Bakit Napakahirap Pakisamahan ang Aking mga Kapatid?
Kabanata 6
Bakit Napakahirap Pakisamahan ang Aking mga Kapatid?
PAG-AAWAY ng magkakapatid—kasintanda na ito nina Cain at Abel. Hindi sa nasusuklam ka sa iyong kapatid. Ang isang kabataan ay umamin: “Sa kaibuturan ng aking puso, kung saan hindi ko nadarama ngayon, naniniwala ako na mahal ko ang aking kapatid. Parang ganoon na nga.”
Bakit ba madalas na may kinikimkim na sama-ng-loob sa pagsasamahan ng magkakapatid? Ang manunulat na si Harriet Webster ay sumipi sa pampamilyang therapist na si Claudia Schweitzer na sinasabi: “Ang bawat pamilya ay may taglay na mahahalagang bagay, ang ilan ay emosyonal at ang ilan naman ay materyal.” Susog pa ni Webster: “Kapag ang magkapatid ay nag-away, kalimitan nang pinag-aagawan nila ang mahahalagang bagay na ito, kasali na ang lahat mula sa pagmamahal ng magulang hanggang sa salapi at mga damit.” Si Camille at ang kaniyang limang mga kapatid, halimbawa, ay may tatlong silid na tinutulugan. “Gusto ko sanang magsolo kung minsan,” ang sabi ni Camille, “at gusto kong wala silang lahat, pero lagi silang naroon.”
May pag-aaway din sa pamamahagi ng mga pribilehiyo at mga responsabilidad sa sambahayan. Ang mga nakatatanda ay marahil naiinis sa dahilang sila ang inaasahang gumawa ng mabibigat na trabaho sa bahay. Ang mga nakababata naman ay marahil hindi papayag na utus-utusan sila ng mas matanda o baka manibugho sila kapag tumanggap ang mas matanda ng pinakananais nilang mga pribilehiyo. ‘Nag-aaral magmaneho ang aking kapatid at ako’y hindi puwede,’ ang panangis ng isang tinedyer mula sa Inglatera. ‘Inis na inis ako kaya pinahihirapan ko siya.’
Kung minsan, ang di-pagkakasundo ng magkakapatid ay karaniwan
nang resulta ng pagbabanggaan ng personalidad. Ganito ang sabi tungkol sa kaniyang kapatid ng 17-taóng-gulang na si Diane: “Kung palagi kayong nagkikita sa bawat araw . . . At pinagmamasdan mo ang tao ring iyon sa araw-araw na ginagawa ang iyon at iyon ding bagay na kinaiinisan mo—talagang maiinis ka.” Ang dugtong pa ng batang si Andre: “Kapag ikaw ay nasa bahay . . . , kumikilos ka sa iyong tunay na gawi.” Kaso mo, ‘ang pagkilos sa tunay na gawi’ ay madalas na nangangahulugang pag-aalis ng kagandahang-asal, kabaitan, at kahusayan ng pakikitungo.Ang higit na pagmamahal sa iba ng mga magulang (‘ikaw ang pinakamahal ni Inay!’) ay isa pang karaniwang dahilan ng pag-aaway ng magkakapatid. Inaamin ng propesor ng sikolohiya na si Lee Salk: “Hindi maaaring magkapare-pareho ang pagmamahal ng isang magulang sa lahat niyang mga anak sapagkat sila’y iba-ibang katauhan at tiyak na magtatamo ng iba’t ibang reaksiyon mula sa atin [na mga magulang].” Ito’y totoo noong mga panahon ng Bibliya. Ang patriarkang si Jacob (Israel) “ay nagmahal kay Jose nang higit kaysa sa iba niyang mga anak.” (Genesis 37:3) Nanibugho nang gayon na lamang ang mga kapatid ni Jose sa kaniya.
Pagpatay sa Apoy
“Sa kakulangan ng gatong ay namamatay ang apoy.” Gayon ang sabi ng Kawikaan 26:20. Ang paglaganap ng apoy sa kagubatan ay karaniwan nang nasusugpo sa pamamagitan ng mga panghadlang, mga pira-pirasong lupain na pinutulan ng mga punungkahoy. Kapag nagsimula ang apoy, iyon ay magpapatuloy hanggang sa bahaging iyon at pagkatapos ay mamamatay na rin. Tulad noon, may mga paraan upang maiwasan mo—o bawasan man lamang—ang di pagkakasundo. Ang isang paraan ay makipag-usap at gumawa ng mga pagkakasunduan bago mag-init ang usapan.
Halimbawa, ang problema ba ay ang kakulangan ng panahon na mapag-isa? Kung gayon, sa panahong hindi pinagkakagalitan iyon, subuking maupong magkasama at gumawa ng mga aktuwal na iskedyul. (‘Akin ang silid sa ganitong mga araw/oras, at sa iyo naman sa ganoon.’) Pagkatapos “hayaang ang iyong Oo ay maging Oo, ang iyong Hindi, Hindi” sa pamamagitan ng paggalang sa napagkasunduan. (Mateo 5:37) Kung may nangyari na nangangailangan ng pagbabago, hayaang maalaman ng kabilang panig nang patiuna, sa halip na ipilit ang pagbabago nang walang pasabi.
Pinag-aawayan ba ninyo ang karapatan sa pag-aari? Isang tinedyer ang nagreklamo: “Laging ginagamit ng aking kinakapatid ang aking mga gamit nang hindi nagpapaalam muna. Ginagamit pa man din niya ang aking makeup, at pagkatapos ay malakas pa ang loob na sasabihin sa akin na hindi maganda ang aking nabili!” Puwede mong isangguni sa iyong mga magulang at sila ang humatol. Subalit mas mabuti, kung mauupo kang kasama ng iyong kapatid sa panahong hindi kayo nagkakagalit. Sa halip na pagtalunan ang mga personal na “karapatan,” maging “handang mamahagi.” (1 Timoteo 6:18) Sikaping pagkasunduan ang ilang mga tuntunin ng paghiram, ang isa marahil ay laging magpapaalam muna bago kunin. Magbigayan kung kinakailangan. Sa ganitong paraan maaari mong ‘patayin ang apoy’ bago ito magsimula!
Subalit, ano kung ang personalidad ng isang kapatid ay hindi mo makasundo? Ang totoo, wala ka nang gaanong magagawa para baguhin iyon. Kaya matutong ‘magtiisan sa isa’t isa nang may pag-ibig.’ (Efeso 4:2) Sa halip na palakihin ang pagkakamali at kapintasan ng kapatid, ikapit ang Kristiyanong pag-ibig, na “tumatakip sa maraming kasalanan.” (1 Pedro 4:8) Sa halip na maging magaspang o walang awa, layuan ang “poot, galit, kasamaan, abusadong pananalita,” at “ang inyong pananalita nawa’y maging laging magiliw.”—Colosas 3:8; 4:6.
‘Hindi Ito Makatarungan!’
“Nakukuha ng aking kapatid ang lahat ng maibigan niya,” ang panangis ng isang kabataan. “Pero kung ako, lubusan akong napag-iiwanan.” Pamilyar ba sa iyo ito? Pero pansinin ang dalawang walang limitasyong salitang ito na, “lahat” at “lubusan.” Talaga bang ganoong kalubha ang situwasyon? Hindi naman marahil. At kung magkagayon nga, makatotohanan ba na makaasa tayo ng lubusang magkatulad na pakikitungo sa dalawang magkaibang indibiduwal? Siyempre hindi! Ang iyong mga magulang ay karaniwan nang tumutugon lamang sa iyong indibiduwal na mga pangangailangan at pag-uugali.
Subalit hindi nga ba kawalan ng katarungan kung ang mga magulang ay magbigay ng pabor sa isang partikular na anak? Hindi naman. Gunitain kung papaanong binigyan ng pabor ni Jacob ang kaniyang anak na si Jose. Ang dahilan? Si Jose ay anak ng pinakamamahal na asawa ni Jacob, si Raquel na namatay na. Hindi ba nararapat lamang na si Jacob ay makadama ng pagkamalapit sa kaniyang anak? Ang pag-ibig ni Jacob kay Jose, gayunman, ay hindi naman nag-alis ng pagmamahal sa kaniyang ibang mga anak, sapagkat nagpahayag siya ng kaniyang pagmamalasakit sa kanilang kapakanan. (Genesis 37:13, 14) Ang kanilang paninibugho kay Jose sa gayon ay walang batayan!
Ang iyong mga magulang ay maaaring mas malapit sa iyong kapatid, marahil dahilan sa magkatulad na interes, parehong personalidad, o sa iba pang mga dahilan. Hindi ito nangangahulugan na hindi ka nila mahal. Kung ikaw ay nakadarama ng pagkainis o paninibugho, tantuin na tinatalo ka lamang ng iyong di-sakdal na puso. Gumawa ng paraan na mapagtagumpayan ang iyong damdamin. Hanggang naibibigay sa iyo ang iyong mga pangangailangan, bakit ka mababahala kung ang isang kapatid ay waring tumatanggap ng higit na atensiyon?
Ang mga Kapatid—Isang Pagpapala
Ito’y mahirap paniwalaan kung minsan—lalo pa nga kung iniinis ka nila. Ngunit ang batang si Diane ay nagpapaalaala sa
atin: “Nakatutuwa ang pagkakaroon ng mga kapatid.” Mayroon siyang pito. “Mayroon kang nakakausap at nababahaginan ng iyong mga nakawiwilihan.”Si Anne Marie at ang kaniyang kapatid na lalaking si Andre ay nagsusog pa: “Bagaman nakakapamasyal kayo ng iyong mga kaibigan, laging kasama mo ang iyong mga kapatid. Lagi silang naroroon kung ibig mong maglaro o pumunta sa parke.” Nakita ni Donna ang isa pang praktikal na bentaha: “May nakakatulong ka sa mga gawain.” Ang iba ay naglalarawan sa kanilang kapatid bilang “isang espesyal na tagapayo at tagapakinig” at isa na “nakauunawa.”
Sa pagpapatuloy ng iyong buhay, mararanasan mo ang ilan sa mga katulad na mga problema sa iba na ngayon ay nararanasan mo sa iyong mga kapatid. Paninibugho, karapatan ng pagmamay-ari, di-parehas na pakikitungo, kakulangan ng panahon na mapag-isa, karamutan, pagkakaiba-iba ng personalidad—ang ganitong mga problema ay bahagi na ng buhay. Ang pagkatuto sa kung papaano pakikisamahan ang iyong mga kapatid ay isang mabuting pagsasanay sa larangan ng pakikisama sa kapuwa.
Inuulit ng 17-taóng-gulang na si Andre ang mga salita sa Bibliya sa 1 Juan 4:20 nang sabihin niyang: “Kung hindi mo kayang pakitunguhan ang mga taong nakikita mo, papaano ka makikitungo kay Jehova na hindi mo nakikita?” Ang di-pagkakasundo sa iyong mga kapatid ay dumarating sa pana-panahon. Ngunit matututo kang magbigay, makipag-usap, at makipagkasundo. Ang resulta ng gayong pagsisikap? Maaaring magdisisyon ka na ang pagkakaroon ng kapatid ay hindi naman talaga ganoong kahirap.
Mga Tanong para sa Talakayan
◻ Bakit madalas na nagkakagalit ang mga magkakapatid?
◻ Papaano mo maiiwasan ang pag-aaway tungkol sa panahon ng pag-iisa at karapatan ng pagmamay-ari?
◻ Bakit kung minsan binibigyan ng pabor ng mga magulang ang isang partikular na anak? Sa palagay mo ba’y kawalan ito ng katarungan?
◻ May disbentaha ba ang nag-iisang anak?
◻ Ano ang ilang mga bentaha ng pagkakaroon ng mga kapatid?
[Blurb sa pahina 52]
“Hindi maaaring magkapare-pareho ang pagmamahal ng isang magulang sa lahat niyang mga anak sapagkat sila’y iba-ibang katauhan.”—Propesor ng sikolohiya Lee Salk
[Kahon sa pahina 54]
‘Ako ay Nag-iisang Anak’
Kung ito ang iyong situwasyon, hindi ito isang disbentaha. Ang isang bagay, samantalang ang ibang mga kabataan ay nahihirapan sa pakikisama sa kanilang mga kapatid, makapamimili ka naman ng iyong makakasama (na sinasang-ayunan ng iyong mga magulang, mangyari pa). May higit na panahon ka para sa pag-aaral, pagbubulay-bulay, o pagpapasulong ng ilang mga kasanayan at talino.—Tingnan ang Kabanata 14 sa kalungkutan.
Ang kabataang si Thomas ay tumutukoy ng isa pang bentaha sa pagsasabi niya: “Bilang nag-iisang anak nasa aking lahat ang atensiyon ng aking mga magulang.” Totoo, ang labis na atensiyon ay magpapangyari sa isang kabataan upang maging makaako. Subalit kung magiging balanse ang mga magulang sa pagpapadama nito, ang kanilang atensiyon ay makatutulong sa iyo na mahusto ang iyong kaisipan nang mas madali at makadama ng kasiyahan kahit kasama ng mga matatanda.
Gayunman, sa dahilang wala kang mga kapatid upang bahaginan ng mga bagay-bagay, may panganib na maging maramot ka. Nagpayo si Jesus: “Ugaliin ang pagbibigay.” (Lucas 6:38) Subukang mamahagi ng mga bagay-bagay sa iyong mga kaibigan at mga kamag-anak. Magbigay-pansin sa pangangailangan ng iba, na naghahandog ng tulong hangga’t maaari. Gagantihin ng mga tao ang gayong kagandahang-loob. At makikita mong kahit na ikaw ay nag-iisang anak, hindi ka malulungkot.
[Larawan sa pahina 53]
Madalas na nalulungkot ako na walang kapatid na babae; nguni’t mayroon naman akong mga bentaha