Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Papaano Ko Magagawang Mabigyan Ako ng Higit na Kalayaan ng Aking mga Magulang?

Papaano Ko Magagawang Mabigyan Ako ng Higit na Kalayaan ng Aking mga Magulang?

Kabanata 3

Papaano Ko Magagawang Mabigyan Ako ng Higit na Kalayaan ng Aking mga Magulang?

IKAW ay nagsasabing nasa hustong gulang ka na para lumabas sa mga dulo ng sanlinggo. Sila nama’y nagsasabing kailangang umuwi ka nang maaga. Ikaw ay nagsasabing gusto mong mapanood ang bagong pelikula na pinag-uusapan ng lahat. Sila nama’y nagsasabing hindi puwede. Ikaw ay nagsasabing may nakilala kang nakalulugod na mga kabataang gusto mong makabarkada. Sila nama’y nagsasabing ibig muna nilang makilala ang iyong mga kaibigan.

Kung ikaw ay isang tinedyer, maaaring magpalagay ka na ang iyong mga magulang ay sumasakal sa iyong buhay. Para bang ang lahat ng sabihin mong “Gusto ko” ay sinusundan palagi ng “Hindi, hindi puwede.” Ni walang bahagi sa iyong buhay ang ligtas mula sa “mapanuring mga mata” ng iyong mga magulang. Ang sabi ng 15-taóng gulang na si Debbie: “Si Itay ay laging gustong malaman kung nasaan ako, anong oras ako uuwi. Maraming mga magulang ang ganiyan. Kailangan bang malaman nila ang lahat? Dapat sana nila akong bigyan ng higit na kalayaan.”

Ang mga kabataan ay nagrereklamo pa na hindi sila iginagalang ng kanilang mga magulang. Sa halip na sila’y pagtiwalaan, hinahatulan na agad sila nang hindi man lamang muna nalilitis kapag may nangyaring masama. Sa halip na pabayaang pumili para sa kanilang sarili, sila’y ikinukulong sa pamamagitan ng mga alituntunin.

“Pagkabagabag ng Isip”

Tinatrato ka ba kung minsan ng iyong mga magulang na parang isang batang paslit? Kung oo, alalahanin na di pa gaanong nagtatagal at ikaw naman ay talagang minsang naging isang bata. Sariwa pa rin sa alaala ng iyong mga magulang na ikaw ay isang mahinang sanggol at iyon ay hindi madaling iwaglit sa isipan. Naaalaala pa nila ang mga pagkakamaling dulot ng kabataan na madalas mong magawa at sa gayo’y ibig nilang pangalagaan ka​—sa gustuhin mo man o hindi ang proteksiyong iyon.

Ang pagnanais na iyan na pangalagaan ka ay isang makapangyarihang lakas. Kapagka ang Inay at Itay ay hindi abala sa paglalaan ng tahanan, pananamit, o pagpapakain sa iyo, sila’y madalas na nakikipagbuno sa mga problema ng kung papaano ka tuturuan, sasanayin, at, oo, pangangalagaan. Ang kanilang interes sa iyo ay higit sa karaniwan. Pananagutan nila sa harap ng Diyos kung papaano ka nila pinalalaki. (Efeso 6:4) At kung sakaling waring nanganganib ang iyong kapakanan, nag-aalala sila.

Isaalang-alang ang mga magulang ni Jesu-Kristo. Pagkaraan ng pagdalaw sa Jerusalem, umuwi silang di-namamalayan na wala si Jesus. Nang mapansin nila ang kaniyang pagkawala, nagsagawa sila ng puspusan​—may pagkabalisa pa ngang​—paghahanap sa kaniya! At nang sa wakas ay “matagpuan nila siya sa templo,” bumulalas ang ina ni Jesus, “Anak, bakit mo ginawa sa amin ang ganiyan? Narito ang iyong ama at ako na hinahanap kang nababagabag ang isip.” (Lucas 2:​41-48) Ngayon kung si Jesus​—isang sakdal na bata​—ay nakapagdulot sa kaniyang mga magulang ng pagkabalisa, isipin kung gaanong pag-aalalá ang maidudulot mo sa iyong mga magulang!

Kunin, halimbawa, ang di-natatapos na salungatan tungkol sa oras ng pag-uwi sa bahay. Marahil ay wala kang makitang dahilan para pagbawalan nang ganito. Ngunit tiningnan mo na ba ang bagay na ito mula sa pangmalas ng iyong mga magulang? Ang pampaaralang mga autor ng aklat na The Kids’ Book About Parents ay sumubok na gawin ito. Nagtipon sila ng listahan na tinawag nilang “ang mga guniguni na sumasaisip ng mga magulang na ginagawa ng kanilang mga anak kung wala sila sa bahay sa takdang panahon.” Kasama sa listahang ito ay baka ‘nagdodroga, naaaksidente sa sasakyan, naglalagi sa mga parke, naaaresto, nanonood ng mga malalaswang palabas, nagbibili ng bawal na gamot, nagagahasa o nananakawan, nakukulong, at nagbibigay ng kahihiyan sa pangalan ng pamilya.’

Hindi lahat ng mga magulang ay nag-iisip sa ganitong waring mahirap-mangyaring mga konklusyon. Ngunit hindi nga ba totoo na ang maraming kabataan ay nasasangkot sa ganitong mga bagay? Kaya ipaghihinanakit mo ba ang mungkahi na ang kapuwa pag-uwi sa hatinggabi at masamang kasama ay mapanganib? Bueno, ang mga magulang ni Jesus ay nagnais na malaman kung nasaan siya!

Kung Bakit Sila Umiinis

Ang ilang mga kabataan ay nagsasabi na ang takot ng kanilang mga magulang sa kasakunaang darating sa kanila ang nagiging dahilan upang magkaroon ng walang-katuwirang paghihinala! Ngunit tandaan, maraming panahon at emosyon ang nagugol na sa iyo. Ang ideya ng iyong paglaki at sa wakas ay paglisan ay gumagambala sa iyong mga magulang. Isinulat ng isang magulang: “Ang aking kaisa-isang anak na lalaki ay labinsiyam na taon na ngayon, at hindi ko maatim ang ideya ng kaniyang paglisan.”

Iyan ang dahilan kung bakit ang ilang mga magulang ay may pagkahilig na uminis o labis na mangalaga sa kanilang mga anak. Ngunit magiging isang tunay na pagkakamali, para sa iyo na gantihin iyon. Isang kabataang babae ang nakagugunita: “Hanggang marating ko ang edad na mga 18, ang aking ina at ako ay napakalapit sa isa’t isa. . . . [Ngunit] habang nagkakaedad ako kami ay nagkaroon ng mga problema. Gusto kong magkaroon ng ilang mga kalayaan, na marahil ay nakita niyang magiging panganib sa aming relasyon. Dahil dito, nagsikap siyang mas lalong lumapit sa akin, at ako naman ay gumanti ng paglayo sa kaniya.”

Mabuti ang isang sukat ng kalayaan, ngunit huwag mong angkinin iyon kung ang kabayaran ay ang pagkasira ng tali ng inyong pamilya. Papaano ka magkakaroon ng isang mas maygulang na relasyon sa iyong mga magulang, na nakabatay sa pagkakaunawaan ng isa’t isa, pagpaparaya at paggalang? Kung sa bagay, ang paggalang ay nagbubunga ng kapuwa paggalang. Minsan ay nagunita ni apostol Pablo: “Tayo’y nagkaroon ng mga ama sa laman na dumidisiplina sa atin, at sila’y ating iginagalang.” (Hebreo 12:9) Ang mga magulang ng sinaunang mga Kristiyanong ito ay maaaring magkamali. Nagpatuloy si Pablo (Heb 12 talatang 10): “Ang ating makalamang mga ama . . . ay makagagawa lamang ng sa kanilang akala’y pinakamabuti.”​—The Jerusalem Bible.

Kung minsan ang mga taong ito ay nagkamali sa kanilang pagpapasiya. Gayunman, naging marapat sa kanila ang paggalang ng kanilang mga anak. Gayundin naman ang iyong mga magulang. Ang bagay na maaaring sila ang uring umiinis ay hindi dahilan upang magrebelde. Ibigay mo sa kanila ang paggalang na nais mo para sa iyong sarili.

Mga Di-Pagkakaunawaan

Ginabi ka na ba sa pag-uwi dahil sa mga kalagayang wala sa iyong kapangyarihan? Nagalit ba ang iyong mga magulang? Ang mga di-pagkakaunawaang ito ay maglalaan para sa iyo ng isa pang pagkakataon upang matamo ang paggalang. Alalahanin kung papaano kumilos si Jesus nang sa wakas ay matagpuan siya sa templo ng kaniyang nag-aalalang mga magulang, na walang kamalay-malay na nakikipagtalakayan tungkol sa Salita ng Diyos sa ilang mga guro. Si Jesus ba ay nagsimulang bumatikos, umiyak, o umangal tungkol sa kanilang kawalan ng katarungan sa pag-aalinlangan sa kaniyang mga motibo? Pansinin ang kaniyang malumanay na sagot: “Bakit ninyo ako hinahanap? Di baga talastas ninyo na dapat akong maglumagak sa bahay ng aking Ama?” (Lucas 2:49) Walang alinlangan na ang mga magulang ni Jesus ay nasiyahan sa ipinakita niyang pagkamaygulang. “Ang sagot, kung mahinahon,” ay hindi lamang “pumapawi ng poot” kundi maaaring tumulong na matamo ang respeto ng iyong mga magulang.​—Kawikaan 15:1.

Mga Alituntunin at Kautusan

Ang pakikitungo sa iyo ng iyong mga magulang ay depende sa kung papaano mo tinutugon ang kanilang mga kahilingan. Ang ilang kabataan ay nagmamaktol, nagsisinungaling, o tahasang sumusuway. Subukin ang isang maygulang na paglapit. Kung ibig mong payagan kang lumabas sa gabi, huwag kang hihiling na parang bata o uungot na “lahat naman ng ibang mga bata ay nakalalabas kung gabi.” Ang manunulat na si Andrea Eagan ay nagpapayo: “[Sabihin] mo sa kanila hangga’t maaari kung ano talaga ang gusto mong gawin, upang sa gayon ay maunawaan nila ang situwasyon. . . . Kung sasabihin mo sa kanila kung saan ka pupunta at sino ang iyong kasama at kung bakit mahalaga sa iyo na lumabas ngayong gabi . . . , baka sakaling pumayag sila.”

O kung ibig ng iyong mga magulang na kilalanin ang iyong mga kaibigan​—na dapat naman​—huwag ngunguyngoy na parang bata. Ganito ang tagubilin ng magasing Seventeen: “Isama mo ang iyong mga kaibigan sa inyong bahay sa pana-panahon, sa gayon, kapag sinabi mong manonood kang kasama ni Bill, walang dahilan para sa tatay mong umangal mula sa kabilang silid at sabihing, ‘Bill? Sinong Bill?’”

“Higit pa ang Ibibigay”

Napapangiti si Jim habang ikinukuwento niya ang tungkol sa kaniyang nakababatang kapatid na si Ron. “Labing-isang buwan lamang ang diperensiya naming dalawa,” sabi niya, “ngunit magkaibang-magkaiba ang pakikitungo ng aming mga magulang sa amin. Malayang-malaya ako sa kanila. Nagagamit ko ang aming sasakyan. Pumayag pa man din silang isama ko ang isang kapatid kong nakababata sa biyahe patungong New York City.

“Pero, iba naman kay Ron,” pagpapatuloy ni Jim. “Hindi siya binibigyan ng gayong kalayaan. Ni hindi man lamang siya tinuruan ni Itay na magmaneho noong nasa hustong gulang na siya. At nang madama niyang nasa edad na siya para makipag-date, ayaw siyang payagan ng aming mga magulang.”

May paboritismo? Wala. Ang paliwanag ni Jim: “Si Ron ay may gawi na maging iresponsable. Walang pagkukusa. Madalas na hindi niya nagagawa ang iniatas sa kaniya. At bagaman kailanman ay hindi ako sumagot sa aking mga magulang, sinasabi naman ni Ron sa kanila nang tahasan kapag ayaw niya. Walang pagsalang ito ang naging dahilan.” Sinabi ni Jesus sa Mateo 25:​29: “Sapagkat sa kaninuman na mayroon ay higit pa ang ibibigay at siya’y magkakaroon nang sagana; subalit sa kaniya na wala, maging yaon mang nasa kaniya ay babawiin sa kaniya.”

Gusto mo ba ng higit na kalayaan at responsabilidad? Patunayan mo kung gayon na ikaw ay responsable. Gawin mong may pagkaseryoso ang anumang gawain na iniatas sa iyo ng iyong mga magulang. Huwag maging katulad ng kabataan sa isa sa mga talinghaga ni Jesus. Pagkatapos na pagsabihan ng kaniyang ama, “Anak, pumaroon ka at gumawa ka ngayon sa ubasan,” ang sabi niya, “Ginoo, ako’y paroroon,” ngunit “hindi naparoon.” (Mateo 21:​28, 29) Kumbinsihin mo ang iyong mga magulang na kung may iniutos sila sa iyong gawin, gaano mang kaliit iyon ay gagawin mo.

“Ipinakita ko sa aking mga magulang na kaya kong humawak ng mga responsabilidad,” nagugunita ni Jim. “Inuutusan nila ako sa bangko, pinagbabayad ng aming mga bayarin, tumutungo sa mga supermarket at namimili. At nang minsang kinailangang umalis si Inay upang humanap ng trabaho, ako pa nga ang nagluto ng aming pagkain.”

Magkusa

Ano kung hindi ka naman inaatasan ng iyong mga magulang? Pagsikapan ang pagkukusa. Ang magasing Seventeen ay nagpapayo: “Mag-alok na magluto para sa pamilya, at sabihin sa iyong mga magulang na ibig mong gawin ang anuman: magplano ng pagkain, gumawa ng listahan ng grocery, mag-budget, mamili, magluto, maglinis.” At kung hindi ka naman sanáy magluto, magmasid at tingnan kung ano pa ang maaari mong magawa. Hindi na kailangang utusan pa ng mga magulang kung nakikita mong may mga pinggang dapat hugasan, sahig na dapat walisan, o mga silid na dapat ayusin.

Maraming mga kabataan ang naghahanap-buhay pansamantala kung bakasyon o kung dulo ng sanlinggo. Kung ito’y totoo sa iyong kaso, napatunayan mo na ba na kaya mong ipunin at pangasiwaan ang iyong salapi? Nagkusa ka na bang magbigay ng iyong tulong para sa iyong silid at paninirahan? (Makatutulong na maunawaan ito kung ipagtatanong ang kasalukuyang bayarán sa upa sa iyong komunidad.) Mangangahulugan ito ng pagbabawas sa iyong pocket money, pero habang nakikita ng iyong mga magulang ang paraan mo sa paghawak ng salapi, walang pagsalang bibigyan ka nila ng higit na kalayaan.

Pagpapaluwag ng Tali Mula sa mga Magulang

Ang mga magulang ang dapat na maging ating pinagkakatiwalaang mga kaibigan, pinagmumulan ng mayayamang pangaral at payo. (Ihambing ang Jeremias 3:4.) Gayunman, hindi ito nangangahulugan na lagi kang aasa sa kanila kahit na sa mga maliliit na disisyon. Iyon ay sa pamamagitan lamang ng paggamit ng iyong “kakayahang umunawa” na matatamo mo ang pagtitiwala sa iyong kakayahang gumawa ng mga disisyon.​—Hebreo 5:14.

Kaya sa halip na tumakbo agad sa iyong mga magulang kung may maliliit na pagkabagabag, subukin munang lutasin ang problema sa iyong sariling kaisipan. Sa halip na maging “lubhang-nagmamadali,” o pabigla-bigla, tungkol sa mga bagay-bagay, sundin ang payo ng Bibliya na “isaalang-alang [muna] ang kaalaman.” (Isaias 32:4) Magsaliksik, lalo na kung nasasangkot ang mga prinsipyo ng Bibliya. Pagkatapos na pagtimbang-timbangin ang mga bagay-bagay, saka lumapit sa iyong mga magulang. Sa halip na parating sabihing, ‘Itay, ano ang dapat kong gawin?’ o, ‘Inay, ano ang gagawin ninyo?’ ipaliwanag ang situwasyon. Iparinig mo sa kanila kung papaano mo pangangatuwiranan iyon. Pagkatapos saka mo tanungin ang kanilang obserbasyon.

Makikita ngayon ng iyong mga magulang na ikaw ay nagsasalita bilang isang may sapat na gulang at hindi tulad sa isang bata. Nakagawa ka ng isang malaking hakbang sa pagpapatunay na nagiging maygulang ka na at karapatdapat sa isang sukat ng kalayaan. Magsisimula silang pakitunguhan ka tulad sa isang may sapat na gulang na.

Mga Tanong para sa Talakayan

◻ Bakit madalas na ang mga magulang ay gayon na lamang ang pangangalaga sa kanilang mga anak at pag-alam kung nasaan sila?

◻ Bakit mahalaga na pakitunguhan ang iyong mga magulang nang may paggalang?

◻ Papaano mo pangangasiwaan ang di-pagkakaunawaan ninyo ng iyong mga magulang?

◻ Papaano ka makikipagtulungan sa mga alituntunin at kautusan ng iyong mga magulang at gayunma’y may kalayaan ka pa rin?

◻ Ano ang ilang mga paraan na mapatutunayan mo sa iyong mga magulang na ikaw ay responsable?

[Blurb sa pahina 29]

“Palaging ibig malaman ni Itay kung nasaan ako, anong oras ako uuwi. . . . Kailangan ba nilang malaman ang lahat?”

[Larawan sa pahina 27]

Nadarama mo ba na ikinukulong ka ng iyong mga magulang?

[Larawan sa pahina 30]

Ang pananatiling mapayapa kung may di-pagkakaunawaan ay isang paraan upang matamo ang paggalang