema? Papaano mo sasabihin sa kanila?
◻ Papaano mo matutulungan ang iyong mga magulang na higit kang maunawaan?
[Blurb sa pahina 22]
“Kung nadarama [ng iyong nanay] na ikaw ay interesado, at nakababatid ng mga dahilan ng ilan sa kaniyang nararamdaman, sisikapin niyang mabatid din ang sa iyo.”—Magasing ’Teen
[Kahon/Larawan sa pahina 20, 21]
Papaano Ko Sasabihin sa Aking mga Magulang?
Ang aminin ang isang pagkakamali sa iyong mga magulang ay hindi madali. Ang sabi ng batang si Vince: “Nalalaman ko na gayon na lamang ang pagtitiwala sa akin ng aking mga magulang at iyan ang nagpahirap sa akin upang lumapit sa kanila sapagkat ayokong saktan sila.”
Ang mga kabataan na gumagawa ng pagtatakipan ay karaniwan nang dumaranas ng matinding kirot na dulot ng nasugatang konsiyensiya. (Roma 2:15) Ang kanilang pagkakamali ay maaaring maging “isang mabigat na pasan,” na totoong mahirap dalhin. (Awit 38:4) Dahil dito, napipilitan silang dayain ang kanilang mga magulang sa pamamagitan ng pagsisinungaling, sa gayo’y lalo silang nagkakasala. Tuloy nasisira ang kanilang relasyon sa Diyos.
Ang Bibliya ay nagsasabi: “Siyang nagtatakip ng kaniyang pagsalansang ay hindi magtatagumpay, ngunit ang nagtatapat niyaon at umaalis doon ay kahahabagan.” (Kawikaan 28:13) Gaya ng pagpapalagay ng 19-na-taóng gulang na si Betty: “Tutal nakikita naman ni Jehova ang lahat ng bagay.”
Kung ang pangyayari ay nagsasangkot ng seryosong pagkakamali, hangarin ang pagpapatawad ni Jehova, na isinisiwalat ang pagkakamali sa panalangin. (Awit 62:8) Sumunod, ay sabihin sa iyong mga magulang. (Kawikaan 23:26) May karanasan na sila sa buhay at malimit na matutulungan ka nila na iwanan ang pagkakamali at iwasang ulitin yaon. “Tunay na makatutulong sa iyo kung ipakikipag-usap yaon,” ang ulat ng 18-taóng gulang na si Chris. “Sa wakas ay isang kaginhawahan yaon na maalis sa iyong isipan.” Ang problema ay, papaano mo sasabihin sa iyong mga magulang?
Ang Bibliya ay nagsasabi ng tungkol sa “isang salitang sinalita sa tamang panahon.” (Kawikaan 25:11; ihambing ang Eclesiastes 3:1, 7.) Kailan kaya iyon? Nagpapatuloy si Chris: “Naghihintay ako hanggang sa oras ng hapunan at pagkatapos ay sinasabi ko kay Itay na kailangan kong makipag-usap sa kaniya.” Ang anak ng isang nagsosolong magulang ay sumubok naman ng ibang panahon: “Karaniwan nang nakikipag-usap ako kay Inay bago matulog; mas relaks siya noon. Samantalang kapag nanggaling siya mula sa trabaho, ay pagod na pagod na siya.”
Marahil ikaw ay maaaring magsabi nang ganito, “Inay, Itay, mayroon pong bagay na bumabagabag sa akin.” At ano kung ang iyong mga magulang ay totoong abala upang magbigay-pansin doon? Maaaring sabihin mo, “Alam ko pong abala kayo, subalit totoong may bumabagabag sa akin. Maaari po ba tayong mag-usap?” Pagkatapos ay maaaring itanong mo: “May nagawa na po ba kayong isang bagay na kinahihiyaan ninyong ipakipag-usap?”
Efeso 4:25; ihambing ang Lucas 15:21.) Gamitin ang mga salitang mauunawaan ng iyong mga magulang, hindi mga pananalitang nagtataglay ng espesyal na kahulugan para sa mga kabataan lamang.
Dumarating ngayon ang mahirap na bahagi: ang pagsasabi sa iyong mga magulang ng pagkakamali mismo. Maging mapagpakumbaba at “magsabi ng katotohanan,” na hindi pinagagaang ang kaselangan ng iyong pagkakamali o kaya’y inililihim ang ilang di-kanais-nais na mga detalye. (Natural, masasaktan at mabibigo ang iyong mga magulang sa simula. Kaya huwag kang magugulat o magagalit kung paulanan ka ng umaatikabong punô-ng-emosyong mga pananalita! Kung sumunod ka lamang sa kanilang patiunang mga babala, hindi ka sana napalagay sa ganitong situwasyon. Kaya magpakahinahon ka. (Kawikaan 17:27) Makinig sa iyong mga magulang at sagutin ang kanilang mga tanong, anuman ang paraan ng pagtatanong.
Walang alinlangan na ang iyong pagsisikap na maituwid ang mga bagay-bagay ay makapagbibigay ng isang mabuting impresyon sa kanila. (Ihambing ang 2 Corinto 7:11.) Gayumpaman, maging handa sa pagtanggap ng ilang kinakailangang disiplina. “Totoo, walang disiplina ang waring sa kasalukuyan ay nakapagpapaligaya, kundi nakapagpapalungkot pa nga; subalit pagkatapos, sa mga nasanay na ay namumunga ng bungang mapayapa, samakatuwid nga, ng katuwiran.” (Hebreo 12:11) Tandaan din naman, na hindi ito ang huling pangangailangan mo ng tulong at maygulang na payo mula sa iyong mga magulang. Ugaliin na laging magsabi sa kanila ng tungkol sa maliliit na problema upang kung dumating ang mas malalaking problema, hindi ka matatakot na sabihin yaon sa kanila.
[Larawan]
Pumili ng panahon na ang iyong mga magulang ay nasa kalagayang handang makinig